XIII: PINTUAN AT SUSI

Magsimula sa umpisa
                                    

"Pero hindi ka nakatitiyak, paano kung wala na ang sumpa pagbalik ko sa kasalukuyang panahon?", patutol niya. Siya'y kumakapit sa pag-asang nagkamali lamang ang matanda.

Hindi maipagkakaila ni Madam Donita na tuluyan nang napigtas ang kaniyang pasensiya sa pangangatwiran ni Frances. Kung gayon ay agad siyang huminto sa paglalakad at hinarap ang ginoo upang itatak sa makasariling utak nito na hindi siya nagbibiro at kailangan niyang tapusin ang misyon siya sa panahong ito upang tuluyang mapuksa ang sumpa.

"Talasan mo ang iyong mga tainga at makinig ka", pag-uumpisa ni Madam Donita.

"Ito ang huling beses na sasabihin ko ito. Kailangan mong manatili rito at wala kang ibang pagpipilian. Kung ibabalik kita sa taong 2014 ngayon din, ikaw ay mamamatay. Hindi mo ito batid dahil ikaw ay naghihingalo nang dalhin kita rito ngunit hindi na kaya ng katawan mo ang kapit ng sumpa. Nasusunog ang mga lamang-loob mo unti-unti at nagiging abo ito kaya wala kang karapatang umasta gaya ng isang bata dahil ginagawa ko ang lahat upang iligtas ka sa sumpang kinasangkutan ng iyong pamilya."

Pagkatapos ng mahabang paliwanag ay muling tinahak ng manggagaway ang daan paloob sa taniman. Agad naman siyang sinundan ni Frances ngunit taliwas sa pag-aakala ng matanda ay muling ibanato sa kaniya ng lalaki ang kaniyang mga pangangatwiran.

"Walang galang na po ngunit hindi niyo naman ako masisisi kung bakit ganito ako umasta. Sa tingin niyo ba'y matatanggap ko agad ang hindi kapani-paliwalang bagay na bumalik ako sa nakaraan? At ano naman ang kaugnayan nito sa aking sumpa? Bakit tayo nandirito?"

Sa narinig ay panandaliang nandiri si Madam Donita sa sarili niyang kapabayaan. Hindi nga naman niya ipinaliwanag sa lalaki ang lahat. Agad naman niyang iwinaksi ang nasa kaniyang isipan at patuloy paring lumakad hanggang sa narating nila ang isang maliit na nayon sa gitna ng mga taniman habang hinahanap niya ang mga tamang salitang sasagot sa mga tanong ng ginoo.

"Hindi ko batid kung paano tanggalin ang sumpang kumapit sa iyo kaya't kailangan ko munang alamin kung saan ito nagmula at kung paano ito nagawa. Ang malaman ang mga detalyeng iyon ang pangunahing dahilan ng ating pagtungo rito. Sa madaling salita ay hahanapin natin ang lunas sa iyong sumpa.", pagpapaliwanag ng matanda.

Napakunot ng noo ni Frances sa narinig. Kahit pa nagpaliwanag si Madam Donita ay marami parin siyang hindi maintindihan.

"Kung ito ang iyong pakay ay bakit sa taong 1885 tayo nagtungo? Hindi ba't mas madaling tanungin mo na lamang si Pelina ng patungkol sa mga detalyeng nais mong malaman? Naroon rin sa mansion ang mga dokumento at talambuhay ng aming mga ninuno na mas magpapabilis sa iyong paghahanap. Maaaring naasulat doon ang patungkol sa sumpa ng pamilya."

Sarkastikong napatawa na lamang si Madam Donita nang marinig ang sinabi ng lalaki. Siguro nga'y mas madali ang paghahanap niya kung gagawin niya ang mga sinabi ni Frances. Ngunit kung ito naman ang ginawa niya ay hindi matatapos ang kasong ito dahil batid niyang maraming itinatago si Pelina mula sa kaniya kaya't hindi maiwaksi ni Madam Donita ang ideyang kasinugalingan lang din ang pundasyong ng mansiyon ng mga Romero.

Ito man ang naglalaro sa kaniyang isip ay hindi na sinabi ng matanda sa lalaki ang patungkol rito. Hindi mapagkatiwalaan ni Madam Donita si Frances. Ito'y dahil maaaring kasabwat siya ng kaniyang kapatid na si Pelina upang itago ang baho ng mga Romero sa hindi malaman na dahilan. Kung gayon ay mahinahon na lamang siyang nagpaliwanag.

"Nang ika'y naghihingalo ay may bakas kaming nahanap na maaaring magturo saatin ng lunas ng iyong sumpa. Ito'y isang liham na isinulat sa taong 1885 at malaki ang hinala kong may koneksiyon ito sa mga nangyayari. Nais kong masiyasat na pagmasdan ang mga nangyari sa taong iyon nang personal kayat narito tayo ngayon."

Pagkaraan ay siya'y huminto at hinarap si Frances na sumunod sa kaniyang likuran.

"Ngayon nagtataka ka siguro kung bakit kita isinama. Una, ay upang pansamantalang tanggalin ang sumpang kumapit sa iyo nang hindi ka mamatay at pangalawa ay dahil ikaw ang pinto na siyang kumokonekta saatin sa totoong mundo at sa panahong ito. Ibig sabihin ay hindi ako makakapasok dito kung wala ka at hindi rin ako makakalabas kung wala ka-"

"Ngunit paano it nangyari?", pagputol ni Frances sa pagsasalita ni Madam Donita.

"Ito'y dahil ikaw ay kinapitan ng sumpang nanggaling pa sa nakaraan kung kaya't ikaw lamang ang may koneksiyon sa mga tao mula sa panahong ito. Dahil diyan ay hindi ako basta-basta makakapasok sa panahong ito dahil wala naman akong kinalaman sa sumpa kaya't kailangan kita upang mapunta ako sa taong 1885", mabilisang pagsagot ng matanda sa kaniya. Ngunit nang nakita nitong may bakas pa ng pagkalito sa mukha ni Frances ay nag-isip si Madam Donita kung paano niya ipapaliwanag sa lalaki ang mga bagay na nais pa niyang malaman.

"Bilang pagbuod, tayo'y nandirito sa taong 1885 upang malaman natin kung saan nagmula ang iyong sumpa na siyang makakatulong upang mahanap natin ang lunas nito. Sa kabilang banda, isinama kita rito dahil ikaw ang pintuan na siyang magdadala at pagpapalabas saakin sa panahong ito at hindi tayo aalis hanggang malaman natin lahat ng mga detalyeng kailangan ko upang matanggal ang iyong sumpa."

Pagkatapos ng mahabang pakikinig ay luminaw na ang ekspresyon ni Frances na siyang tanda na naintindihan niya ang lahat. Dahil dito ay nawala ang pagkabalisa ni Madam Donita at ipinagpatuloy niya muli ang paglalakad paloob sa nayon na nakatayo sa sentro ng taniman.
Masikap niyang sinundan ang kadenang nakahelera lamang sa daan. Mabuti na lamang at walang mga tao sa labas na maaaring bumulabog sa kaniyang ginagawa. Pagkaraan ay nakarating sila sa harap ng isang barong-barong sa siyang nasa dulo ng baryo.

"Frances."

Tahimik na tumitig si Frances kay Madam Donita nang tawagin nito ang kaniyang pangalan. Nang nakita ng matanda na nakuha niya ang pansin ng lalaki, kaniyang ipinagpatuloy ang pananalita.

"Hindi ko pa nabanggit sa iyo ang tungkol sa kadena, hindi ba?"

"..."

Ang kadena. Sa totoo lang ay nais tanungin ni Frances kanina pa ang patungkol sa kadenang gumapos sa kanya at kung bakit nila sinusundan ang kabilang dulo nito. Ngunit sa kabilang banda ay hindi niya nais malaman ang sagot. Ito'y dahil nararamdaman niyang ang nasa kabilang dulo nito ay ang taong hindi nila dapat pang ginambala.

Sa katahimikang tugon ni Frances ay ipinagpatuloy nalang muli ni Madam Donita ang paglalakad paloob sa barong-barong na siyang dahilan upang sumunod sa kaniya ang lalaki.

Ang kadena ay lumagpas sa makalumang kusina, sa maliit sa sala, hanggang sa tumungo ito sa isang nakasarang silid.

"Uulitin kong muli. Ikaw ang pintuan, Frances. Ikaw ang daanan na gagabay saatin patungo sa simula. Sa kabilang dulo naman ng kadena ay naroon ang susi. Siya ang magtuturo saatin kung saan nagmula ang sumpa. Siya ang gagabay saatin patungo sa wakas."

Binuksan ni Madam Donita ang pintuan sa silid. Doon ay tumambad sa kanila ang isang binibini.

Siya'y nakaharap sa salamin.

At siya'y ngumingiti.

Pagkaraan ay siya'y tumingin sa bandang pintuan nang marinig niyang tinatawag ang kaniyang pangalan.

"Pamela."


***

Para sa mga mambabasa,

Nawa'y nasisiyahan kayo sa istoyang ginawa ng aking malikot na isipan. Tayo ay malayo-layo pa lamang sa wakas at marami pa akong mga surpresang nakahanda't naghihintay sa inyo. Sa ngayon ay inyo munang libangin ang inyong mga sarili sa mga kabanatang nailathala na.

-makinilyang pipi

La Casa de RomeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon