"Ermats"

9 1 0
                                    

"MA, ALIS NA KO..." paalam ko kay ermats. Di man lang ako kinibo o tiningnan kahit saglit. Ayun as usual, tambay lang siya ng tindahan pag gantong oras. Basta pagtapos mag-almusal, kasabay na nun yung pagbukas ng tindahan. Weird nga lang kasi halos one week na ata niyang routine yung ganto: nagbibilang ng kita. Alam ko kasi bago o pagkasara ng tindahan siya nagbibilang. Last week o last-last week lang ata yung maaga-aga. Ewan, siguro nagsawa na sa ganung routine.

Oo nga, may isang linggo na ring hindi bumibili ng almusal si ermats. Siguro nagsawa na kaka-alok sa'ken. Hindi ko rin naman kasi kinakain. Sa office na ko kumakain, mahirap na maabutan ng traffic. Bago pa lang din kasi ako sa work kaya nagpapa-good shot muna. Bawal ang late.

Mula Guiguinto, babyahe ako ng kulang-kulang tatlong oras araw-araw papuntang Pioneer. Sapul ng rush hour yung pasok ko kaya laging parang makikipagbakbakan ako sa NLEX at EDSA (dapat talaga binubura na sa mapa ang Bocaue). Magbe-bedspace na lang sana ako kun'di lang ako natatakot para kay ermats. Dalawa lang kami sa bahay at kung ano-ano na dinadaing na sakit sa katawan. Simula kasi nung namatay si Tatay last month naging mahina na katawan ni ermats. Ayaw naman magpa-ospital, magastos daw. Kaya hinayaan ko na lang siya sa mga herbal-herbal niya. Awa ng Diyos nakakatulong naman kahit papano. Yung ulcer lang ang medyo nag-a-alala ako.

Pero kung tutuusin, wala pang two-hours ang biyahe ko dapat kun'di lang dahil sa pahirapan sumakay ng bus. Hindi ko na rin maasahan 'yung mga UV express at laging mahaba ang pila or minsan punuan. Okey na sa bus kahit standing. Mas mura pa.

Nakita ko na naman yung mga taong-CCTV sa tapat ng bahay. Saktong nila-lock ko yung gate ng mapansin kong nakatingin sila sa'ken (hindi ako rektang nakatingin sa kanila, peripheral vision lang sa kanan). Lagi silang ganun --- umagang-umaga nakatambay sa kabilang side ng kalsada, nakatingin lang sa bahay namin. Parang paglalabas ako ng bahay araw-araw déjà vu. Pare-pareho yung eksena sa labas ng bahay namin: nakatanghod ang apat na taong-CCTV, yun at yun din ang pwesto nila at yun at yun din ang hilatsa ng mukha. Parang gusto lagi makasagap ng scoop at tsismis. Nag-i-iba lang yung damit, ayos ng buhok at hawak. Kung minsan may walis, sako ng basura o kape. Ewan ko ba sa kanila kung ano napapala nila, e wala naman silang mapagtsi-tsismisan sa'min. Napapaisip tuloy ako kung ano yung trip nila sa umaga.

Pinaka-iniiwasan ko dun si Aling Baby. Lahat kasi napapansin nun. Kabisadong-kabisado lahat ng schedule ko, bitbit na pinamili, o kahit na yung pagpapagupit ko.

"Ahoy, pahingi naman niyan!" nung minsang may take-out akong pizza.

"Mukang may gelpren na a? Ayos na ayos sa gupit e..." nung bagong gupit ako.

"Sweldo na ba? Dami naman niyan..." nung nag-grocery ako.

"Aga mo naman? Wala bang trapek ngayon sa Maynila?" pag maaga ako nakakauwi.

"Bango-bango naman ni kuya, san ba date naten?" pag naaamoy niya yung pabango kong wala pang two-hundred.

"Papasok ka na pala Ambo..." bati ni Aling Bella na may allergy sa tae ng aso (himala at hindi si Aling Baby ang bungad). Kung gusto mo makarinig ng nagra-rap na Gloc-9 na boses ni Melai, tapunan mo ng tae ng aso yung tapat ng bahay nila. Ewan ko lang kun'di mo isumpa ang araw na 'yun. Yung sa trauma mong makarinig ng boses niya e pati ikaw nagkukusa ng maglinis ng tae sa tapat ng bahay nila kahit hindi mo naman tapat ng bahay 'yun.

"Oho..." yun na lang nasagot ko saka ako mabilis na lumakad. Mahirap na at baka segundahan pa nung tatlo.

Kmuzta k? Ok k lng? Text ni Suzette, bagong kapitbahay namin. Sila yung nakabili ng lupa na nasa likod-bahay namin. Pareho kaming bagong graduate sa BSU. Nito lang din kami nagkaka-usap. Dati-rati hindi kami nagpapansinan kahit madalas ko siya nakakasabay sa trike at jeep. Kahit sa school kahit tango wala. Muka kasing mataray kaya di ko na gano pinapansin.

Ok lng. Otw n s work. Bt u ntnong? Reply ko. Saktong pagka-send may dumaan ng trike. Alam kong may pahabaol pang text pero di ko na pinansin.

Parang wala lang na dumaan ang Lunes. Sa sobrang dami kong tinapos na trabaho hindi ko napansing mag-a-out na pala ako kun'di pa nag-vibrate ang cellphone ko. T-in-ag ako sa picture message sa FB. Monday prayer. Dun ko lang din nabasa yung huling text niya.

Kung nid mo q at kung sad k, text k lng.

Hanep. Need. Medyo mahalay yung dating sa'ken ng 'need' niya.

Saktong 7:20 PM nakababa ako ng trike dito sa kanto namin. Maaga ako ng ten minutes. Unusual 'to kasi madalas lagpas 7:30 na ko nakakauwi. Hindi ko nga napansin yung byahe sa antok. Tinulugan ko yung EDSA. Nagising ako Tabang Exit na.

Malayo pa lang aninag ko na yung mga CCTV sa tapat ng bahay namin. Kahit yung ilaw lang galing sa tindahan namin yung liwanag sa kalsada kabisado ko na kung sino-sino yung mga nakatambay. Medyo kulang lang sila sa attendance, wala si Aling Bella. Malas, dapat si Aling Baby na lang ang wala. Ilang hakbang pa bago yung tapat ng gate namin tinawag ako ni Suzette. Nasa gilid siya ng bahay namin, nakatambay dun sa nakatumbang puno ng buko. Himala't gantong oras nasa labas pa siya ng bahay. Ang alam ko kasi hindi naman siya tumatambay. Bibihira ko nga maabutang nasa labas siya ng bahay.

"O, dyan ka pala..." bati ko. Umupo ako sa tabi niya. Naamoy ko agad ang basang-buhok. Amoy–Palmolive. Tamang-tama at magpapalipas muna ako ng ilang minuto bago ako pumasok sa bahay. Bahala na sila kung pagtsismisan nila kami netong katabi ko.

"Inaabangan talaga kita..." Halata sa boses na malungkot siya. Unusual din 'to. Bibihira ko din siya marinig na malungkot ang boses. Laging parang good vibes 'tong taong 'to e. Mas madalas na nakangiti kesa nakasimangot.

Ano bang meron sa araw na 'to at parang ang hiwa-hiwaga?

"Inaabangan, bakit?"

"Wala naman. Baka gusto mo lang ng kausap."

Weird. Gusto ng kausap? Para san? "Okey lang naman ako a? Muka bang hindi?"

"Sure ka?"

"Oo naman. Ikaw kamo ang kamusta. Yang itsura mo muka kang namatayan e. Boses Charo Santos. Feeling ko tuloy nasa MMK tayo."

Hindi siya agad nakapagsalita. Nakatitig lang siya sa'ken. Sumeryoso ang facial expression. Na-guilty ako. Parang foul yung nasabi ko.

Hindi ko napansin, ilang hakbang na lang pala ang layo nila Aling Baby sa'min. Nasa likod niya si Aling Coring na naglalangis ang mukha sa pawis at si Aling Nelya na parang namatayan din ang itsura. Nung magka-eye-to-eye contact na kami, lumapit na sila sa'min.

"Bakit po?" pinipigilan kong maging suplado ang boses ko. Alam ko namang magtatanong lang 'tong mga 'to tungkol sa'min ni Suzette. Pag itong mga 'to nagbitaw ng hindi maganda magbubunganga na rin ako. Umay na e. Araw-araw na lang.

"A...e...Jano, wag ka sanang magagalit sa tanong namin ha?" maamo at parang nahihiyang tanong sa'ken ni Aling Baby.

"Ano po ba yun?"

"E...mag-i-isang linggo na kase. Kelan mo ba...balak ilibing nanay mo?"

Shit, Ang Creepy Nun A?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon