CHAPTER 27

106 2 0
                                    

Natahimik si Rocky nang marinig ang sinabi ni Penelope.

Namatay ang kapatid nito dahil sa isang riot ng mga fraternity?
Napalunok siya. Hindi niya alam kung bakit tila may kabang gumuhit sa dibdib niya.

Sinundan na lamang niya nang tingin si Penelope nang pumasok na ito sa loob ng bahay. Kailangan na rin niyang mag-ayos ng sarili kaya naman umuwi na rin siya sa kabilang bahay.
Laman pa rin ng isipan niya ang sinabi ni Penny kanina. Pagkapasok niya sa loob ng bahay ay napako ang mga mata niya sa malaking larawan ng kapatid ni Penny na naroon at naka-frame pa ng malaki. Magandang lalaki ang kapatid ni Penny. Hindi niya alam kung ilan taon na itong patay.

"Sino ang pumatay sayo?" bulong niya sa utak at kunot noong pinagmasdan ang kabuuan ng larawan.
Member din siya ng isang fraternity kaya nabuhay ang kuryosidad sa kaniya nang malaman niyang myembro ng mga frat ang nakapatay dito.

Saktong 7 AM nang lumabas siya. Nakita niya si Mr. Crisostomo dala ang mga gamit nito. Dali-dali siyang lumapit dito at tinulungan ang may katandaang lalaki.

"Sir ako na po riyan," wika niya. Kinuha niya sa kamay nito ang ilang mga bitbit na gamit saka ipinasok iyon sa loob ng sasakyan. Hinanap ng mga mata niya si Penny.

"Nasaan ho si Ma'am Penny?" tanong niya. Lumingon naman ang Daddy ni Penny sa likod nito.

"Nariyan na iyon. Inaayos lang siguro ang mga gamit niya," sagot ni Mr. Crisostomo.

Ilang sandali pa ay lumabas na nga si Penny bitbit ang shoulder bag nito. Iyon lang ang tanging dala nito ngayon. Dinaluhan niya ito upang bitbitin iyon.

"Ako na dyan Penny," sabi niya rito. Hindi naman ito nagpapigil at nagbigay ng tipid na ngiti.

"Salamat Rocky," anito sa kaniya. Pinagbuksan niya ito ng pintuan ng sasakyan at naupo ito sa tabi ng driver's seat. Ang ama naman nito ay naupo sa backseat. Mabilis siyang nagtungo sa driver's seat at sinilip sa salamin ang mga ito.

"Wala na po ba kayong naiwan? Papaandarin ko na." Binuhay niya ang makina ng sasakyan.

"Wala na, kaya tayo na."
Matapos sabihin iyon ng ama ni Penny ay binuhay na nga niya ang makina ng sasakyan patungo sa eskwelahan.

Pagdating nila roon ay madami ng mga estudyante na nagkalat. Una niyang pinagbuksan ang ama ni Penny at pagkatapos ay si Penny naman. Binitbit din niya ang shoulder bag nito at sabay na silang naglakad patungo sa classroom nito. Hindi na nagpatulong sa kaniya si Mr. Crisostomo sa dala nitong mga gamit at sinabing si Penny na ang asikasuhin niya.
Nakasabit sa balikat niya ang bag ni Penny habang naglalakad silang dalawa. Pinagtitinginan na naman nga sila ng ilang mga estudyanteng nadadanan nila. Ang iba ay natatawa. Sino ba naman kasi ang hindi matatawa? Nakasuot siya ng itim na sando na may tatak na skull at pang-rakista, ang suot naman niyang short ay maluwag at tastas tastas ang tela, tapos may bitbit siyang pink na shoulder bag sa balikat niya. Tadtad pa naman siya ng tattoo at hikaw. Naiintindihan niya kung bakit siya pinagtatawanan ng mga nadadaanan nila. Mukha siyang tanga sa paningin ng mga ito. Dumukot siya ng bubblegum sa bulsa at nginuya iyon. Itinapon lang niya ang pinagbalatan niyon sa kung saan kaya naman biglang huminto si Penny at masama ang tingin na ipinukol nito sa balat na itinapon niya. Napakamot siya sa buhok at napangisi dahil doon. Dahan-dahan siyang yumuko at pinulot ang balat ng bubblegum saka isiniksik iyon sa bulsa niya. Doon lang muling tuminag si Penny.
Ayaw na ayaw nito ang ganoong gawain niya. Simpleng pagtatapon lang daw sa basurahan ay hindi pa niya magawa. Hindi na siya magtataka sa mga pangaral nito sa kaniya. Teacher ito kaya natural na iyon dito.

"Bakit ba sila nakatingin?" rinig niyang bulong ni Penny habang naiiling. Napansin pala nito ang mga nadadaanan nila na kanina pa sila tinitingnan.

"Ang gwapo raw kasi ng bodyguard mo," nakangising sagot niya dito. Irap lang ang itinugon ni Penny sa kaniya. Nang makarating sila sa classroom nito ay inilapag niya ang bag nito sa table. Tatlo pa lang ang dumadating na estudyante nito. Humila siya ng upuan at naupo sa harapan ng table ni Penny.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon