Bakasyon (Part 1)

Start from the beginning
                                    

Tagaktak na ang pawis ko dahil sa sobrang kaba. Ramdam ko ang mabilis na pagpintig ng dibdib ko. Kasabay no'n ay ang walang tigil na paglibot ng kakaibang lamig sa aking katawan na parang niyayakap ako at gustong angkinin ang katawan ko.

"Michelle, ayos ka lang ba talaga?" Halata na sa mukha ni Mama ang matinding pag-aalala.

Sa pagkakataong iyon, hindi ko na nagawang makapagsalita. Tanging luha na lang ang naging tugon ko. Dali-dali naman nilang inihinto ang sasakyan at pumunta sa backseat. Hinawakan nila ang namumutla kong balat.

"Nilalagnat ka!" bulalas ni Mama.

Hindi ko maramdaman ang nag-aapoy kong balat. Basta lamig lang ang tangi kong nararamdaman - lamig na hindi ko pa rin maipaliwanag.

Dali-dali namang kumuha si Papa ng tubig at binasa ang bimpo. Ipinunas nila iyon sa naglalagablab kong katawan. Nararamdaman ko na unti-unti akong nawawalan ng hininga kasabay ang pangangatog ng aking katawan sa matinding lamig.

"Jusko! Ano bang nangyayari sa 'yong bata ka?" nag-aalalang sabi ni Mama habang hinahaplos ang buo kong katawan.

"A-ang l-lamig..." nanginginig kong sabi. Nanunuyo na ang namumuti kong labi. Halos magkulay ube na rin ang dulo ng aking mga daliri.

"Dalhin na natin siya sa doktor!" histerikal na sabi ni Mama.

Napailing naman si Papa. "Malayo ang ospital dito. Iuwi na muna natin siya para makapagpahinga," paliwanag ni Papa.

Sumang-ayon naman si Mama kaya agad na pinaandar ni Papa ang sasakyan hanggang marating namin ang aming bahay sa Tagaytay. Sa buong biyahe pauwi, tila nawawala na ang kakaibang lamig. Umaayos na rin ang aking pakiramdam maging ang aking paghinga ay bumabalik sa tama nitong sistema.

Hinaplos ko ang balat ko at hindi na ito gano'n kainit kagaya kanina. Naikikilos ko na rin ang buo kong katawan.

Ilang saglit lang ay nakarating na kami. Hindi na kami inabot ng isang oras para lang makarating. Bumaling muna sa akin sina Mama at Papa bago bumaba ng sasakyan.

"Ayos ka na ba?" nagtatakang tanong ni Papa.

Tumango ako kasabay ang pangungunot ng noo. "Parang walang nangyari."

Pareho tuloy silang nagtaka dahil kani-kanina lang ay halos mamatay na ako na siyang ibang-iba sa kondisyon ko ngayon. Maging ako ay nagtataka dahil sa agaran kong paggaling. Hindi ko tuloy malaman kung dala lang ba ito ng pambibiro sa akin ni Papa kanina.

Bumaba na kami ng sasakyan. Sakto lang dahil tuluyan ng sumilay ang liwanag sa buong kalangitan. Pero bago pa man ako makababa, naramdaman ko ulit ang pagsampa sa akin ng kakaibang lamig.

Napailing na lang ako at ipinagsawalang-bahala ang naramdaman. Marahil ay dahil sa hamog iyon na nanggagaling sa mga puno na agad bumugad sa akin pagkababa.

Sinalubong kami nina Lola at ang kasambahay nitong si Aling Rose. Nakangiti silang pareho nang humarap sa amin. Tila malaki ang itinanda nila kung pagbabasehan sa itsura nang huli naming pagkikita.

"Salamat naman at napadalaw kayo. Matagal-tagal din nangulila ang bahay sa inyong presensya," nakangiti ngunit malungkot na sabi ni Lola.

"Parang tatlong buwan palang naman po ang nakakalipas, Ma. Hindi ba't dito kami nagdiwang ng Bagong Taon?" ani Papa.

"Tatlong buwan din iyon. Hindi biro ang tagal no'n," wika naman ni Lola.

Nangunot naman ang noo niya nang igala niya ang kanyang mata sa aming tatlo. "Akala ko ay apat kayong pumunta rito," untag ni Lola. Nagkatinginan naman kami nila Mama sa sinabi nito. "Para kasi akong nakakita ng bata na bumaba sa sasakyan kasabay si Michelle."

Halos magsiakyatan ang kilabot sa buo kong katawan. Pakiramdam ko tuloy ay may nakatingin sa akin. Hindi ko tuloy napigilan ang kabahan lalo na't sa akin pa sumabay ang batang tinutukoy ni Lola.

"Kami lang pong tatlo ang nandito. Tanging si Michelle lang ang kasama naming bata. Marahil ay namamalik-mata lang po kayo, Ma," paliwanag naman ni Mama.

Pero kahit na ganoon, hindi ko maiwasan ang matakot. Dahil na rin siguro sa kakaibang lamig na nadama ko kani-kanina lang. Napayapos na lang ako sa aking sarili dahil sa hilakbot.

"Pumasok na nga lang tayo para makakain na rin kayo ng almusal," aya ni Lola.

Bago ako pumasok sa loob ay sinulyapan ko muna ang sasakyan. Wala naman akong nakitang kakaiba. Marahil ay tinatakot ko lang ang sarili ko sa bagay na imposible naman talagang mangyari. Dala lang siguro ito ng matinding pagod.

Nang pahakbang na ako papasok, napansin ko ang nanlalaking mata ni Aling Rose sa akin. Ramdam ko ang takot sa kanyang mga mata. Pero bakit? At para saan?

"Aling Rose?" sabi ko nang hindi pa rin niya inilalayo ang tingin sa akin.

Bumalik naman siya sa kanyang balintataw dahil doon. "Jusme!" gulat niyang sabi.

Napatawa na lang ako sa naging reaksyon niya. Hindi kasi maipinta ang mukha niya dahil sa pagkagulat. "Para po kasing titig na titig kayo sa akin. Alam ko pong maganda ako pero may bayad po ang pagtingin sa akin," pagbibiro ko.

Natawa rin siya sa kalokohan ko. "Ikaw talagang bata ka," aniya at saka napailing. Hinawakan niya ang balikat ko. Ramdam ko ang mariin niyang pagpisil sa parte kong iyon. Nanginginig siya. "Mag-iingat ka, Michelle," babala niya at saka bumuntong hininga.

Bumalik na siya sa loob pagkasabi niya no'n pero heto ako at parang naging bato. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Dapat ba akong matakot? Sa paraan niya nang pagsabi, tila kailangan ko ang matinding pag-iingat.

Mas lalo akong natigilan nang bigla ay naramdaman ko muli ang kakaibang lamig na iyon. Nagsitaasan ang balahibo ko sa katawan. Kakaiba ang lamig ngayon dahil tila tao na ang nakasampa sa akin kasabay ang paghinga nito sa aking batok.

Gusto kong sumigaw ng tulong pero uumurong ang dila ko. Nanunuyo ang lalamunan ko.

"Michelle?" rinig kong sabi ni Papa. Doon ko lamang naigalaw ang buo kong katawan. "Bakit nandito ka pa sa labas? Pumasok ka na para makakain," anyaya sa akin ni Papa.

Tumango lang ako. Ramdam ko pa rin ang lamig sa aking likuran pero hindi ko na alintana ang epekto no'n sa aking katawan.


(To be continued...)

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Where stories live. Discover now