Chapter 8: Noel

6 1 0
                                        

"Minsan, ang mga kwentong hindi natin inaasahan ang siyang nagpapaalala na buhay pa pala tayo."

Isang linggo matapos ang exhibit, muli silang nagkita ni Noel.

Sa simula, professional lang—interview, footage, backgrounder. Pero habang lumalalim ang mga tanong, napansin ni Rafa na hindi lang dokumentaryo ang gusto nitong gawin.

Gusto nitong umunawa.

"Paano mo nalaman na tapos na ang isang kwento?" tanong ni Noel, habang hawak ang camera.

"Hindi ko alam kung natatapos talaga 'yung mga kwento," sagot ni Rafa. "Minsan... natututo lang tayong isulat ang susunod na kabanata."

Hindi sumagot si Noel. Pero sa likod ng lente, nakita ni Rafa ang mata nitong tila may sariling pinagdadaanan.

Sa sumunod na linggo, naging madalas ang pagbisita ni Noel.

Hindi lang para mag-shoot. Kundi para manahimik sa studio, makipagkape, makinig sa mga kwento ng mga artistang ini-feature ni Rafa.

Isang gabi, habang nakaupo sila sa sahig ng studio, may hawak si Noel na lumang litrato.

"Si kuya ko 'to. Dati siyang writer. Siya 'yung unang nagturo sa akin na mahalaga ang mga kwento. Pero nawala siya noong pandemic."

Tahimik si Rafa.

"Hindi ka na ba nagsulat?"

"Hindi ko na nasundan 'yung sinimulan niya. Naging mas madali ang pagkuha ng kwento ng iba... kesa harapin 'yung sa sarili ko."

Gano'n din pala kami, naisip ni Rafa.

Pareho kaming may minahal, may nawala, may iniwan sa gitna.

"Pwede ba kitang iguhit?" tanong ni Rafa isang gabi.

Napatingin si Noel, medyo nagulat.

"Bakit ako?"

"Wala lang. Gusto ko lang makuha 'yung hitsura ng isang taong lumalaban kahit hindi sigurado."

Ngumiti si Noel. "Sige."

Habang ginuguhit niya si Noel, iba ang pakiramdam. Hindi ito gaya ng kay Eli—walang lungkot, walang pangungulila. Sa halip, may tahimik na sigla. Isang interes, isang pagnanasang kilalanin pa.

May bago.

Hindi kapalit.

Hindi paglimot.

Kundi bagong pahina.

"Eli?" tanong ni Noel minsang nakita ang lumang sketch.

"Ang unang taong hindi ko inakalang mamahalin ko."

Hindi na nagtuluy-tuloy ang usapan. Pero ramdam ni Rafa na hindi niya kailangang ipaliwanag lahat. At para kay Noel, sapat na ang pangalan.

Sa isang eksena ng docu, kinuhanan ni Noel si Rafa habang nagguguhit sa terminal bench.

"Dito kayo unang nagkita?"

"Oo. Sa huling bus."

"Sa palagay mo, may taong dadating ulit para sa'yo sa parehong lugar?"

"Hindi ko alam," sagot ni Rafa, "pero sa dami ng bus na dumarating at umaalis, natutunan ko nang mahalin ang paghihintay."

Makalipas ang ilang linggo, tapos na ang documentary.

At kahit tapos na ang proyekto, hindi natapos ang pagdalaw ni Noel. Hindi na ito dala ng trabaho. Dala na ito ng... pagnanais manatili.


Isang gabi, habang magkayakap sila sa studio couch, nagtapat si Noel:

"Hindi ako sigurado kung anong meron tayo. Pero ang sigurado ako... gusto kong maging bahagi ng kwento mo, kung papayag ka."

Tahimik si Rafa. Hawak niya ang sketchpad, bukas sa bagong pahina.

At sa unang pagkakataon, isinulat niya ang dalawang pangalan sa iisang canvas:

Eli. (ang unang mahal, ang alaala.)

Noel. (ang pag-asa, ang kasalukuyan.)

Sa Dulo ng Huling BusWhere stories live. Discover now