"Montelban, taong 1885. Maligayang pagdating, tayo'y nagbalik sa simula."
Napadilat ng mata si Frances sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwalang dito siya itinungo ng sumpang kumapit sa kaniya.
'Montelban, 1885...'Muli niyang inikot ang kaniyang mga mata sa paligid sa pagbabakasakaling siya'y nananaginip lamang. Ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan, siya'y nakatayo parin sa gitna ng malawak na sakahan, ng mga puno, at ng matataas na damuhan. Maigi ring sinuri ni Frances ang mukha ni Madam Donita. Mukhang hindi ito nagbibiro at walang makitang dahilan ang lalaki upang sistihin siya ng matanda sa mga oras na ito.
Gayunpaman, may pag-aalinlangan parin si Frances sa mga nangyayari kaya't sinubukan niyang igalaw ang kaniyang katawan at nang masinsinan niyang makita ang kaniyang paligid.
*KLAAANG!
Ngunit siya'y nagitla na lamang nang marinig ang isang matinis na tunog ng animo'y nagbanggaang bakal sa malapit. Doon niya lamang napansin na may itim na tanikalang nakakabit sa kaniyang kanang paa.
"Anong nangyayari...?!", gamit ang boses na may halong gulat at takot ay nagtanong ang lalaki kay Madam Donita.
"Ito ang iyong misyon", maikling sambit lamang ng matanda sabay titig sa kadenang gumapos kay Frances.
Ang kadenang itim ay nakapangingilabot tignan. Ito'y nagmumukhang luma at makalawang ngunit ang una mong mapupuna ay isang dulo lamang ng tanikala ang nakakapit kay Frances. Ang kabilang dulo nito ay nasa ibang dako kung kaya't ang mahabang kadena ay nakakalat lamang sa lupa.
"...Pasensiya na po ngunit hindi ko maintindihan ang mga nangyayari."
Napatingin sa Madam Donita kay Frances nang ito'y magsalita.
"Humingi kami ng tulong sa inyo upang upang matanggal ang sumpa kaya hindi ko alam kung ano ang koneksiyon ng pagdating ko rito at sa misyong iyong sinasabi", pagpapatuloy ng lalaki. Mababakas sa kaniyang mukha ang paghahalo ng pagkalito at inis.
"Ito'y...kumplikado. Ngunit una sa lahat, kamusta ang iyong pakiramdam?", pagtugon lamang ni Madam Donita sabay lakad. Kaniyang sinudan ang kabilang dulo ng kadena na siyang pumaloob sa taniman.
May pag-aalinlangang sumunod sa matanda si Frances. Habang hinahanap ang tamang salitang sasabihin na siyang magpapaunawa kay Madam Donita na hindi siya nasisiyahan sa mga nangyayari ay bigla niyang naalala ang sumpa.
Agad niyang kinapa ang kaniyang katawan at itinaas ang kaniyang kamiseta upang kumpirmahin kung naroon pa ang mga bitak sa kaniyang kutis.
"!"
Wala. Wala na ang mga sugat. Wala na ang sakit. Siya'y magaling na!
"Maaga pa upang magdiwang", pagsuway ni Madam Donita na para bang nababasa niya ang nasa isip ng lalaki.
Ang punang ito ay tunay na nagbigay ng pagtataka kay Frances.
"Ngunit wala na ang sumpa. Kaya't ano pa ang ginagawa natin dito-"
Agad itinaas ni Madam Donita ang palad niya sa ere na siyang tanda upang huminto ang ginoo sa pagsasalita. Sa paghinto nito ay bumuntong-hininga ang matanda at kaniyang ihinanda ang kaniyang sarili para sa isang mahabang paliwanag."Hindi mo maramdaman ang sumpa, hindi ba? Ngunit hindi ibig sabihin noon ay magaling ka na dahil ang katawan mo ay naguguluhan lamang. Ika'y isinumpa sa taong 2014 at sa kasalukuyan ay ika'y nasa taong 1885. Kung gayon ay hindi maramdaman ng katawan mo ang sumpa dahil nasa panahon ka kung saan wala pa ang sumpa. Sa madaling salita, hindi ka pa magaling, ang nararamdaman mo'y pansamantala lamang."
Sa paliwanag ng manggagaway ay kumunot ang noo ni Frances. Hindi niya matanggap ang katotohanang nakatali parin siya sa sumpang iyon na siyang muntik na niyang ikamatay.
BINABASA MO ANG
La Casa de Romero
Mystery / ThrillerApat. Mayroong apat na patakaran sa angkan ng Romero na siyang dapat sundin ng bawat membro ng pamilya. Ito ay itinatag ni Pablo Romero- ang pinagmulan ng aming salinlahi, kung kaya't ito'y tinawag rin sa kabantugang, 'Utos ni Pablo'. Ayon sa kwent...