"Bumuti na po kasi ang pakiramdam ng Mahal na Reyna." Sabi ko sa lahat bagaman naging malikot ang aking mga mata upang obserbahan ang reaksyon at ikinikilos ni Reodica.  Halatang nagulat ito nang pasikreto, marahil nagtataka ito na tila hindi tumatalab ang kanyang lason. "At nais rin po nilang imbitahan kayo sa munting salo-salo, kasama pa ng ibang mga naninilbihan dito sa loob ng Palasyo, bilang pagdiriwang sa kanyang pagdadalantao. Nais rin po niyang humuling sa inyo ng pinaka espesyal na putahe na nais niyong ihanda para lamang sa kanya, at ipinadala naman po ako ng mahal na hari upang tulungan kayo sa paghahanda."

Muli kong hinapywan ng sulyap si Reodica na tila nagalak naman sa kanyang narinig.

****

"Galit na galit si Lambino." Pag-uulat sa akin ni Alejandro. "Ayon ito sa mga mga mata natin doon sa loob ng kanyang palasyo. Nagpadala na naman ito ng mga mandirigmang nakaabang sa lahat ng lagusan ng Edenus.  Marami silang nadakip mula sa atin, kaya ipinasara ko na po muna at ipinagbawal ang paglabas-masok sa lahat ng lagusan."

Tumango ako, dahil 'yun naman din ang inaasahan kong gagawin niya. Ang totoo, mas magtataka ako kung hindi siya nagalit, dahil ang ibig sa bihin lamang noon ay nawala na ito ng tuluyan sa sariling katinuan.

"May hinihingi po siya, Panginoon."  Pagpapatuloy nito, "aalis lamang daw po sila roon kung isusuko niyo sa kanya ang kanyang amang si Edwino."  

Naroon din si Impong Delfin sa bulawagan kaya't muli na naman kaming nagkatinginan nito. 

"Wala namang kailangan ang mga taga-rito sa labas." Sabi ko kay Alejandro, "hayaan mo na munang nakasara ang mga lagusan hanggang sa mamuti ang kanilang mga mata.  Wala kayong kailangang isagot sa hinihingi niya dahil wala akong pakialam sa kanya kahit mamatay pa silang lahat doon ng dilat sa kahihintay.  Dito niya masusubukan ang pagkakaiba ng Edenus at Mashuria. Narito lahat ang ating mga pangangailangan, nagluluwas tayo sa ibang kaharian ngunit hindi naman natin kailangang mag-aangkat ng kahit ano mula sa labas. Mabubuhay tayo rito ng masagana kahit na nakakulong lamang tayo rito sa loob ng maraming taon."

Tumango si Alejandro, "batid ko naman po iyon, Panginoon, at lubos po kaming nagpapasalamat sa maayos niyong pamamahala sa amin.  Nang dahil sa inyo, hindi kami nag-aalala, sampu ng aming mga kapamilya, ngunit mukha pong alam ng ating mga kaaway ang katotoonang ito kaya nais ko rin po sanang iulat sa inyo ang nangyari inyong mga lupain sa San Joaquin, San Gabriel at San Antonio sa ibabaw ng lupa. Mukhang ito po ang napagdiskitahan ng grupo nina Marietta."

Napakunot-noo ako, "bakit, anong nangyayari sa lupa?"

****

"Ano, winasak ni ate Marietta ang kubo ko?"

"Utang na loob, Senda, itigil mo na ang katatawag na ate sa impaktang 'yon.  Masyadong marangal ang titulong iyon para sa katulad niyang halang ang kaluluwa." Wala akong balak ilihim ang nangyayari kaya ikinuwento ko na ito habang naghahanda na ito sa pagbabalik sa Palasyo."Hindi lamang kubo mo ang nawasak, Senda." Sagot ko rito, "kundi ang buong nayon. Wala silang itinira. Winasak nila lahat at sinunog, kasama na 'yung mga nirarasyunan mo noon sa San Antonio. Ipinalapa nito sa kanyang mga halimaw ang lahat ng mga naninirahan doon.  Hindi sila makapasok dito sa Edenus kaya iyon ang pinagdidiskitahan ng dalawang salaula."

"Pero paano na ang mga lupain mo?"

"Hindi ko na inaalala ang mga iyon. Ang lupa ay nananatiling lupa may nakatira man o wala. Mas iniisip ko ngayon 'yung mukha at katauhan ko na naman ang ginamit ni Marietta upang palabasin na ako ang may pakana ng pagkawasak, pamumuksa at walang awang pagpatay sa mga taong nayon. Ipinagkakalat din nito sa ibang ibayo na ako ang dumakip kay impong Delfin at Edwino upang pahirapan at patayin.

"At ang problema na naman natin ay ang lalong pagdami ng mga nilalang na naniniwala sa kasinungalingang iyon?"

"Ganun na nga."

"Hay, nakakainis naman!" Nagusamot na ng tuluyan ang mukha nito. "Bakit ba ayaw ka nilang lubayan? Lalo tuloy akong nag-alala para sa magiging anak natin."

"Senda..." hinawakan ko ang mga kamay nito, "huwag kang magsayadong mag-alala dahil kaya ko 'to. Ang nais ko lamang  naman ay malaman mo ang nangyayari para mas maging matalino ka at maingat sa lahat ng bagay at pakikibagay dahil walang batas na sinusunod ang aking mga kaaway. Saksi ka sa aking pakikibaka sa buhay. Umaasa ako na nauunawaan mo na sa ngayon ang masakit na katoto'hanang, hindi porke't mabait ka at mabuti ang puso mo ay gayun din ang isusukli ng iba sa iyo.  Mas maraming ang hindi mababait sa mundong ito, at sa kakaunting mababait, hindi pa lahat doon ay may tapang na ipaglaban kung ano ang tama. Mas marami ang walang pakialam.  Mas marami yaong panonoorin na lamang na mangyari ang mga trahedya  sa paligid nila. Mas marami ang mas gugustuhing takasan na lamang ang bawat problema. Gayunpaman, narito ako at lalaban para sa 'yo at para sa lahat ng mga nilalang na umaasa sa akin. Lalaban ako para atin, pati na rin sa magiging anak natin."

[ITUTULOY]

Footnote

(1) Read:  Jasper, the Demon slayer - Kabanta 68

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now