XIV: PITONG BAGAY (1)

1 0 0
                                    


Si Frances ang pintuan na siyang gabay patungo sa simula. Si Pamela naman ang susi na siyang gabay patungo sa wakas. Sila ay pinagitnaan ng kadenang sumpa. Ito ang nagdugtong sa dalawang kaluluwa mula sa magkaibang panahon na hindi dapat magkatagpo.’

*
*
*

[Enero 9, 1885]

Siyam na araw na ang nakalipas magmula nang bumalik sina Frances sa nakaraan. Sa pananatili nila rito ay nasabi sa kaniya ni Madam Donita ang patungkol sa liham na nakapaloob sa baul at kay Pamela Romero na siyang sumulat dito.
Sa nalaman niyang ito ay tila nabuhusan si Frances ng malamig na tubig sa gulat.

Alam niya.

Nakita niya.

Ngunit paanong liham ang nakapaloob sa baul kung abo dapat ang laman nito?

Marami pa siyang tanong patungkol sa sinabi sa kaniya ng manggagaway lalo na sa katauhan ni Pamela Romero. Ngunit walang ibang makakasagot sa kaniyang mga tanong kundi siya lamang.  Ito ay dahil ang kaniyang misyon ay alamin ang mga nangyari kay Pamela na siyang susi nila upang mabatid kung saan nagmula ang sumpa. Ito rin ang tanging palatandaan nila upang malaman ang lunas nito.

Marami mang pag-aalinlangan si Frances ay wala siyang ibang pagpipilian kundi sumunod sa inatas sa kaniya ni Madam Donita. Wala rin siyang ibang magagawa. Ito’y dahil literal na wala siyang kayang gawin kundi ang manood lamang.

***
Makinig ka, Frances. Ang katotohanan ay hindi ko ibinalik ang oras sa nakaraan. Ang pakialaman ang oras sa mundo ay ipinagbabawal ng likas na batas. Wala rin akong kakayahang panghimasukan ito. Ngunit, kaya kong ipakita sa iyo ang nangyari sa nakaraan. Kung gayon ay hindi tayo bumalik sa makalumang panahon, kundi tayo’y pumasok lamang sa rekord ng kasaysayan upang alamin ang pinagmulan ng iyong sumpa. Ito’y ihanlintulad mo na lamang sa isang pelikula. Tayo ay pumasok sa loob ng isang pelikula at pinapanood natin ang nangyayari sa buhay ng mga karakter sa pananaw ng isang tagalabas.”

“Kung gayon, ang mga nangyayari at nakikita natin ngayon ay rekord lamang ng mga nangyari noon?”

“Tama. Dahil diyan ay mahalaga ang kadenang nakakabit sa iyo upang hindi tayo mawala sa mundong ito. Ngunit ibig sabihin din nito ay wala tayong ibang masusundan kundi si Pamela lamang dahil nakakabit ka sa kaniya. Sa kabilang banda, dahil ang mga pangyayaring ating nakikita ay tila isang telekast lamang, wala tayong mababago. Hindi natin mababago ang mga mangyayaring sitwasyon at hindi natin mababago ang katauhan ng mga tao rito. Hindi rin natin kayang hawakan ang anumang nandirito at hindi tayo kayang makita at marinig ng mga nabubuhay sa panahong ito. Ang kaya lamang nating gawin ay manood.”
***

La Casa de RomeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon