"ROOM 307"

37 1 1
                                    

"Ano, dito na lang?" tanong ni Vladimir. Pinagmamasdan niya ang kabuuan ng maliit na parking lot ng alanganing hotel, alanganing bed-and-breakfast.

"Sige na, okey na 'yan. Pagod na ko..." sagot ni Wilma na nakatangin naman sa main entrance. Eto na nga 'yung nakita nila sa Google: Hidden Paradise Inn.

"Sure ka? Ang layo natin sa entrance o..."

"Oo nga. Sige na i-park mo na diyan..."

Dalawang espasyo na lang ang puwede pag-parking-an sa nasabing hotel. 'Yung isang mas malapit sana sa entrance ay puwede kun'di lang lubog sa tubig at putikan, resulta ng malakas na ulan kaninang hapon. Mahihirapan silang bumaba at paniguradong mapuputikan ang mga sapatos nila. Isa na lang ang puwede, 'yung medyo malayo. Tantiya niya e mahihirapan siyang i-park ang puting Suzuki Swift dahil na rin sa liit ng espasyo. Napapagitnaan ng Montero at Vios.

Maingat at mabagal ang andar ni Vladimir. Ayaw niya kasing magasgasan ang kotse na halos magda-dalawang buwan pa lamang nabili. Bukod sa installment, hati sila ng girlfriend niyang si Wilma sa pagbabayad nito buwan-buwan. Kaya kahit gustuhin niyang igala ang sasakyan kasama ang mga barkada e hindi niya rin magawa, unless kasama ang nobya.

Halos isang oras nila hinanap ang nasabing hotel sa liblib na kalsada sa bayan ng Alfonso. Wala din naman silang mapagtanungan para mas mapabilis ang paghahanap nila  dahil sa alanganing oras. Hindi rin naman nila magamit ng maayos ang Google Map dahil na rin sa mahina at mabagal na connection ng mobile data. Kun'di pa sila magtatanong sa nakasalubong na tricycle ay malamang matatagalan pa bago nila matunton ang hinahanap.

Alas-onse na ng hating-gabi ng marating nila ang tagong hotel. Wala itong katabing kahit anong establisyemento o landmark kun'di mga bakanteng lote. Hindi rin gaano aninag ang signboard ng hotel dahil sa bahagyang nahaharangan ng puno ng buko ang ilaw ng poste. Galing na sila sa Picnic Grove, Mahogany at Sky Ranch mula pa kaninang tanghali. First anniversary ng mag-nobya kaya naisipan nilang mag-celebrate sa Tagaytay. Hindi naman sana sila mahihirapan maghanap ng tutuluyan kun'di lang nagkaproblema sa pagpapa-reserved. Malapit sana sa Sky Ranch 'yung unang nakuha nila, hindi lang talaga nagkaintindihan sa reservation. Sa inis at pagod, umalis na lang sila at naghanap ng iba. Karamihan naman sa pinuntahan nila ay kun'di mahal e fully booked na kaya nahirapan silang maghanap. Sa tulong na rin ng Google Map ay nakahanap din sila ng tutuluyan. Medyo mura, ika nila. At mukhang maayos naman base sa mga picture na nakita nila sa internet.

Nang masigurong maayos na ang pagkaka-park ng sasakyan ay pumasok na rin sila ng hotel. Makipot din ang main entrance na halos pwedeng maabot ng magkabilang-kamay. Walang receptionist pagdating sa reception area pero naririnig nila ang tugtog galing sa cellphone na nakacharge pa. Nasa kaliwa ang waiting area at nasa bandang kanan naman ang hagdan paakyat sa 2nd at 3rd floor. Walang elevator ang lugar. Parang upgraded lang na apartment ang itsura ng hotel. Mukhang bagong tayo lang din. Halata sa pinturang kulay dilaw at green na hindi pa ganun ka-kupas.

"Walang tao?" pabulong na tanong ni Wilma. Tinitingnan nito 'yung landscape painting ng madilim na gubat na nakasabit sa pader, sa tapat mismo ng reception area. Sa baba nito ay may kalendaryong hindi pa napapalitan ang buwan. November 05 na ang petsa sa kasalukuyan, pero September pa rin ang naka-display sa kalendaryo.

"Baka nag-CR lang..." sagot ni Vladimir. Tinitingnan nito ang mga room rate na naka-display sa tabi ng telepono. Maya-maya pa'y may narinig silang bumukas na pinto galing sa itaas. Kasunod nito ang mabibilis na hakbang pababa.

"Ay good mor...good evening po!" halos gulat na bati sa kanila ng maliit na babaeng hindi lalagpas sa trenta ang edad. Naka-maong na kupas, dilaw na t-shirt at running shoes. Medyo makintab din ang mukha dahil na rin sa pawis. Mabilis nitong inayos ang pagkakatali ng buhok na abot hanggang balikat.

Shit, Ang Creepy Nun A?Where stories live. Discover now