XV:PITONG BAGAY (2)

1 0 0
                                    


Pitong bagay na patungkol kay Pamela Romero ang nalaman ni Frances sa kaniyang pananatili sa panahong ito:

Una, siya ang anak sa gitna ng mag-asawang si Aling Benita at Mang Diego, at siyang kapatid ng panganay na si Hulio at bunsong si Ingrid.

Pangalawa, ang kaniyang pamilya ay mga proletaryado na nagtatrabaho bilang mga magsasaka. Ang kanilang sakahan ay tinatamnan nila ng pandan at ang paggawa ng mga produktong yari sa halamang ito gaya na lamang ng mga bayong at banig ang pangunahing pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Pangatlo, siya ay isang magaling na manghahabi. Ang mga habing produktong gawa sa pandan na kaniyang ginagawa kasama ng kaniyang pamilya ay kanilang ipinagbibili tuwing Linggo sa plaza ng Montelban.

Pang-apat, siya ay isang masipag at responsableng bata.

Pang-lima, siya ay may isang payak at payapang buhay kung saan kumpleto ang kaniyang mga pangangailangan. Siya’y minamahal ng kaniyang pamilya, naninirahan sa isang malinis at mainit na tahanan, kumakain tatlong beses sa isang araw, nagsusuot ng mga maayos at disenteng damit at nakakakuha ng sapat na pahinga.

Pang-anim, kahit pa siya’y mapalad ay lagi siyang hindi nasisiyahan.

At pang-pito, si Pamela Romero ay may dalawang buhay.

*
*
*

Sa una pa lamang ay napansin na ni Frances na kakaiba si Pamela. Hindi siya kagaya ng ibang mga batang kasing-edad niya at tila hindi siya sumusunod sa galaw ng lipunang kaniyang kinabibilangan.

Sa ilang araw niyang pagmamasid sa dalaga ay batid na ito ni Frances. Masasabi rin niyang mas kilala niya si Pamela kaysa sa mga magulang nitong hindi manlang napapansin na ang kanilang anak ay iba.

Dahil diyan ay agad ding napuna ng lalaki na may kakaiba kay Pamela nang araw na iyon.

Ito’y sa araw ng Linggo.

Hindi pa man sumilay ang liwanag sa langit na siyang hudyat ng pagsisimula ng araw ay nagising na ang mag-anak na Romero. Pagkatapos nilang kumain ay agad silang nagtungo sa plaza upang ipagbili ang mga produktong kanilang hinabi na siyang nakaayos at nakakarton na sa kanilang munting karitelya.

Sila’y maagang humayo. Sa rami ng mga magsasaka na naghahabi rin ng mga produktong gawa sa pandan ay batid ng mag-asawang Romero na marami silang kakompetensiya sa paglalako. Kung gayon, inagahan nila ang pag-alis sapagkat batid nila na ang unang lalakad ang siya ring unang uuwi.

Pagdating ay ipinuwesto ng mag-amang Hulio at Mang Diego ang kanilang karitelya sa plaza. Ito ang lugar na may pinaka maraming nagkukumpulang masa tuwing araw ng Linggo kung kaya’t madali silang makakaakit ng mga parokyano.

Ang mga tao sa panahong iyon ay napaka relihiyoso, kaya’t halos lahat ng pamilya sa bayan ng Montelban ay nagsisilabasan upang magsimba.

Gayunpaman, hindi mabatid ni Pamela kung ang katangiang ito na pakikimisa ng mga tao ay sadyang dahil sila’y may takot sa Diyos. Hindi kasi maiwaksi ng dalaga ang ideyang sila’y mapagpaimbabaw lamang at ipinamamalas sa iba na sila’y banal para sa papuri.

Paano ba naman niya hindi maiisip ito, kung mula sa plazang kanyang kinaroroonan ay nakikita niya ang mga matatandang ale na nagbubulung-bulungan at nagsasatsatan sa harap ng simbahan. Katabi nila’y mga nagkukumpulang binata na dumadalo lamang sa misa upang masulyapan ang kanilang kasintahan o ang mga dalagang kanilang pinupusuan. Sa bandang likuran naman ay nakapuwesto ang mga don na tila nasa pagpupulong habang nag-uusap ng patungkol sa negosyo.

Napabuntong-hininga na lamang si Pamela. Siguro’y ang konsepto ng kabanalan ay isinusuot lamang ng mga tao sa tuwing sila’y nasa loob ng simbahan at hindi sa labas.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 25, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

La Casa de RomeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon