Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)

Start from the beginning
                                    

"Kung magmamatigas kayo ay wala na kaming magagawa! Utos ito ng gobyerno! Sumusunod lang kami!"bulyaw muli ng boses sa mikropono.

"Wala kaming pakialam! Dito kami nakatira! Dito kami nabuhay! Saan niyo kami dadalhin pagkatapos nito? Sa Antipolo? Sa tambakan ng mga bid? Hindi niyo kami mapapaalis dito!" bulyaw naman ng isang ginang. Uugod-ugod na ito ngunit kinaya pa nitong buhatin ang isang basag nang bote para ibato sa isang sundalo na nasa kanyang harapan. Sianngga na lamang ng sundalong iyon ang ibinato ng ginang gamit ang kanyang bakal na shield. Agad naman nitong kinuha ang kanyang electric rod. Pinahaba ito sa pamamagitan ng pagpitik nito paibaba, pinindot din nito ang isang boton. sa bandang handle at tila nagpipitik naman ang kuryente sa dulo ng pamalong iyon.

"Inay umalis na tayo dito..." pakiusap naman ng kanyang anak. Kinakapitan na lamang nito ang kanyang balikat habang inillayo sa gulo.

"Matapos niyong kunin ang mga anak namin! Ibenta sa mga bidders?! Mga walang hiya kayo!" Napaluha na sa pagkakataong iyon ang ginang. Muli itong pumulot ng nabasag nang bote at ibinato sa sundalong papalapit. Kahit na naglulupasay na ito sa nagyeyelong kalsada ay muli itong pumulot ng maibabato.

"Commander Gregor! Hinihintay po namin ang utos niyo!" tanong ng sundalong iyon mula sa kanyang communicator.

"Haay nako..." tila hinilot na lamang ng kanilang commander ang kanyang noo upang maibsan ang sakit ng ulo na kanyang nararamdaman dahil sa labis na konsumisyon. Mula sa loob ng kanyang hover truck ay muli niyang hinila ang mikropono para magsalita.

"Wala na akong magagawa! Kung matigas talaga ang ulo niyo...pasensiyahan na lang tayo," wika niya.

"Sige...turuan ng leksyon ang mga 'yan. Protektado naman tayo. Kung tutuusin, kahit paliguan pa ng bala ang mga walang silbing 'yan ay puwede. Nasa panig natin ang gobyerno. Basta't itira niyo lang ang mga bata. Magagamit pa natin sila sa subastahan," wika naman niya sa kanyang mga sundalo gamit ang kanyang communicator na nakakabit sa kanyang tenga.

Tila napangiti naman ang ilang mga sundalo habang nagtitinginan. Sinimulan nilang isuot ang kanilang mga helmet at inilabas ang kanilang mga electric rod. Dahan-dahan silang lumapit sa mga bid na namamato pa rin ng kung ano-ano sa kanila. Nagsimula naman sa paghataw ang isang sundalo sa ginang na kanina lamang ay namamato ng bote. Kung tutuusin ay kanina pa siya gigil sa matandang iyon ngunit pinagbibigyan niya lamang ito ngunit nang ibigay na ng kanilang commander ang hudyat ay hindi na siya nagdalawang isip.

"Wag!" sigaw naman ng kanyang anak. Agad namang tinamaan ng electric rod na iyon ang braso ng ginang. Bahagya itong nangisay, isang hataw ang muling pinakawalan ng sundalong iyon at muli namang nangisay ang matanda hanggang sa napatulala na lamang ito sa kalangitan. Hindi naman malaman ng kanyang anak kung patay na ang kanyang ina, ang tangi lang niyang ginagawa ay hilahin ang kanyang ina mula sa sundalong iyon.

Maririnig sa di kalayuan ang sigawan mula sa mga bid na sinubukang lumaban sa militar. Napatigil na lamang si Dylan habng pinagmamasdan ang mga taong nakahadusay sa nagyeyelong semento habang pinagpapapalo ng mga electric rod. Huminga siya ng malalim at muli namang tumingin sa kanyang ina na humihila sa kanyang braso. Animo'y kinakaladkad na lamang siya ng kanyang ina upang makalayo sa lugar na iyon ngunit natapilok naman siya dahil sa gutter na nilakaran. hindi niya iyon napansin dahil patuloy pa rin siya sa pagtingin sa mga taong sinasaktan ng mga sundalo.

Napahiga na lamang siya sa semento, hindi siya umiyak, hindi siya nakaramdam ng sakit. Bagkus ay nakaramdam siya ng takot at lungkot sa pagkakataong iyon. Matagal siyang humiga sa sementong iyon bago siya mapansin ng kanyang ina na malayo-layo na rin ang tinakbo.

"Anak!" bulyaw niya. Muli siyang lumapit kay Dylan at inakay ang kanyang anak para makatayo.

"Anak nasaktan ka ba ha? Anak?" wika niya. Pinapagpagan niya ang maduming damit nito gamit ang kanyang palad. Hindi naman makatingin ng diretso si Dylan sa kanyang ina. Nakatingin pa rin siya sa kaguluhan sa di kalayuan habang nanlalaki ang mga mata. Agad namang kinuha ng kanyang ina ang kanyang balabal upang isuot sa leeg ng kanyang anak. Hinipan niya naman ang kanyang palad upang uminit at idinampi sa pisngi ng bata.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersWhere stories live. Discover now