CHAPTER SIX | TUITION FEE

1.3K 10 3
                                    


It's always the broken souls that are always trying to fix others.

CRUEL BASTARD

CHAPTER SIX | TUITION FEE

LAUREL

Magang-maga na ang mata ko kakaiyak. Kagabi pa. Hindi na nga ako nakatulog dahil ang sama-sama talaga ng loob ko. Tulad ng inaasahan ko, ang pang-tuition ko na kinuha ni Tito Rey ay naglahong parang bula. Nang umuwi siya kagabi, mainit pa ang ulo. Nagwala pa nga dahil agad na sinalubong ni Nanay at hinahanap ang pera na kinuha. Pero nagalit pa si Tito Rey. Nagwala. Nagbasag ng mga gamit at sinasabing ginagawa naman niya ang lahat para makatulong dito sa bahay pero parang ang tingin pa din daw ng mga tao sa kanya ay wala siyang silbi. Siya pa ang nagagalit sa amin dahil hindi man lang daw kami makisama sa kanya. Pinapalago nga daw niya ang pera namin pero pinag-iisapan pa namin siya ng masama.

Pero ang talagang ending ng nangyari, wala na ang pera. Naipatalo na niya sa sugal at may utang pa. Lalo lang akong napaiyak dahil hindi talaga ako makakapag-exam ngayon.

Nang lumabas ako sa kuwarto ay nakita kong nakahiga pa sa sofa si Tito Rey at tulog na tulog. Tumingin ako sa relo at nakita kong alas-diyes na ng umaga. Nakita ko si Lawrence na nakaupo sa harap ng mesa at nakatitig sa pandesal na naroon pero hindi niya kinakain.

"Bakit nandito ka? Maaga ba kayo pinauwi?" Taka ko at naupo ako sa harap ng kapatid ko.

Malungkot na umiling sa akin ang kapatid ko. "Pinauwi ako ng teacher. Kasi exam namin tapos hinahanapan ako ng permit. Sabi ko wala. Tapos sabi ng teacher pumunta daw ako sa accounting. Hindi daw nagbayad si Nanay kaya hindi ako puwedeng kumuha ng exam."

Pakiramdam ko ay kinurot ang puso ko at gusto ko na namang umiyak. Bakit ba nangyayari sa amin 'to? Pati na ang kapatid ko apektado sa nangyayaring ito. Tumingin ako sa pinto at nakita kong paparating si Nanay na may bitbit na mga pinamili. Tinapunan lang kami ng tingin ni Lawrence tapos ay dumeretso sa kusina.

"Bakit nandito ka, Lawrence? Maaga ba ang uwian n'yo?" Tanong niya kahit nakaharap sa mga ginagawa niya.

"Pinauwi siya ng teacher niya dahil hindi siya makakuha ng exam. Dahil wala siyang permit. Dahil hindi kayo nakabayad ng tuition niya." Ako na ang sumagot noon.

Hindi ako nilingon ni Nanay at sige lang siya sa pag-aayos ng mga pinamili niya. Hinihintay kong magpaliwanag siya sa akin. Ipinangako niya na ibabalik ni Tito Rey ang pera na kinuha sa amin.

"Wala kang planong gawin, 'Nay?" Nabasag na ang boses ko. "Pera na namin ang kinuha ni Tito Rey. Pera na para sa pag-aaral namin ni Lawrence pero wala kang sasabihin? Hindi mo man lang siya sisitahin? Papagalitan?"

Inis na binitawan ni Nanay ang hawak na kutsilyo at doon kami hinarap.

"Para isang quarter lang naman kayong naatrasado ng bayad sa tuition. Masyado naman kayo. Ngayon lang naman ako nahuli sa pagbibigay ng tuition ninyo. Hindi ba puwedeng makiusap diyan sa mga pinapasukan n'yo? Alam nila kung gaano ang hirap ng buhay ngayon. Hindi n'yo ba nakikita ang pagsasakripisyo ko para lang matustusan ang lahat ng pangangailangan n'yo? Tapos sa konting pagkukulang ko lang ipinaparamdam n'yo na sa akin kung gaano ako kasamang ina?"

"'Nay, hindi 'yon." Tuluyan nang nahulog ang luha ko. Naiinis ako kung bakit kami nagkakaganito ng nanay ko. Naiinis ako dahil unang beses na nangyari sa amin na ganito. Wala kaming problema sa pera noon. Nakakasapat ang lahat. Nasira lang nang dumating si Tito Rey dito sa amin. "Alam ko naman kung gaano kayo ka-responsable pagdating sa amin. Pero bakit kapag kay Tito Rey, hindi mo kami magawang ipagtanggol?"

ROZOVSKY HEIRS SERIES 4: MARCUS AURELIUS (CRUEL BASTARD) (COMPLETE)Where stories live. Discover now