10

114 4 0
                                    


"Kade..."


Wala sa sariling nausal ni Thalia ang pangalan ng lalaking minamasdan. Mula sa veranda ay natatanaw niya ito. Nagkakape ito sa malawak na garden habang may mga binabasang reports. Tahimik lamang siyang nakamasid sa binata, habang nag-iisip.


Ilang buwan na rin ang nakalipas simula nang nangyari ang hindi magandang insidente sa kanya. Nahuli ang dalawang lalaki na gumawa ng hindi maganda sa kanya. Sinigurado ni Kade na mapaparusahan ang dalawa. Hindi niya tinigilan ang pag-aasikaso rito. Sa katunayan, napag-alaman niya na mayaman pala ang dalawang lalaking iyon, at ngayon, hindi na. Ginawa ni Kade ang lahat para malugi ang kompanya ng dalawa. Halos halikan na nga raw nila ang mga paa ni Kade pero sadyang matigas ito at walang pakialam sa dalawa. Ang mahalaga raw ay naturuan niya ng leksyon ang dalawa.


"Nako, Ma'am, ikaw ha, titig na titig ka kay Master!" Nawala siya sa pag-iisip at pagbabalik-tanaw nang marinig niya ang bagong kawaksi na si Rosa. Bente años ang dalaga at lumuwas mula Mindoro upang makipagsapalaran. Nakasundo niya agad si Rosa dahil na rin sa napakabait nga nito at palabiro. Hindi tulad ng ibang mga kawaksi na palaging walang emosyon, o kung minsan ay nakataas ang kilay at nakabusangot.


"Hindi ha, ikaw talaga." Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya dahil nadatnan siya ni Rosa na pinagmamasdan ang huli. Tumawa naman si Rosa dahil kitang-kita namang nag-"blush" ang dalaga. Alam naman nitong may kakaiba at espesyal na ugnayan ang dalawa kahit bago pa lamang siya sa premiso ng pamamahay ni Kade.


"Nako, ikaw Ma'am ha, yung totoo? May something ba?" Pag-uusisa ni Rosa. Nginitian siya ni Thalia. "Ano ka ba, Rosa! Thalia na nga lang. Hindi mo naman ako amo. Si Kade ang amo mo," wika nito.


"Okay sige. Thalia, meron ba kayong relasyon ni Master Kade?"


Sumimangot si Thalia. Natawa naman si Rosa dahil dito. "Rosa naman...huwag ka ngang maingay! Kapag may nakarinig pa sayo, sabihin nila ay ilusyunada ako. Wala naman kaming relasyon ni Kade...ewan. Hindi ko alam. Magkaibigan siguro kami," nangingiming paliwanag ni Thalia. Nangunot naman ang noo ni Rosa. "Ano? Ang gulo mo ha. Bakit hindi ka sigurado?"


Napabuntong-hininga si Thalia. Mukhang wala nga talaga siyang ligtas dito kay Rosa. Naalala niya ang nangyari noon. Hiniling niyang halikan siya ni Kade, at hinalikan nga siya nito...sa noo. Hindi naman niya maitatago sa sarili ang dismaya. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Para bang nanghihinayang siya sa isang bagay na alam naman niyang hindi niya dapat makuha.


"Rosa, diba magkaibigan naman tayo? Ipangako mong wala kang pagsasabihan nito," mahina ang kanyang boses. Tumango naman ang kanyang kausap sabay taas pa ng kanang kamay na para bang nanunumpa.


"Kasi, hindi ko alam. Mag-wawalong buwan na ako rito. Oo, sa una, hindi maganda ang pagsasama naming dalawa ni Kade. Pero habang tumatagal, nakikita ko. Nakikita ko ang mga bagay na hindi nakikita ng iba sa kanya. Yung lungkot sa mga mata niya, yung hinagpis sa bawat ngiti niya. Para siyang isang bagay na hindi pa natutuklasan ng kahit sino," Binalik niya ang tingin sa binata. "Hindi ko alam kung bakit ko nakikita o nararamdaman iyon. Pero, sa tingin ko, hindi lamang simpleng paghanga ang nararamdaman ko para kay Kade. At natatakot ako sa nararamdaman ko."


Sa wakas ay naamin na rin ni Thalia sa kanyang sarili ang katotohanan. Ilang buwan niya na ring itinatanggi sa sarili ang posibilidad na baka nga may nararamdaman siya para sa lalaking bumili sa kanya.


Isang luha ang tumulo sa mga mata ni Thalia. "Hindi ko alam kung tama ba ang nararamdaman ko, Rosa..." wika niya. Batid niyang dahil sa lalaki ay bahagyang nagulo ang matagal nang magulo na buhay niya. At sa una, ay puno siya galit at muhi para rito. Ngunit sa halos walong buwan na pagsasama nila, napatunayan niya mismo sa kanyang sarili na hindi ganoon kasama ang lalaki. Oo nga, hindi nga maganda ang paraan nang pagkakakilala nila, ngunit nakita niya. Nasaksihan niya kung gaano kabait ito. Kung gaano ka-maalaga, maasikaso. Malayong-malayo sa pag-uugaling inaasahan niya para sa isang bilyonaryong kagaya ni Kade.


"Ano bang iniiyak mo? Hay, ano ka ba naman Thalia! Kung totoo nga 'yang nararamdaman mo, bakit hindi mo sabihin sa kanya? Malay mo, mahal ka rin pala niya..."


Mahal.


Iyon nga ba ang tamang salita na tumutukoy sa nararamdaman niya?


Mahal niya na nga ba talaga si Kade?

Undiscovered (ON GOING)Where stories live. Discover now