CHAPTER 3

9 5 0
                                    

     NAPABALIKWAS ng bangon si Trevor matapos magising sa masamang panaginip na iyon. Dalawampu't dalawang taon na ang nakakaraan subalit hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa puso't isipan niya ang malagim na sinapit ng kaniyang ina sa mga kamay ng dati nitong ka-live in partner.   Hanggang ngayon ay lagi niya pa ring napapanaginipan ang mga pagmamalupit ni Carlos sa kanilang mag-ina na noon, pati na rin ang pagsagasa nito sa mommy niya na naging sanhi ng kamatayan nito.
    Nagtagis ang mga bagang ng binata. Muli na namang nabuhay ang matinding galit sa puso niya.
     Naiinis niyang dinampot ang cellphone sa ilalam ng kaniyang unan at tinawagan ang isa sa mga kaibigan niya, si Brandon. Dati itong pulis na natanggal sa serbisyo dahil na-involve sa iba't ibang ilegal na aktibidad. Ito rin ang binayaran niya para hanapin si Carlos, at para maisakatiparan na rin ang paghihiganti na mahigit dalawampung taon na niyang pinaplano.
     Ilang taon na niyang pinapahanap si Carlos. Kung sino-sinong private investigator na ang inupahan niya ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito natatagpuan. Gusto niyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng  mommy niya. Ayaw na niyang umasa pa sa mga pulis dahil mahigit dalawampung taon na ang kaso ng kaniyang ina subalit wala man lang nagawa ang mga ito para mahuli si Carlos.
     "Ano nang balita? Natagpuan mo na ba ang demonyong pinapahanap ko?" agad niyang tanong sa kaibigan nang sumagot ito mula sa kabilang linya.
     "Negative pa rin, boss. Pero may nakapagtimbre sa akin na nasa Marinduque raw si Carlos at ilang taon nang naninirahan do'n."
     Nawala ang antok niya sa sinabi nito. "Talaga ba?"
     "Bukas na bukas din ay pupuntahan ko ang bayan na sinasabi ng source ko. Babalitaan kita kapag natunton ko na ang bahay niya."
     Biglang nabuhayan ng pag-asa ang binata.
     "Sige, 'tol. Salamat!"
     Nagtagis ang mga bagang ni Trevor nang matapos ang usapan nila. Sana nga ay matagpuan na ni Brandon si Carlos dahil gigil na gigil na siyang gumanti rito.
     Saka lang napukaw sa pag-iisip ang binata nang bumukas ang pinto ng banyo sa kaniyang silid at lumabas mula roon si Scarlett na hubo't hubad. Kakatapos lang nitong maligo at pinupunasan ng tuwalya ang basang buhok.
     Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ng dalaga nang makita siya. "Good morning, sir."
     Hindi tumugon si Trevor. Antok na antok siya ng mga sandaling iyon  dahil paulit-ulit silang nagtalik ni Scarlett kagabi.
     Isa si Scarlett sa mga waitresses sa coffee shop na pag-aari ni Trevor. At isa rin ito sa mga fuck buddies niya.
     Naupo ang dalaga sa tabi niya at hinimas ang pagkalalaki niya.
     Tinabig niya ang kamay nito. Wala siya sa mood makipag-sex ngayon dahil nasira ng masamang panaginip ang umaga niya. Padapa siyang nahiga sa kama.
     "Mauna ka na sa coffee shop. Magpapahinga muna ako."
     Napabuntong hininga na lang si Scarlett. Sanay na ito sa malamig na pakikitungo ni Trevor kaya wala itong nagawa kundi ang magbihis na lang at sundin ang utos ng amo.
     May boyfriend si Scarlett ngunit mas mahal nito si Trevor. At dahil sa pagmamahal na iyon ay paulit-ulit nitong sinusuko ang katawan sa binata kahit na alam nitong hindi siya marunong magmahal. Masakit man ngunit tanggap na nito na hanggang sa kama lang talaga ang relasyon nilang dalawa.
     Matapos magbihis at mag-ayos ng sarili ay lumabas na ito ng silid at padabog na sinara ang pinto.
     Pinikit na lamang ni Trevor ang mga mata at muling natulog.
     Tanghali na nang lumabas siya sa kaniyang silid. Inabutan niya si Christian na mag-isang kumakain ng tangahalian sa dining room.
     Tila nagulat ito nang makita siya. "Nandito ka pa pala. Kanina pa umalis ang girlfriend mo. Akala ko sumabay ka sa kaniya kanina."
     Naupo na siya sa bakanteng silya. "She's not my girlfriend."
     Natawa ito. "Napakarami na nang inuwi mong babae rito sa bahay, pero ni isa sa kanila hindi mo naging girlfriend. You're not getting any younger, Trevor. Wala ka pa bang planong magpakasal?"
     "Wala, tito!" mariin niyang tutol.     "Kalokohan lang ang kasal na 'yan."
     Napabuntong hininga na lamang ito habang nakatingin sa pamangkin na abala sa pagkain.
     Guwapo si Trevor ngunit kailanman ay hindi siya nagkaroon ng girlfriend. Pangahan ang kaniyang mukha, matangos ang ilong makapal ang mga kilay at ang kulay brown niyang mga mata ay nakaka-intimidate kung tumingin. Matangkad din siya, moreno at malaki ang pangangatawan kaya naman lapitin siya ng mga babae. Kaya lang para sa kaniya ay parausan lamang ang mga ito.
     Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng seryosong relasyon si Trevor. Nadala kasi siya sa sinapit ng kaniyang ina. Ayaw niyang dumating ang araw na labis siyang magmamahal ngunit masasaktan lamang sa bandang huli.
     Kailanman ay hindi pa niya naranasang magmahal at wala siyang planong magmahal.
     Okay na siya sa sitwasyon niya ngayon. No strings attached. P'wede niyang galawin ang lahat ng babaeng gustong magpagalaw sa kaniya.
    


     BUONG araw ay inabala ni Trevor ang sarili sa trabaho. Maghapon siyang nanatili sa loob ng kaniyang opisina at ini-lock iyon upang walang ibang makapasok. Kapag hindi maganda ang mood niya ay pinipili niyang mapag-isa upang hindi maibaling sa ibang tao ang inis na kaniyang nararamdaman.
     Pagsapit ng alas-singko ng hapon ay nagpaalam na siya sa mga tauhan at umalis na ng coffee shop. Dumerecho siya sa pinakamalapit na simbahan at nagtirik ng mga kandila para sa pumanaw na ina.  
     Ngayong araw ang ika-dalawampu't dalawang taon ng pagkamatay ng mommy niya. Simula nang pumanaw ito ay hindi na sila nagkita pang muli ni Carlos. Kaya naman hindi niya alam kung saan nito nilibang ang mommy niya o kung ano ang ginawa nito sa bangkay ng kaniyang ina noong araw na pumanaw ito. Ni hindi niya man lang ito nagawang alayan ng bulaklak o kaya naman ay pagtirikan ng kandila ang mismong libingan nito.
     Pasimpleng pinunasan ni Trevor ang nangilid na luha sa mga mata. Hanggang ngayon ay labis pa rin siyang nangungulila sa kaniyang ina. At hanggang ngayon ay labis pa rin niyang kinamumuhian si Carlos.
    Kahit nasa loob siya ng simbahan ng mga sandaling iyon ay wala siyang ibang hangad kundi ang makaganti sa taong pumatay sa mommy niya.
     Gusto niyang pahirapan nang husto si Carlos tulad ng ginawa nito sa kanilang mag-ina noon. Gusto niyang agawin at sirain ang lahat nang pag-aari nito para labis nitong pagsisihan ang mga kasalanan nito sa kanila. Gusto niyang pahirapan nang husto si Carlos hanggang sa ito na mismo ang humiling sa kaniya na patayin niya ito.
     Nakuyom ni Trevor ang mga palad. Nanginginig ang mga kamay niya sa labis na galit.
     Pagbabayaran mo nang husto ang ginawa mo sa amin ng mommy ko. Gagawin ko ang lahat para mahanap ka at ako mismo ang papatay sa 'yo!

HEAVENLY DESIREWhere stories live. Discover now