VI: PANALANGIN SA ARAW NG PAGHATOL

4 0 0
                                    


[Abril 19, 2014]


Tandang-tanda pa ni Camillo ang kabughawan ng langit noong araw na iyon. Kasing-asul ito ng dagat na muntik nang lumunod sa kaniya sa kaniyang pagkabata. Ganun pa man, hindi niya magawang maialis ang kaniyang mga mata sa langit na kasing-kulay ng muntik niyang kamatayan.

"Ah..."

Biglang naalala ni Camillo ang dahilan ng kaniyang pagkahumaling sa kulay asul. Ito ay dahil ito ang paboritong kulay ng baylarinang lagi niyang iginuguhit sa papel.

Mula sa kaniyang maleta na nakapatong sa silya ay kinuha niya ang isang supot na lagi niyang dala-dala. Gamit ang kaniyang mga kamay na nanginginig sa saya, maigi niyang kinuha sa loob ng supot ang isang asul na bestida.

Sa paglabas niya rito, kumalat sa loob ng silid ang halimuyak ng sampaguita. Ngunit hindi pa nakontento si Camillo at itinapat ang damit sa kaniyang ilong.

Itinatak niya sa kaniyang isip ang amoy ng sampaguita. Ang amoy na ito ay nagdadala ng kaluguran sa bawat hibla ng kaniyang mga buhok na kasing-itim ng gabi, mula sa dulo ng kaniyang mga mahahabang daliri.

"Dandansoy, bayaan ta ikaw

Pauli ako sa Payaw

Ugaling kon ikaw hidlawon

Ang Payaw imo lang lantawon..."

Sa kagalakang nag-uumapaw sa kaniyang puso ay napaawit si Camillo sa tuwa. Sa kaniyang pagkanta ay marahan niyang isinayaw ang bestida at inilibot ito sa silid.

"Dandansoy, kon imo apason

Bisan tubig di ka magbalon

Ugaling kon ikaw uhawton

Sa dalan magbubon-bubon."

Napapikit ang binata kasabay ng kaniyang pag-awit at pagsayaw. Sa kaniyang isip ay detalyado ang imahe ng isang baylarina sa kaniyang harapan.

Ang kaniyang mapupungay at bilugang mata ay tunay na nakakahalina. Ang kaniyang malarosas na labi ay tunay na kaaya-aya.

Kung maaari lamang ay habambuhay na ipipikit ni Camillo ang kaniyang mga mata upang habambuhay rin niyang makasama ang baylarina.

Kung maaari lamang.

Ngunit ang katotohanan ay tunay na mapakla.


*TOK-TOK-TOK

Napawi ang galak ni Camillo nang makita ang amang si Frances sa tapat ng kaniyang bahagyang bukas na pintuan. Ang kaniyang katawang kanina lamang ay mahinahon ay tuluyang naging malamig.

"...Bakit ka nandirito?", pagtanong ni Camillo sa kaniyang ama sabay silid ng bestida sa kaniyang maleta. Wala man siyang pakialam sa iniisip ng ibang tao sa kaniya, hindi niya parin akalaing sa dinami-rami ng maaaring makakasaksi sa kaniyang ginawa ay ang kaniyang ama pa ang siyang humuli sa kaniya sa akto. Gayunpaman, hinarap niya parin ang ama nang walang bahid ng nerbiyos sa kaniyang mukha.

"..."

Tinitigan lamang ni Frances ang anak gamit ang mga matang sumasalamin ng pagkasulasok. Napatakip siya sa kaniya bunganga sapagkat nakaramdam siya ng isang mapait na lasa sa kaniyang lalamunan sa nakita at nais niyang isuka ito sa tabi. Subalit pinigilan nalang niyang gawin ito at kaniyang nilunok ang mga salitang nais niyang tanungin sa anak:

'Bakit mo hinahagkan ang damit ng isang taong patay na?'

Sa huli'y hindi na pinagtuunan ng pansin ni Frances ang ginawa ni Camillo. Mas mahalaga ang okasyong mangyayari sa araw na iyon- Abril 19.

Batid ito ng lahat ng membro ng pamilya. Ang araw na iyon ang tinukoy ni Pablo sa isa sa kaniyang mga utos.

'Ikalawang utos. Ipagtirik ninyo ng kandila at alayan ng bulaklak ang baul sa tuwing sasapit ang ika-19 ng Abril.'

"...Lumabas ka na sa iyong kuwarto. Tayo'y magsisimula na."

***


Ang araw ng Abril 19 ay isa sa mga mahahalagang araw para sa mga Romero. Kaya't bumangon ng maaga si Antonette ng umagang iyon.

Tandang-tanda pa niya ang kabughawan ng langit na sumalubong sa kaniya sa kanyang paggising. Mistulang ang kabughawan nito ay senyales ng isang magandang araw. Ito rin ang kaniyang paburitong kulay.

Sa pagbaba niya sa kama ay agad siyang nagtungo sa harap ng altar na nakapuwesto sa silid na kaniyang tinutuluyan at siya'y lumuhod.

Nanalangin si Antonette.

Ipinalangin niya na sana'y maging maayos ang takbo ng araw na ito.

Nanalangin siya ng buong puso.


Sa paglabas niya sa kaniyang silid ay naabutan niya ang lahat na nagsisipag-ayos sa mangyayaring okasyon.

Kaniyang natanaw mula sa bintana na namimitas si Regina ng mga puting orkidyas sa hardin upang ialay sa baul.

Naabutan naman niya ang amang si Frances na nagsisindi ng kandila sa salas pagkatapos niyang tawagin ang suwail na si Camillo palabas sa kaniyang kuwarto. Mapapansin ang buong ingat niya sa pagsisindi saba'y patong ng mga ito sa lamesang nasa gitna ng silid.

Gaya ni Antonette ay taimtim na nananalangin si Frances sa bawat pagsindi niya sa mga kandila.

Nanalangin siya ng isang mahabang pahinga pagkatapos ng araw na ito.


Sa kabilang banda, nagtungo si Tiya Pelina sa silid kung saan nakatago ang mahalagang baul na iniingatan ng mga Romero. Gamit ang antigong susi na kaniyang iniingatan, kaniyang binuksan ang silid na minsan lamang sa isang taon niya pinapasukan. Sa pagbukas niya sa mabigat na pintuan, tumambad sa kaniya ang isang bagay na natakluban ng puting tela.

Alam na alam ni Tiya Pelina kung ano ang bagay na iyon. Sa ilalim ng manipis na telang puti ay doon nakatago ang baul na mas mahalaga pa kaysa sa kaniyang buhay.

Nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga ang matanda sabay hila sa tela. Paghila niya dito'y siya'y nanalangin.

Nanalangin siya ng pagpapatawad.


Bumaba na si Antonette sa hagdanan. Marami pang mga bagay na kailangan para sa rituwal ang dapat niyang ayusin. Sisikapin niyang gawing perpekto ang araw na ito. Ito ang kaniyang tungkulin.

Ngunit bago pa man niya igalaw ang kaniyang katawan, napatigil siya sa tunog ng mga yapak na nagmumula sa itaas ng hagdanan.

Tumambad sa kaniya ang mga mata ni Camillo na walang-kurap na nakatitig sa kaniya.

Napakagat ng labi si Antonette. Nais lamang niya ng kapayapaan. Ngunit nandito si Camillo.

Kaya't sa kaloob-looban niya'y siya'y muling nanalangin.

Ipinalangin niya na sana'y maging maayos ang takbo ng araw na ito.

Lingid sa kaalaman ni Antonette ay nanalangin din si Camillo.

Ipinalangin niya na sana'y maging maayos ang takbo ng araw na ito.


Magkaparehas man ang salitang kanilang ginamit, ang panalangin lamang ni Camillo ang narinig.

La Casa de RomeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon