CHAPTER 1

23 6 1
                                    

     ABALA sa paggawa ng assignments ang sampung taong gulang na si Trevor sa loob ng kaniyang silid. Mayamaya ay nakarinig siya ng sunod-sunod na kalabog mula sa katabi ng silid niya, ang silid ng kaniyang ina at ng live-in partner nitong si Carlos.
     Nang mamatay ang ama ni Trevor noong nakaraang taon dahil sa heart attack ay muling nakipag-relasyon ang kaniyang ina sa ibang lalaki. Six months ago ay nag-live in ang dalawa at tumira si Carlos sa bahay nila. Noong una ay maayos ang pakikitungo nito sa kanilang mag-ina. Ngunit hindi naglaon ay lumabas din ang totoo nitong kulay. Lagi nitong sinasaktan ang mommy niya, lalo na kapag hindi nagbibigay ng pera para sa pang-inom at pagsugal nito.
     Ilang buwan nang ganito ang sitwasyon sa bahay nila kaya naman nasanay na rin si Trevor. Wala naman siyang magagawa. Gustuhin niya mang awatin si Carlos sa pananakit sa mommy niya ngunit hindi niya magawa. Kapag umawat kasi siya ay siguradong sasaktan lamang siya nito.
     Pinagpatuloy na lang ng bata ang paggawa sa mga assignments niya.
Mayamaya pa ay tumigil na ang mga kalabog at sigawan sa kabilang kwarto. Ang tanging naririnig niya na lang ay ang malakas na paghagulgol ng kaniyang ina.
     Nang marinig niya ang malakas na pagbukas at pagsara ng pinto sa kabilang silid ay tumayo na rin siya. Nagpalipas muna siya ng ilang sandali. Nang masigurong naka-alis na ng bahay si Carlos ay lumabas na siya ng silid. Patakbo siyang bumaba ng hagdan at dumerecho sa banyo. Kumuha siya ng bimpo at nilagyan ng tubig ang isang palanggana. Kinuha niya rin ang medicine kit tapos ay umakyat sa silid ng mommy niya.
     Nakasanayan na niyang gawin ang bagay na ito sa tuwing matatapos mag-away ang dalawa.
     Nakagat ng bata ang pang-ibabang labi nang makita ang ina na naka-upo sa isang sulok ng silid. Putok ang labi nito at may black eye sa kanang mata.
     Patakbo siyang lumapit sa ina at agad na pinunasan ng basang bimpo ang duguang mukha nito. Habang nilalagyan ng gamot ang mga sugat ng ina ay tahimik lamang itong umiiyak.
     Napa-iyak na rin si Trevor dahil sa matinding awang nararamdaman para sa ina.
     "Umalis na tayo rito, mommy. Natatakot na po ako."
     "Hindi ko p'wedeng iwanan ang tito Carlos mo. Siguradong susundan niya ako kahit saan ako magpunta. Papatayin niya ako 'pag iniwan ko siya. Papatayin niya tayo." Bakas sa bawat salitang binitawan nito ang matinding takot para kay Carlos.
     Umangat ang kanang kamay ni Annie at masuyong hinaplos ang mukha ng kaisa-isang anak.
     "Tinawagan ko kanina ang Tito Christian mo." Ang tinutukoy ni Annie ay ang kapatid nito na nakatira sa kabilang bayan. "Binigay ko na sa kaniya ang naiwang pera ng daddy mo. Doon ka muna tumira sa bahay niya. Siya muna ang pansamantalang magpapa-aral at magpapalaki sa 'yo."
     Natigilan si Trevor sa ginagawa. Hindi siya makapaniwala sa mga narinig. Hindi niya lubos maisip na ipapamigay siya ng sariling ina sa kapatid nito. Mabait naman si Christian. Parang anak nga ang turing nito sa kaniya. Kaya lang ayaw niyang mapahiwalay sa mommy niya. Wala na nga ang daddy niya, pati ba naman ang mommy niya ay mawawala rin?
     Nag-unahan sa pagtulo ang luha sa kaniyang mga mata. Sa labis na pagkabalisa ay nabitawan niya ang hawak na bimpo.
     "Hindi mo na ba ako mahal, mommy? Ayaw mo na ba akong makasama?" umiiyak niyang tanong.
     "Mahal na mahal kita, anak. Kaya ko nga ito gagawin kasi mahal kita at gusto kong maging maayos ang buhay mo."
     "Pero bakit mo ako ipamimigay? Kung mahal mo ako, hindi mo ako ipamimigay kay Tito Christian."
     "Dahil mas magiging ligtas ka kung aalis ka sa impyernong bahay na 'to. Mas mapapanatag ang kalooban ko kung pansamantala kang titira sa tito mo. Walang mananakit sa iyo ro'n. Mas maaalagaan ka niya. Susunduin ka niya bukas sa eskwelahan. Sumama ka sa kaniya, Trevor." Pilit na nginitian ni Annie ang anak.
    Mariin siyang umiling bilang pagtutol. Ayaw niyang mapalayo sa mommy niya. Mas gugustuhin na niya ang magulong buhay sa piling nito kaysa magkahiwalay silang dalawa.
     "Huwag kang mag-alala, anak. Pansamantala lang 'to. Kukunin din kita sa kaniya kapag naayos ko na ang problema ko sa Tito Carlos mo."
     "Ayoko pong sumama sa kaniya, mommy. Nangako ako kay daddy noon na hindi kita iiwan. Dito lang po ako sa tabi n'yo."
     "Pero, anak-"
     "Mommy, please dito lang ako. Ayoko pong magkahiwalay tayo." Yumakap siya sa ina at tuluyang napahagulgol ng iyak. "Magpapalakas po ako para maipagtanggol kita kay Carlos. Kapag malaki na ako, hindi ka na niya masasaktan."
     Napahagulgol na rin si Annie. Gumanti ito ng yakap sa anak at pinaghahalikan si Trevor sa tuktok ng ulo.
     "I'm sorry, anak. Pati ikaw nadamay sa gulo ng buhay ko."

     NATIGILAN si Trevor sa paglalakad palabas sa eskwelahan nang makitang nakatayo sa harap ng gate ang Tito Christian niya. Agad na kinabahan ang bata. Bigla niyang naalala ang sinabi ng kaniyang ina kagabi. Susunduin siya ng kapatid nito at pansamantala siyang titira sa bahay nito.
     "Trevor! Halika!" sigaw nito nang mapansin siya. Sinenyasan nito ang pamangkin na lumapit.
     Napilitan siyang maglakad palapit sa tiyuhin.
     "B-bakit po kayo nandito?" kinakabahan niyang tanong nang tuluyang makalapit dito.
     "Pinapunta ako rito ng mommy mo. Doon ka muna titira sa bahay ko."
     "Ayoko pong sumama sa inyo. Ayoko pong iwan ang mommy ko."
     "Naiintindihan kita, Trevor. Kaya lang mapapahamak ka kapag nag-stay ka sa bahay n'yo. Sasaktan ka lang ni Carlos. Pansamantala lang naman kayong magkakahiwalay ng mommy mo. Ilalayo muna kita tapos siya naman ang kukunin ko. Magkakasama ulit kayong dalawa at wala nang mananakit sa inyo."
     Mariing umiling ang bata.
     "Basta hindi ko po iiwan ang mommy ko!" mariin niyang wika. Tinalikuran na niya ang tiyuhin at mabilis na tumakbo papalayo.
     "Trevor, bumalik ka rito!" sigaw ni Christian habang hinahabol ang bata.
     Hindi niya pinansin ang tiyuhin. Patuloy lang siya sa mabilis na pagtakbo pauwi sa bahay nila.
     Sa murang isip ay alam niyang tama ang punto ng mommy at ng tiyuhin niya. Subalit ayaw niyang mapalayo sa sarili niyang ina. Kahit kailan ay hindi niya ito iiwan.

    

HEAVENLY DESIREWhere stories live. Discover now