CHAPTER 2

8 5 3
                                    

    SAKA lang tumigil sa pagtakbo si Trevor nang makarating sa tapat ng bahay nila. Napakapit siya sa gate habang hinahabol ang hininga dahil sa sobrang pagod. Lumingon-lingon siya sa paligid. Mukhang hindi naman siya nasundan ng tiyuhin niya.
     Pumasok na siya sa gate. Habang naglalakad papasok sa bahay ay naririnig ang malalakas na sigaw ni Carlos at ang pag-iyak ng mommy niya. Mukhang nag-aaway na naman ang dalawa.
     "Mommy!" Pinanlakihan siya ng mga mata nang mabuksan ang pinto at makitang hinahataw ng sinturon ni Carlos ang kaniyang ina na nakahandusay sa sahig.
     Dali-dali niyang tinanggal ang bag na nakasukbit sa likuran. Nilibot niya ang mga mata sa paligid at naghanap ng maaaring ipamalo sa amain. Kinuha niya ang malaking flower vase na nakapatong sa coffee table at pinaghahampas iyon sa likuran ni Carlos hanggang sa mabasag.
     "Hayop ka! Bitiwan mo ang mommy ko!"
     Tinigil nito ang pananakit kay Annie at pumihit paharap sa kaniya. "Bwisit kang bata ka!"
     Sinipa siya ni Carlos dahilan para matumba siya sa sahig. Siya naman ngayon ang pinagbuntungan nito ng galit.
     "Lumalaban ka na, ha! Ngayon mo ipakita sa akin ang tapang mo!" nanlilisik ang mga matang wika nito habang tinatadyakan siya nang paulit-ulit.
     Walang magawa ang bata kundi tanggapin ang mga sipa ni Carlos. Ni hindi na niya magawang maka-ilag dahil nanghihina na ang kaniyang katawan.
     "Carlos, tama na! Huwag mong saktan ang anak ko!"
     Nang mapagod si Carlos sa ginagawa ay saka lamang ito tumigil sa pagsipa kay Trevor.
     "Mga inutil kayo! Kaunting pera lang hindi ka pa makapagbigay. Magsama kayo ng anak mong walang silbi!"
     Masakit man ang buong katawan dahil sa bugbog na inabot ay pinilit pa ring makatayo ni Trevor. Lumapit siya sa ina yumakap nang mahigpit dito. Nanginginig ang katawan niya dala ng matinding takot at galit sa lalaking walang ginawa kundi ang saktan silang mag-ina.
     Saka lang nakahinga ng maluwag ang dalawa nang marinig mula sa labas ng bahay ang tunog ng papalayong sasakyan ni Carlos.
     "Umalis na tayo rito, mommy. Tumakas na tayo habang wala siya." umiiyak na pakiusap niya sa ina.
     Tumango-tango si Annie. "Oo, anak. Aalis na tayo rito. Kaya mo bang maglakad, anak?"
     Bigla siyang nabuhayan ng pag-asa. "Opo!" agad niyang tugon.
     Pinilit niyang tumayo at tiniis ang matinding pananakit ng katawan. Tinulungan niyang makatayo ang mommy niya at naka-alalay siya rito habang naglalakad sila papalabas sa kanilang bahay.
     Lakad-takbo ang ginawa nila. Kapwa tinitiis ang matinding pananakit ng katawan makalayo lamang sa bahay nila at para makalaya sa piling ni Carlos.
     Napatingin si Trevor sa ina. Napakasaya niya dahil sa wakas ay natauhan din ito at pumayag na tumakas sa bahay nila. Sa wakas ay makakalaya na sila sa mga malulupit na kamay ni Carlos. Sa wakas ay wala nang mang-aabuso sa mommy niya at wala nang mananakit sa kanilang dalawa.
     Subalit ang kasiyahan na iyon ay agad ding naglaho nang makarinig ng malalakas at sunod-sunod na busina ng sasakyan.
     Natigilan sa pagtakbo ang mag-ina. Nagkatinginan sila. Rumehistro sa mga mukha ang matinding nerbiyos at takot.
     Wala pa ring tigil sa pagbusina ang sasakyan mula sa likuran nila. Magkasabay silang pumihit sa pinagmumulan ng ingay. Kapwa sila pinanlakihan ng mga mata nang makita ang kotseng minamaneho ni Carlos.
     Sa sobrang takot ay tila na-estatwa na lang ang mag-ina sa kinatatayuan. Napa-iyak na lamang sila at biglang nanlumo.
     Napakapit ng mariin si Trevor sa kamay ng mommy niya. Natatakot siya sa mga maaaring mangyari sa kanilang dalawa. Siguradong sasaktan na naman sila ni Carlos.
     Napapikit na lamang si Trevor nang makitang ilang metro na lang ang layo ng humaharurot na sasakyang minamaneho ni Carlos, at tila wala itong planong huminto. Ito na marahil ang katapusan nilang mag-ina.
     "Umalis ka na, Trevor. Lumayo ka na para hindi ka niya masaktan." habilin ni Annie sabay tinulak ang anak papalayo.
     Sa sobrang lakas ng tulak ng ina
ay napasubsob si Trevor sa kalsada. Ang sumunod niyang narinig ay ang malakas na pagkalabog ng sasakyan. Agad siyang tumingin sa kaniyang likuran.
     Nakahinto na ang sasakyan ni Carlos. Nakababa ang bintana sa gawi nito at nakalabas ang kaliwang kamay na may hawak na baril.
     Agad na hinanap ng kaniyang mga mata ang mommy niya. Gano'n na lang ang pagkagulantang niya nang makita ang sariling ina na nakahandusay sa 'di kalayuan. Duguan ang mukha at ulo nito. Nakapikit ang mga mata nito at hinahabol ang paghinga
     "Mommy!" Tumayo siya at patakbong lumapit sa ina. Naupo siya sa tabi nito at niyugyog ito sa balikat. "Mommy, gumising ka!"
     Unti-unting nagmulat ng mga mata si Annie. Halata sa mukha nito ang matinding sakit na iniinda subalit nakuha pa rin nitong ngitian ang kaisa-isang anak.
     "Bumangon ka, mommy. Dadalhin kita sa hospital." Sinubukan niyang itayo ang ina subalit hindi niya matinag ang mabigat nitong katawan.
     Umiling-iling si Annie. "Huwag na, anak. Hanggang dito na lang ako. Pagod na ako. Gusto nang magpahinga ni mommy."
     Napahagulgol siya ng iyak sa sinabi ng ina. Para kasing nagpapaalam na ito sa kaniya.
     "Mommy, lumaban ka. Huwag mo akong iiwan." Pinaghahalikan niya ito sa kamay.
     "Sorry kung hindi na kita masasamahan sa paglaki mo. Pumunta ka sa bahay ng Tito Christian mo. Mas ligtas ka sa kaniya. Siya na ang bahalang magpa-aral at magpalaki sa 'yo. Magpakabait ka, anak. Mag-ingat ka lagi. Mahal na mahal kita, Trevor. I'm sorry kung nadamay ka sa gulo ng buhay ko."
     Natigagal si Trevor nang makitang unti-unting pumikit ang mga mata ng kaniyang ina hanggang sa hindi na ito muling dumilat pa.
     "Mommy! Mommy! Gumising ka!" umiiyak na sigaw niya habang niyuyugyog ang katawan nito. Subalit kahit anong gawin niya ay hindi na ito muling dumilat pa.
     "Annie?!" Nanginginig ang tinig na wika ni Carlos habang naglalakad palapit sa direksyon ng mag-ina. Lumuhod ito sa harapan ni Annie.
     "Dalhin natin siya sa hospital." pagmamakaawa niya sa amain.
     Chineck nito ang pulsuhan ni Annie tapos ay napamura. "Patay na ang mommy mo."
     Napahagulgol siya ng iyak. "Hindi totoo 'yan! Hindi p'wedeng mamatay ang mommy ko!"
     "Patay na ang mommy mo! At kasalanan mo ang lahat! Siguradong ikaw ang nag-udyok kay Annie na takasan at iwan ako, tama ba?"
     Natigilan ang bata.
     "Kasalanan mo kung bakit namatay ang mommy mo! Wala kang kwentang anak!" Tinulak nito si Trevor tapos ay tinutukan siya ng baril. "Umalis ka na kung ayaw mong isunod kita sa mommy mo!"
     Nanginginig ang katawan niya nang tumayo. Ayaw niya mang iwanan ang bangkay ng kaniyang ina subalit dala ng matinding takot ay napilitan siyang tumakbo papalayo.
     Tumakbo siya nang tumakbo kahit hindi alam kung saan siya patungo.
     Nang mapagod ang bata ay napaluhod siya sa kalsada. Hindi mawala sa isip niya ang hitsura ng ina nang bawian ito ng buhay sa kaniya mismong mga kamay. At hindi rin maalis sa murang isipan niya ang mga sinabi ni Carlos. Tama ito. Kasalanan niya kung bakit namatay ang kaniyang ina. Kung hindi niya ito pinilit tumakas sa bahay ay hindi sana ito nasagasaan ni Carlos, na naging sanhi ng kamatayan nito.
     Napalahaw siya ng iyak. Nagsisigaw siya sa matinding galit. Paulit-ulit siyang nagmura at sinisi ang sarili sa pagkamatay ng mommy niya. Ngunit kahit anong pag-iyak at pagsisisi ang gawin niya, kailanman ay alam niyang hindi na maibabalik pang muli ang buhay ng mahal niyang ina.

     "TREVOR? Anong nangyari sa 'yo? Bakit may dugo 'yang polo mo?" nag-aalalang tanong ni Christian matapos mabuksan ang gate ng bahay nito at makita sa labas ang pamangkin.
     "Wala na po ang mommy ko. Sinagasaan siya ni Carlos. Patay na po siya." umiiyak niyang tugon habang umiiyak
     "Anong sabi mo?!" Natahip ni Christian ang bibig. "Diyos ko, ang kapatid ko!"
     "Kasalanan ko po tito. Pinilit ko si mommy na tumakas sa bahay at iwan si Carlos. Nahuli niya kami. Sinagasaan niya si mommy." Sandali siyang tumigil sa pagsasalita dahil pakiramdma niya ay sobrang sakit ng dibdib niya, parang sasabog sa sakit. "Kasalanan ko po kung bakit namatay si mommy. Kung hindi kami tumakas sa bahay, buhay pa sana siya hanggang ngayon. Buhay pa sana ang mommy ko."
     Lumuhod si Christian sa harap ng pamangkin at buong awang niyakap ang bata. "Wala kang kasalanan, Trevor. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Napakabuti mong anak dahil lagi mong iniisip ang kapakanan ng mommy mo. Hanggang dito na lang siguro talaga ang buhay ng mommy mo."
     Tila wala siyang narinig. Patuloy niya pa ring sinisisi ang sarili niya sa nangyari. At marahil ay habang buhay niyang dadalhin ang matinding guilt na iyon sa kaniyang dibdib.

HEAVENLY DESIREWhere stories live. Discover now