Chapter Seven

2 1 0
                                    

An excerpt...


Chapter Seven

NOONG KAMI PA NI ex-Kim, ang saya-saya maglakad. Kahit malayo 'yong pupuntahan namin, parang hindi kami nakakaramdam ng pagod. Parang wala kaming oras na hinihintay. Kalma ang lahat, parang gano'n. Ngayong kasama ko si Kim, higit na masaya sa pakiramdam. Ah, ito na naman ang multo sa isip ko. Niyayakap na naman ang isip ko. Alam kong bibitaw din si ex-Kim sa isip ko. Iyon nga lang, hindi ko alam kung kailan at paano.

Hindi gaanong malamig ang hangin, hindi rin naman masyadong mainit. Nagtatalo kasi ang init at lamig dito sa Batanes.

Magkahawak-kamay kami ni Kim, 'yon ang mas masarap sa pakiramdam. Mabagal lang 'yong paglalakad namin. Nang makaramdam kami ng pagod kahit papa'no, umupo kami sa buhanginan. Nagtanong ako kung masaya ba siya kasama ako.

"Nai-in love ka na nga talaga sa akin," sagot niya sa 'kin sa halip na sagutin ang tanong ko.

"Hmm... pa'no mo naman nasabi?" tanong ko. Nakatingin lang ako sa malayo.

"Parang naulit lang 'to, eh."

"Ha? Ano?"

"Wala. 'Wag mong intindihin 'yon. Nagugutom na 'ko." Tumayo siya. Pero hawak pa rin niya ang kamay ko. Hinila niya 'ko.

Hinila ko rin ang kamay niya. "Mamaya na."

"Nagugutom na nga ako."

"Hmm..." Tumayo na rin ako. Pagkatapos, naglakad na kami pabalik.

Nagpa-iwan ako sa labas ng kuwarto namin ni Kim. Maliligo raw siya. Ayos. Pero kahit hindi naman siya maligo ng ilang araw, bango lang niya ang pumapasok sa ilong ko. Hinahanap-hanap ko na nga 'yon, eh. Kapag wala siya sa tabi ko, nangungunot-noo ako at nagtatanong sa isip ko kung nasaan siya.

Ilang minuto lang, bumukas ang pinto. Nakita ko si Kim, nagtatanong ang mga mata.

"Tumawag na 'ko, nag-order na 'ko. Halika na," yaya niya sa 'kin.

Hindi pa naman ako nagugutom. Mapilit talaga siya. Sinulyapan ko pa ulit ang halamang nasa harap ko. Hanging plant daw 'yon, kasi naka-hang. Nakalimutan ko nga lang ang tawag sa halaman na 'yon. Saan kaya nagmula ang mga halaman? Tulad ng tanong na, "Saan nagmula ang mga tao." Maraming teorya. May teorya si Charles Darwin. Minsan nakapanood ako ng isang programa sa TV, 'yong matandang mangangaral na sabi, eh, pulos daw kasinungalingan. May nagtanong sa kanya—isang Darwinian daw. Iyon ang tawag sa kanila na naniniwala kay Charles Darwin, partikular sa evolution of man. O 'yong, nagmula ang tao sa unggoy.

Sabi noong nagtanong, hindi na raw theory 'yon, truth na raw. Kasi napatunayan na. Sabi naman ng matandang nasa screen, "Kung nagmula ang tao sa unggoy, eh, di dapat lahat ng unggoy ay tao na. Bakit may mga natitira pa ring unggoy?" May point siya. Bakit may unggoy pa rin? May exemption? Ano 'yon, exam?

Kung ako ang tatanungin, hindi rin ako naniniwala na nagmula ang tao sa unggoy. Oo, minsan, may ugaling-unggoy ang tao. Pero ugali lang 'yon at hindi mukhang-unggoy. Oo, may dalawang mata ang unggoy, dalawa ang butas ng ilong, may bibig, at dalawa rin ang tenga... kung 'yon lang naman ang basehan sa pagiging tao, ayoko nang maging tao. Hindi naman sa minamaliit ko ang unggoy, ayoko lang maliitin ng tao ang kapwa niya. Kung gusto niyang maging kamukha ang unggoy, eh, di sige. Hindi kita pakikialaman. 'Wag mo lang ako isasali riyan sa mga teorya mo.

"Kung hindi ka na-i-in love sa 'kin, baka nga diyan ka sa halaman nagkakagusto..." basag ni Kim sa malalim kong pag-iisip. "Kung wala at tapos na ang relasyon umalis ka na. Parang halaman, ganyang halaman. Kung patay na, 'wag mo nang didiligan. Sayang lang ang tubig,"

"Alam mo, para kang tula... ang lalim mo," sagot ko.

Tumawa si Kim. Pumasok na ako sa loob. Ilang minuto lang ay dumating na ang in-order niya. Kumain na kami. Pagkatapos, sinulit namin ang dalawang araw namin sa resort na ito na magkasama. Masaya... siya lang ang nasa isip ko. Sa kanya lang umiikot ang mundo ko sa mga oras na ito.

Disrobe And Doubts by Rill MendozaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon