PROLOGUE

97 7 0
                                    

Napuno ng mga nakakabinging pagsabog ang buong paligid. Isa-isang nagbabagsakan ang mga bola ng apoy mula sa kalangitan. Sa bawat tamaan ay walang natitira kundi abo.

Hinaluan ang hangin ng pinagsamang amoy ng usok at malansang dugo mula sa mga wala nang buhay na katawang naglipana sa lugar, mga kalansing ng sandata, at paglipad ng iba't ibang klase ng mga punlong gawa sa kung anong uri ng enerhiya - bawat tamaan, kung hindi napupulbos ay nagtatamo ng malalang pinsala.

"Luna, huwag kayong huminto!" Isang sigaw ng lalaki ang pumukaw sa atensyon ng isang batang lalaking nakatuon ang mga mata sa nasisirang kastilyo. "Tumakas na kayo!"

Liningon ng luhaang mga mata ng bata ang lalaking sinusubukang pigilan ang mga kawal ng kalabang kaharian gamit ang isang dambuhalang pananggalang na gawa sa mahika. Pero masyadong malakas ang mga kalaban at sa sabay-sabay na paghampas dito ng kanilang mga sandatang balot sa kakaibang enerhiya, nabasag ang pananggalang.

Sinubukang manlaban ng lalaki, ngunit sa dami ng mga kalaban wala itong nagawa nang mapalibutan at paulanan ng atake.

"Alarick!" Pumalahaw ang sigaw ng babaeng kasama ng batang lalaki. Kitang kita ng dalawa sa mismong harapan nila ang kalunos-lunos na kalagayan ng lalaki.

Labag man sa loob nito, nagmamadaling hinablot ng babae ang bisig ng bata at tumakbo palayo.

Sa inosenteng isip ng bata, alam niyang iyon na ang huling pagkakataong makikita niya ang kanyang ama. Wala siyang tigil sa pagtakbo kasama ang kanyang ina sa madilim at masukal na daan papasok sa pusod ng kagubatan habang naguunahan ang mga luha niya sa pagpatak.

Para sa isang tatlong taong gulang na paslit, alam niyang ito na ang katapusan ng Inari. Pero hindi niya maintindihan kung bakit ito nangyayari. Bakit nila sinisira ang palasyo? Bakit nila pinatay ang hari at ang pamilya nito. Maging ang kanyang ama, at malinaw na iyon din ang mangyayari sa kanila ng kanyang ina kapag inabutan sila ng mga kalaban.

"Ayon sila!" Ang mga galit na sigaw ng mga kawal na nasa likuran na nila. Sa bawat pagpatak ng segundo ay mas lalong lumiliit ang pagitan nila at ng mga humahabol.

Wala sa sariling liningon niya ang mga ito para tignan, ngunit mabilis siyang sinaway ng kanyang ina.
"Huwag kang lilingon!" May diin sa tinig nito. "Magpatuloy ka sa pagtakbo."

Biglang huminto ang babae kaya't awtomatiko din siyang tumigil sa pagtakbo. "Ina."

"Huwag kang huminto, anak! Pipigilan ko sila para makalayo ka."

Nangunot ang noo ng bata at inboluntaryong muling nanubig ang mga mata niya.

"Lyall!" Diretsong tumingin sa mga mata niya ang babae, mahigpit ang pagkakahawak nito sa mga balikat niya. "Kailangan mong makaligtas, naiintindihan mo ba?"

Hindi niya makuhang sumangayon sa gustong mangyari ng kanyang ina. Hindi niya kayang isipin ang maaaring mangyari dito kapag iniwan niya ito. Ni hindi pa niya magawang ipagluksa ang ama, at ngayon naman kailangan niyang iwan ang ina para mamatay.

Pero alam niyang wala siyang ibang pagpipilian kundi sundin ito.

"Ipaghiganti mo ang Inari!"

Labag man sa loob, pinilit niyang ihakbang ang paa palayo. Ang unang hakbang ay nasundan ng isa pang hakbang, hanggang sa awtomatiko nang kumikilos ang mga paa niya sa pagtakbo.

Mahal kita.

Iyon ang huling katagang sinabi ng kanyang ina gamit ang isip nito, bago umalingawngaw ang sigaw nito sa buong kagubatan. Kasabay noon ang pagbagsak ng mga luha niya sa pinakahuling pagkakataon.

"VIVAT INARI!"

***

Anima

-Rock Serenade-

ANIMA: Spirits and MagicWhere stories live. Discover now