Chapter One

6 1 0
                                    

An excerpt...


Chapter One

KANINA PA KUMIKIROT ANG sintido ko. Kanina pa ako nakatitig sa malabong LCD. Ayos ngayon, walang ulan. Kaya medyo okay rin ang nakikita kong mga tao sa TV. Hindi tulad kapag maulan, pulos dilis ang mga nakikita ko. Wala kasi akong cable. Antenna ang uso rito sa probinsya na nakakabit sa mataas na kawayan at patatayuin sa gilid ng bahay. At kailangan ko pang pihitin 'yon sa tuwing lumalabo ang TV. Huminga ako nang malalim. Nakarinig ako nang kaluskos. Hindi ko alam kung sa labas ba galing 'yon o dito sa loob ng bahay ko. O baka naman surot lang o daga.

Konti lang ang gamit ko sa bahay. May isang TV na kasalukuyan ko ngayong ginagamit. Ito lang ang nagsisilbing taga-aliw ko sa sarili bukod sa chess na meron ako, na ang kadalasan kong katunggali ay ang sarili ko rin.

Isang washing machine na nasa banyo. Isang maliit na kusina na kulang din ang mga kasangkapan. Isang sala—kung nasaan ako ngayon—na may tatlong sofa. Isang mahaba at dalawang pang-isahan. Sa ilalim ng TV ay may DVD player— hindi ko naman ginagamit. Kung gusto kong makalimot, hindi dapat ako magkamaling gamitin 'yon. Pakiramdam ko kasi, lahat ng kanta ay ginawa para sa 'kin. Pakiramdam ko, bawat salita sa kanta, pinipiga ang puso ko. Maski nga ang 'Philippine Geography' ni Yoyoy Villame, gusto kong manuntok ng pader. History teacher kasi siya. At ngayon, magiging history ko na lang ba siya?

Naningkit ang mata ko nang makarinig ako ng katok sa pinto. Sanay akong walang kumakatok sa pinto. Sanay akong walang umiistorbo sa 'kin. Pero, baka naman mali lang ako? Hindi ako gumalaw. Ni hindi rin gumalaw ang mga eyeballs ko. Baka naman sa kapitbahay lang 'yon na ilang metro pa ang layo mula sa bahay ko. Lahat ng bahay dito sa Batanes, mahigit sampo o kinseng metro ang agwat bawat bahay. Pero siguro nga, dahil hindi na naulit ang katok na narinig ko.

"Tao po!" May sumunod ang tatlong katok.

Kumunot ang noo ko. Sino ba 'yon? Hindi ko alam kung babae o lalaki ang boses. Kung babae? Ano ang gagawin ko? Pero hindi pa yata dapat 'yon ang isipin ko. Ang dapat kong isipin ay kung ano ang kailangan ng taong 'yon sa 'kin.

Istorbo...

Tumayo na 'ko. Minsan nga lang ako tumambay, minsan nga lang tumahimik ang utak ko sa pag-iisip kay Kim—Ah, si Kim, kailan ko ba siya makakalimutan? Ngayon pa may sumira sa drive ko sa gusto ko sanang makalimot... kahit sandali.

Sumulyap ako sa orasang nasa taas ng TV ko. Alas nuwebe pa lang naman ng umaga. At biente dos pa lang naman ngayon ng Abril. Kung may kakatok sa pinto ko, mga katapusan pa dapat ng buwan 'yon. At bill ng kuryente at tubig lang 'yon. Labis na kumunot ang noo ko. Sinong kaibigan ko ba ang nakaalam kung nasaan ako? Ni wala akong cell phone, internet o computer. Payak ang buhay ko rito sa probinsiya.

Nag-iisa, tahimik, pero hindi pa ako nagsasawa. Kailan ba ako magsasawa? Kapag nakalimot na? Kapag humilom na ang sugat sa dibdib ko? Kapag... wala na akong nararamdam? Malamang siguro. Pero hindi ko alam kung kailan mangyayari 'yon.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung mararating ko pa ba ang salitang "moved on," with "ed," past tense.

Nasa harap na ako ng pinto, pinihit ko ang doorknob. Isang... marungis na babae ang nasa harap ng pinto ng bahay ko! Nakasandal sa pader ng bahay ko na kulay light green. Nakapikit siya. May hawak na bag sa kanang kamay. Puno ng putik ang bag na 'yon. Dinumihan niya ang bagong pintura kong bahay! Kung nangunot-noo ako kanina, dumoble 'yon o kaya triple pa.

Sa tingin ko ay dating puti ang damit niya na hindi umaabot sa pusod. Ngayon, nangingitim na at naninilaw na ang kulay niyon. Nakapantalon din siya, pero balot ng putik, basa at may punit. Ang sinturon niya... cellophane?

Disrobe And Doubts by Rill MendozaWhere stories live. Discover now