CHAPTER SIX | TUITION FEE

Start from the beginning
                                    

"Ano ba 'yan? Napakaingay."

Pareho kaming napatingin kay Tito Rey na painis na bumangon sa hinihigaang sofa. Ang sama pa ng tingin sa amin tapos ay inis na inis na nagkakamot ng ulo.

"Ano na naman bang drama 'yan?" Pinuntahan na kami ni Tito Rey sa kusina. Papalit-palit ang tingin sa amin ni Nanay tapos ay pumako ang tingin sa akin. "Tungkol na naman ba sa pera ang ikinagagalit mo? Sinabi ko naman na papalitan ko 'di ba?"

"Paano mo nga papalitan kung naipatalo mo na sa sugal? Paano mo papalitan kung wala ka namang trabaho? Ano ang gagawin mo? Kukuha ka na naman ng pera kay Nanay tapos isusugal mo ulit dahil magbabakasakali kang mananalo ka. Walang nananalo sa sugal. Walang yumamaman na sugarol. Lahat umuuwing walang pera at lubog sa utang."

Nakita kong namula ang mukha ni Tito Rey. Mukhang napikon sa sinabi ko. Nagngalit ang bagang habang ang sama ng tingin sa akin.

"Putangina, Lagring. Hindi ko gusto ang tabas ng dila ng anak mo. Nagiging bastos na. Dahil ba sa wala akong trabaho kaya ganyan ako bastusin niyan?" Kay Nanay na siya nakatingin ngayon.

"Ayaw mo naman kasing magtrabaho talaga. Gusto mo lang magsugal nang magsugal na kahit kailan hindi ka naman nananalo." Sabi ko pa. "Wala ka ngang pera, sugarol ka pa."

Hindi na nakapagpigil si Tito Rey at sinugod na ako kaya mabilis itong inawat ni Nanay at ni Lawrence.

"Laurel, ano ba?! Bakit ang bastos mo?!" Si nanay na iyon.

Lalo lang sumama ang loob ko. Ako pa ang bastos? Bakit ganito ang nanay ko? Hindi ko alam kung anong klaseng gayuma ang ipinakain ng lalaking ito sa kanya. Bakit kasalanan ko pa? Kami na nga ang napapabayaan tapos kinakampihan pa niya ang lalaking iyon.

Napailing na lang ako at inis ko silang tinalikukan. Iyak ako nang iyak habang lumabas ng bahay at lumakad na papunta sa tindahan namin.

Hindi ko pinansin ang nagtatanong na tingin ng mga tindera doon. Deretso ako sa kaha at tiningnan ko kung may laman iyon. Dito na lang sana ako kukuha para itatakbo ko sa school at makapagbayad ng tuition. Bahala nang magalaw ang pera para dito. Pero sa malas, kulang pa rin. Saan ba ako kukuha ng pera ngayon?

"Hoy, nakita mo ba si Arcus kagabi?"

Napatingin ako sa gawi ng mga tindera namin na nakakumpol hindi malayo sa puwesto ko. Kunwari ay nag-aayos ng mga tela ang mga ito pero alam kong nagtsi-tsismisan lang.

"Saan mo nakita?" Si Sheila ang narinig kong nagsalita noon.

"Sa sakayan. Pasakay ako ng jeep tapos nakita ko bihis na bihis. Mukhang may lakad. Ang guwapo niya. Sobra talaga." Hitsurang inaasinan na bulate naman si Rose habang nagkukuwento. "First time kong nakitang nakabihis ng matino si Arcus at grabe. Mukha siyang artista."

"Sayang naman." Napalabi pa si Sheila. "Hindi ko nakita. Nakakainis naman bakit hindi ako sumabay sa'yo kagabi? Sana nakita ko din siya."

Napatirik pa ng mata Rose. "Gaga, para kasi sa akin si Arcus. Nararamdaman ko, magiging syota ko siya."

Doon na napaikot ang mata ko. "Rose. Sheila. May mga customers. Asikasuhin n'yo nga. Puro kayo tsismisan diyan." Saway ko sa kanila.

Alam kong naasar sa akin ang dalawa dahil pasimple nila akong inirapan. Hindi ko na lang sila pinansin. Kinuha ko ang telepono kong nagba-vibrate sa bulsa at nakita kong si Wanda ang tumatawag sa akin.

"Nasaan ka na? Nandito na ako sa classroom. Malapit na mag-umpisa ang exam." Ramdam ko ang concern sa boses niya. "Alam mong mahigpit si Doc Contreras. Ayaw n'on ng late."

ROZOVSKY HEIRS SERIES 4: MARCUS AURELIUS (CRUEL BASTARD) (COMPLETE)Where stories live. Discover now