Dalawang taon bago ang gabi ng mga sketch.
July 17.
Ang araw na pinili ni Elijah Cruz na tumakas.
Hindi siya sigurado kung anong eksaktong oras niya naramdaman na sobra na. Siguro noong sumigaw na naman ang tatay niya dahil lang hindi siya nakapagsaing. O baka noong napansin niyang nanginginig siya kahit walang ulan. O siguro—matagal na pala siyang tumatakas, dahan-dahan lang, sa bawat gabi ng pananahimik at pagtitiis.
Pero ngayong gabi, literal na siya'y aalis.
Tahimik siyang nag-empake. Ilang piraso lang: mga damit, sketchpad, dalawang daang piso sa bulsa, at lumang picture ng kanyang ina—yung huling beses na ngumiti ito bago tuluyang lumayas din. Sabi ng nanay niya noon, "Kung ayaw mo nang masaktan, umalis ka kapag may pagkakataon." Ngayon lang siya nagkaroon ng gano'n.
Habang palayo siya ng bahay, tinatakpan ng hoodie ang ulo niya, tinatakpan ng dilim ang sugat sa pisngi, tinatakpan ng ulan ang kanyang kaba.
11:40 PM
Terminal. Rosario Highway. May isang bus pa raw na dadaan—palabas ng bayan. Last trip.
Bumili siya ng ticket. Isang lugar na hindi niya alam. Basta lumayo.
Naupo siya sa likod ng bus. Inilabas ang sketchpad.
Gumuhit siya ng mukha—hindi niya kilala, pero ngumingiti. Parang sinasabi: "Malapit ka na. Kaya mo 'to."
Habang hinihintay nilang umandar ang bus, nag-text siya kay Ton, ang kaibigan niyang isa lang din sa mga natitirang kakampi niya sa eskwelahan.
Eli: "Aalis na ako. Salamat. Alagaan mo sarili mo."
Walang reply.
Hindi niya alam kung matutuwa siya o malulungkot. Pero umandar na ang bus.
12:03 AM
Mainit ang loob ng bus, pero nanlamig si Eli.
May kung anong kaba na hindi niya maipaliwanag. Tumigil siya sa pagguhit. Pinikit ang mata.
"Just a few hours. Then I'm free."
Pero bago niya maabot ang panaginip, isang sigaw ang narinig. Prino ang gulong. Umandar bigla ang katawan ng bus. Kumalabog. Sumasabog na ilaw. Ubo. Dugo. Sigaw.
CRASH.
Tila huminto ang mundo.
Tahimik.
Pagmulat niya, nasa tabi na siya ng kalsada. Walang tao. Walang bus. Walang sugat.
Tumayo siya. Kumakabog pa rin ang puso niya. Pero hindi siya nahihirapan huminga. Tumingin siya sa kamay—malinis. Pero ang sketchpad, nasa lupa. Nakabukas sa pahinang may guhit ng kanyang mukha. Natalsikan ng dugo.
Lumakad siya pabalik sa highway. Wala na ang eksena. Walang pulis. Walang ambulansya. Parang walang nangyari.
"O... okay..." bulong niya. "Panaginip?"
Pero hindi. May kakaiba. Napansin niyang may mga dumadaan na tao pero hindi siya nakikita. May mga bus, pero hindi siya nasasagasaan kahit nakatayo siya sa gitna ng kalsada.
"Anong nangyayari?" humihikbi na tanong niya.
Doon niya lang naalala—may pamilyar na lamig sa paligid. Isang uri ng lamig na hindi galing sa ulan. Galing sa wala.
Sumunod na mga gabi, palakad-lakad si Eli sa highway. Sa terminal. Umaasa siyang may makakita sa kanya. Na may makahawak. May magtanong kung ayos lang siya. Pero wala. Lahat sila, lumalampas lang sa kanya.
Hanggang sa nakaupo siya minsan sa bench, 11:59 PM. Ulan. Katahimikan. Tapos—isang binatang lalaki, may sketchpad sa kandungan, mata'y malalim, mukhang pamilyar.
Si Rafa.
Tumingin ito sa kanya. Diretso. Hindi lumampas. Hindi tumingin sa ibang direksyon. Parang nakita talaga siya.
At sa kauna-unahang pagkakataon mula nung gabing iyon, naramdaman ni Eli na buhay siyang muli.
Sa mga sumunod na gabi, dahan-dahan siyang naging mas tao sa piling ni Rafa. Bumalik ang boses niya. Bumalik ang init—hindi sa katawan, kundi sa damdamin. Sa bawat pag-uusap, bawat tanong, bawat ngiti ni Rafa, parang binubuo ulit ang mga sirang bahagi ng pagkatao niya.
Pero alam din niya: hindi ito tatagal.
"Rafa," sabi niya minsang gabi, habang tinitingnan ang sketch sa kandungan ng binata, "may mga multong hindi para manatili."
"Pero may mga puso ring handang maghintay," sagot ni Rafa.
Kung kaya lang niyang manatili...
Pero hindi siya sigurado kung hanggang kailan siya pinapayagang dumaan sa pagitan ng mga daigdig. Ang sabi ng iba, ang mga multo raw ay may unfinished business. Pero sa kaso ni Eli, baka... ang unfinished business ay pagmamahal.
Hindi niya naranasan sa buhay ang mahalin ng buo. Pero sa piling ni Rafa, naramdaman niya ito—kahit sandali lang.
Sa huling pahina ng sketchpad, isang gabi bago ang lahat magbago, isinulat ni Eli:
"Kung may susunod mang buhay, sana tayo pa rin. Pero kung hindi man, salamat sa gabing ito. Salamat sa'yo."
ВЫ ЧИТАЕТЕ
Sa Dulo ng Huling Bus
Любовные романыSa isang bus stop sa hatinggabi, nagtagpo sina Eli at Rafa-dalawang estrangherong parehong may bitbit na sakit, alaala, at mga tanong na hindi masagot. Hindi nila inakala na sa katahimikan ng gabing iyon, may mahahanap silang tahanan sa isa't isa. P...
