"Kuya Allan"

53 4 1
                                    

Magpi-pitong araw ng nakakasalubong at nakakasabay sa elevator ni Dylan Macando sa elevator 'yung babaeng matangkad, may kahabaan ang buhok na abot hanggang siko at mala-model na pangangatawan. Maganda 'yung babae, may hawig nung dalaga pa si Alice Dixson, mas maputi lang ng konti. Tantiya niya, ka-edaran niya lang ito, nasa early twenties. Napapadalas 'yun lalo na tuwing uwian. May mga pagkakataon din minsang makasabay niya ito kapag sa labas ng opisina siya kumakain. Magda-dalawang linggo palang siya sa bagong kumpanya, pero 'yun na agad ang naging highlight ng pagpasok niya araw-araw.

Mula alas-tres ng hapon hanggang alas-dose ng hating-gabi ang shift ni Dylan. Sa isang BPO company sa Pasay siya namamasukan bilang non-voice account associate na sumusunod sa oras ng pasok ng mga kliyenteng Kano. Nasa 10th floor pa ang department niya, pinakataas na palapag ng gusali. Dahilan 'yun minsan para ma-late siya sa dami ng palapag na dadaanan bago pa man siya makarating sa pinakataas.  Da-dalawang elevator lang ang gumagana sa ngayon sa nasabing gusali. Tatlong linggo na kasing 'under maintenance' ang dalawa pang elevator at walang nakakaalam kung kailan ito makukumpuni.

Kakaunti ang bilang ng mga pumapasok sa ganung shift. Kumpara sa 10-7 PM na pasok, mabibilang na lang sa daliri ang mga empleyadong naiiwan sa department nila pagsapit ng alas-siyete hanggang alas-dose. At dahil peak season ang dating ng trabaho ngayong buwan, mas madalas na hindi naman siya sakto nakakapag-out, kung kaya't may mga pagkakataon na halos siya na lang mag-isa ang umuuwi. Nitong mga nakaraang araw nga e halos ala-una na siya natatapos sa trabaho.

Nasa kabilang entrance ng 10th floor niya nakikitang pumapasok at lumalabas 'yung magandang babae. Maayos ang pustura nito, business attire lagi. Mas madalas pa ngang naka-palda ito tuwing makikita niya. Balita niya, isang logistics company ang pinapasukan nito na halos karamihan sa mga empleyado ay babae. Nung isang beses nga, siya lang ang lalakeng nakasakay sa elevator pababa hanggang ground floor kasabay ang hindi bababa sa walong babae kapag sakto siya nakakapag-out.

Nung minsang nakasabay niya ito pauwi e napansin niyang sa cellphone lang ito madalas nakatingin, o minsan sa sahig ng elevator mula pagpasok hanggang makalabas. Titingin lang ito sa floor level na nasa kaliwa ng elevator kung hindi dumidiretso sa second floor. Parking lot ang second floor para sa mga empleyado ng gusali at meron ding lusutan (bridge) sa kabilang building. Hindi siya sigurado kung naka-kotse o syumo-shortcut lang ito sa kabilang building kaya doon ito lumalabas.

Isang biyernes ng gabi, nakasabay niya itong umuwi. Nauna ang babae sumakay, humabol lang siya nang makita niyang magsasara na ang pinto ng elevator matapos ipa-inspect ang bag sa internal security. Mabuti na lang at nahabol niya ito. Mahihirapan na naman kasi siya makasakay kung aantayin pa niya maka-akyat ang isa pang elevator. Nginitian niya ito pagkapasok na pagkapasok ng elevator na sinuklian din ng ngiti ng dalaga. Huminto ang elevator sa 9th floor, pero walang sumakay. Umulit ito sa 7th floor. Walang sumakay. Ganun din sa 5th at 4th floor. Napatingin siya sa oras: 12:06 AM.

"Weird 'no? Pahinto-hinto pero wala namang sumasakay," sabi ni Dylan sa boses na mala-gentleman. Isang mabilis na ngiti at sulyap lang ang nasagot ng dalaga. Pagdating ng 2nd floor, lumabas na ito. Pero bago pa man sumara ulit ang pinto, naisipan nitong lumabas upang sundan at sabayan 'yung babae. Dun na lang din siya mag-shortcut. Wala namang masama kung susubukan niyang dumaan doon. Hindi pa rin kasi niya nasubukan.

Iilang ilaw lang ang nakabukas sa parking lot kaya medyo hirap siyang aninagin ang kabuuan ng second floor. Nasa kanang dulo ang lagusan palabas ng kabilang gusali. Dun niya din natanaw 'yung babae na biglang kumanan bago pa man makalabas ng exit. Malayo na 'yung babae na tantiya niya e hindi na niya maaabutan kahit bilisan pa niya ang mga hakbang niya. Nakakapagtaka lang na hindi naman ganun katagal ang diperensiya ng paglabas nila sa elevator para makalayo ito agad.

Shit, Ang Creepy Nun A?On viuen les histories. Descobreix ara