X: TEATRO (3)

Magsimula sa umpisa
                                    

Ginamit ni Camillo sa kaniyang plano si Antonette- ang kaniyang pag-uugali at pag-iisip. Kilala niya ng lubusan ang kapatid. Dahil diyan ay hindi siya nahirapang pasunurin ang dalaga sa mga gusto nito nang hindi niya alam.

Anim na buwan bago sumapit ang araw ng Abril 19, umakto si Camillo na siya'y interesado sa larangan ng teatro. Paunti-unti siyang nagbigay ng mga bakas kay Antonette upang maghinala ang dalaga sa kaniyang mga kilos.

Isang araw bago magtungo ang kanilang pamilya sa Montelban, gumawa si Camillo ng sulat-pangkolehiyo na nagsaad ng kaniyang interes sa kurso ng isang unibersidad patungkol sa teatro. Sa bisperas ng Abril 19 ay iniwan niya ang sulat na ito sa mesa ng kaniyang tinutuluyang silid sa mansiyon ng mga Romero.

Buong sikap niyang pinigilan ang kaniyang pagtawa nang bumukas ang pintuan sa kaniyang silid nang gabing iyon at pumasok si Antonette upang kunin ang liham. Walang kaalam-alam ang kaniyang kapatid na siya ay nahulog na sa bitag ni Camillo.


"-sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Spirit Santo. Amen."

Sa pagtatapos ng panalangin na siyang pinamunuan ni Tiya Pelina, inilatag na ni Frances ang baul na kanina pa niya hawak sa mesang napapalibutan ng kandila. Ito ang hudyat ng pagsisimula ng kanilang ritwal.

Walang interes na tumingin si Camillo sa mga nangyayari sa kaniyang harapan. Ilang ulit na niyang nasaksihan ang seremonyang ginagawa ng pamilya tuwing ika-19 ng Abril sa puntong siya'y nababagot na sa tuwing dumadalo siya rito.

Ang pinakahihintay na araw ni Camillo ay sumapit na.

Walang pakialam ang binata sa seremonya. Ang susi lamang ang laman ng kaniyang isip. Habang ang iba ay nakikinig sa mga kabulaanang sinasabi ng kaniyang tiya, hinanap ng mata ni Camillo ang mesang nasa harapan ng pader sa bandang kaliwa ng silid.

"Heh..."

Noon pa napansin ni Camillo ang detalyeng ito. May masamang kinagawian si Tiya Pelina. Tuwing kinukuha niya ang baul palabas sa silid taon-taon, iniiwan niya ang susi sa taas ng mesang nasa kaliwa ng silid at kinukuha ito sa tuwing itatago na niya muli ang baul pagkatapos ng seremonya.

Ito ang susing kailangan niyang kunin. Nakaayon ang lahat sa kaniyang plano.

Yumuko lamang si Camillo at hinintay na matapos ang pagkukuwento ng tiya. Pagkaraan ay narinig niyang binanggit ng tiya ang kaniyang pangalan.

Ito ang hudyat ng pagsisimula ng dulang pang-teatrong kaniyang ibinalangkas.

"Uulitin kong muli. Ang mga utos ni Pablo ay kailangan mong sundin. Ito ay para rin sa ikabubuti ng pamilya."

Napataas ng ulo si Camillo nang marinig ang sinambit ng tiya. Pagkaraan ay agad na hinanap ng kaniyang mata si Antonette.

"..."

Hindi nga siya nagkamali. Gaya ng ginawa ni Antonette tatlong taon na ang nakakaraan ay handang ipagkanulo ng dalaga ang kaniyang kapatid para sa pamilya Romero.

"Anette. Ano... ang nasa sobreng iyan?", pagtanong ni Tiya Pelina sa pamangkin. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat sa mga nangyayari ngunit hindi ito naghadlang sa kaniya upang mapagtanto na ang sobre ang ikinagagalit ni Camillo.

"Binabalaan kita, Anette! Tiyak na pagsisisihan mo ang pagbigay sa sobreng iyan!", pagsigaw ni Camillo. Hindi siya nagsisinungaling. Tiyak na magsisisi si Antonette.

Kabaliktaran ng mga lumabas sa bunganga ni Camillo ay inaasahan niyang ibibigay ng kapatid ang sobre kay Tiya Pelina.

'Anette. Kinasusuklaman mo ako, hindi ba? Kaya't ano pa ang hinihintay mo? Gawin mo rin saakin ang ginawa mo kay Barbara noon.'

Mahigpit na hinawakan ni Antonette and sobre at pagkaraa'y tahimik niyang ibinigay ito sa kaniyang tiya.

'Tama, Anette. Ganiyan nga. Ikaw ang bida sa teatrong ito.'

Sa kaloob-looba'y napatawa si Camillo. Ginampanan ni Antonette ang kaniyang papel nang maayos. Ngayon, siya naman ang magbabalatkayo.

*KLAAANG!

Binasag ni Camillo ang plorerang nasa kaniyang tabi.

*KLAAANG!

Siya'y nagbasag ng isa pa.

*KLAAANG!

At ng isa pa.

*KLAAANG!

Pagkaraan ay sinipa niya ang lahat ng maaabot ng kaniyang paa. Ihinagis niya ang anumang kaya niyang hawakan.

Sa ginawa ni Antonette ay mayroon na siyang rason upang gumawa ng gulo.

"Ahhhhhh!"

Sumigaw din Camillo. Hinila niya ng kaniyang buhok at siya'y naglakad palibot sa silid habang binabasag at hinahampas lahat ng nasa kaniyang paligid.

Siguro'y walang katuturan ang kaniyang ginagawa sa mga mata ng tumitingin at lumalabas lamang na ginagawa niya ang lahat ng mga ito dahil sa galit. Ngunit lingid sa mata ng nakararami ay may balak kunin si Camillo- ito ang susi.

Winasak niya ang lahat ng nasa kaniyang harapan. Dahil dito ay nagkanda-tumba-tumba lahat ng mga gamit sa sala ng mansiyon. Sunod niyang nilapitan ang mesa kung saan nakalatag ang susi at nilalaglag ang mga antigong gamit na nasa ibabaw nito. Pagkaraan ay kaniyang itinulak ang mesa na para bang siya'y galit na galit. Hindi alam ng mga nakatingin na nahablot na niya ang susi sa puntong ito.

Pagkatapos ay naglakad na siya patungo sa isang sulok ng silid at winasak lahat ng kaya niyang mawasak upang hindi maghinala ang kaniyang pamilya.

Isa rin sa kaniyang mga rason sa paggawa nito ay upang maging magulo ang silid at iisipin nalang ng kanilang tiya na nahalo lamang ang susi sa mga gamit na ikinalat ni Camillo.

Pagkaraan ay siya'y tumigil. Nakita niya ang baul na payapang nakalatag lang sa mesa. Ito ay pinapaligiran parin ng mga kandilang kalahati na ang haba.

Tutok lamang na nakatingin ang binata sa baul. Pagkaraan ay nilapitan niya ito sabay hila sa isang upuan sa tabi.

Nang siya ay nasa harap na ng mesa, binuhat ni Camillo ang upuan.

Iba-iba ang reaksiyon ng mga nakatingin sa binata sa kaniyang ginawa. Sadyang napakahalaga ng baul sa pamamahay na ito.

Sumigaw si Tiya Pelina sa nakita. Mukha namang nawalan ng dugo si Frances at dumilat ang mga mata ni Antonette habang napakunot ng noo si Regina.

Dahil dito ay tuluyan nang napigtas ang pagpipigil ni Camillo at siya'y tuluyang humalakhak. Hindi siya makapaniwalang makikita niya ang mga mga mukhang iyon mula sa kaniyang pamilya.

Ibinagsak na ni Camillo ang upuan at siya'y tumuloy na sa kaniyang silid. Tapos na ang palabas sa teatro. Ginawa lamang niya ang huling parte upang ipakita sa mga tao sa mansiyon na hindi magandang ideyang sundin siya sa kaniyang pag-alis.

Nais man ng binatang sirain na ang baul, pinigilan niya ang kaniyang sarili. Sa kaniyang opinyon ay mas magandang makita itong nasusunog kaysa sa ito'y madurog.

Ngayon ay magagawa na ni Camillo ang kaniyang nais, sapagkat nasa kamay na niya ang susi.


Nang araw ding iyon, pagpatak ng alas-dose ng gabi, nagising ang mga tao sa mansiyon dahil sa sigaw ni Frances.

Napag-alaman nilang siya'y isinumpa. Biglang may kumalat na misteryosong bitak-bitak sa kaniyang katawan at sa loob ng mga sugat na ito'y may lumalabas na puting pulbos.

Ito ay abo.

La Casa de RomeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon