Chapter Eleven

3 1 0
                                    

An excerpt...


Chapter Eleven

Ang pag-amin at ang rebelasyon.

"SAAN TAYO PUPUNTA?" tanong ko kay Kim nang sabihan niya akong magbihis ako. "Formal ba o pang-beach lang?"

"Mag-pantalon ka lang at t-shirt. Hindi mo kailangang magpa-pogi do'n," natatawa niyang sagot.

"Hindi ko naman kailangang magpa-pogi, ah. Ang pogi ko na sa 'yo..."

Napaigtad ako nang kurutin niya ako sa tagiliran. "Ang yabang mo talaga."

"Love mo naman," tudyo ko.

"Love mo rin naman ako, ah."

Tumawa na ako. "Sobra."

Nang pababa na kami ng hagdan ay kinabig ko siya at mabilis na hinalikan sa labi. Hindi na siya nakapalag. Tumakbo na ako para hindi niya ako maabutan. "Hoy! Ikaw talaga!"

Nang makapasok ako ng kotse ay may nakita akong bulaklak sa likod. Napakunot-noo ako. Kaninong bulaklak iyon? Animo bouquet sa kasal. Si Kim? Mabilis na lumabas ako ng kotse at lumingon-lingon sa kung saan. Nasaan si ex-Kim? Napapikit ako nang sumakit na naman ang sentido ko. Saka dumating si Kim.

"O, bakit?" nagtatakang tanong niya.

Lumunok ako. "W-wala... Halika na." Pagkatapos ay kinuha ko ang kamay niya. Pinagmasdan ko ang mga iyon at hinagkan. "Mahal na mahal kita."

"Sobra?" nakangiti niyang tanong.

Tumango ako. "Sobra."

Para kaming bida sa The Fault In Our Stars. 'Yon nga lang, may sarili kaming version ng "okay." Ang sa amin "sobra." Mahal ko siya ng sobra at kahit sumobra pa iyon sa sobra, sa kanya ko pa rin ibubuhos ang buong pagmamahal ko. Tsk.

Sumakay na kami ng kotse. Si Kim ang nag-drive. "Saan ba talaga tayo pupunta?" tanong ko nang ilang minuto na kaming bumibiyahe. "Kaninong bulaklak 'to?" tanong ko pa.

"Basta... Sa akin 'yan."

"Ba't ka meron nito? Sa kasal pa naman natin 'to gagamitin ah."

Kibit-balikat ang isinagot niya. Naghintay na lang ako ng sasabihin niya. Ilang minuto pa nang inihinto ni Kim ang kotse. Nandito na kami sa clinic ng doctor na pinuntahan namin last week lang. "Ano ang gagawin natin dito?" Ikinuyom ko ang kamao ko. Kung nakakalimutan na ng doctor na 'yon ang paghawak niya sa kamay ni Kim, ako hindi. Talagang masusuntok ko siya mamaya. Makikita niya.

Pumasok na kami. Sinalubong naman kami ng lalaking doctor. "Dito ka lang muna," sabi ni Kim sa akin. Umupo ako sa mahabang plastic na upuan. Pagkatapos ay sila na ang nag-usap ng doctor na humingi nang ilang distansiya mula sa akin.

"Kumusta siya?" tanong ng doctor kay Kim. Nangunot-noo ako. Sino ang tinutukoy ng lalaking ito? Ako? Siguro nga ako, dahil kaming tatlo lang naman ang nandito. "May development ba sa condition niya?"

Hindi ko narinig ang sagot ni Kim dahil halos pabulong ang sagot niya sa doctor.

Nag-usap pa sila. Palipat-lipat ang tingin ko kay Kim at sa doctor. Ginagantihan ko lang naman kasi talaga sila dahil kanina pa rin silang dalawang nagnanakaw-tingin sa akin.

Pagkatapos ay kumaway sa akin si Kim at pinapalapit ako. Nakahanda na ang kamao ko. Inaabangan kong magkamali ang doctor na hawakan ang kamay ni Kim.

"As I was saying... sa tingin ko ay malapit nang bumalik ang alaala niya..." sabi ng doctor.

"Doc, hindi na ako makapaghintay. Hindi ko na talaga alam kung ano ang dapat na isipin. Bakit ba nangyayari ang lahat ng ito?" mangiyak-ngiyak naman na sabi ni Kim. Hinawakan ko siya sa mga kamay niya. Napatitig ako sa kanya. Sinalubong niya ang mga mata ko. Hindi ko man alam kung sino ang tinutukoy nila ay wala akong pakialam. Ang importante ay si Kim at ang nararamdaman niya para sa taong iyon. Pero, sa isang banda ay nagtatanong pa rin ako sa isip ko kung sino ang taong iyon na merong amnesia.

"Repressed memory ang nangyari sa kanya, Kim. Magpakatatag ka, tulad ng sinabi ko sa 'yo noong pumunta kayo rito. At tulad din nang sinabi ko sa 'yo, gumawa ka ng paraan na makapagpapaalaala sa kanya sa 'yo."

Nangunot-noo ako nang balingan ako ng doctor. Ano sa tingin niya ang gusto niya? Ngumiti ako? Na akala niya magkaibigan kami? Huu!

Tinitigan ako ni Kim. "Sino siya?" tanong ko.

Ngumiti siya ng alanganin sa akin. Saka pinisil ang kamay ko. "Ikaw..." sagot niya na labis na nagpakunot sa noo ko.

"Anong ako?"

"Ikaw. Ikaw ang tinutukoy namin ni Doc. Nagka-repressed memory ka dahil sa nangyari."

"Ano'ng nangyari?"

"Sa k-kasal." Humikbi siya. Saka dumaloy ang mga luha sa magkabilang pisngi. "Noong iniwan kita sa altar. Noong tumakbo palabas ng simbahan at hindi na ako nagpakita sa 'yo."

Sumakit na naman ang sentido ko. Napahawak ako roon. Rumihestro sa isip ko ang bulaklak kanina sa kotse. Hawak-hawak iyon ng babaeng nakasuot ng gown. Paa lang niya ang nakikita sa malabong eksenang nagpa-flashback sa utak ko. Nakita ko rin sa isip ko ang paghawak ko sa ulo habang nakikita ang mga paang papalayo. Inangat ko ang ulo ko. Nagkatitigan kami ni Kim.

"Wala ka pa rin bang naalala?" tanong niya.

Disrobe And Doubts by Rill MendozaWhere stories live. Discover now