I: SUMPA AT KASINUNGALINGAN

8 0 0
                                    


[Abril 21, 2014.]

Madam Donita.

Tinitigan muli ni Antonette ang maliit na kubong natatanaw niya mula sa kalayuan.

Nakatayo ito sa ibabaw ng maputik na sapa at kapansin-pansing napapaligiran ito ng mga matatayog na bakawan. Sa labas nito'y maraming nakasabit na gaserang nagbibigay ilaw sa madilim na sapa.

Napasingkit ng mata si Antonette. Sa unang tingin ay malalaman mong hindi ito bahay ng isang karaniwang tao. May pag-aatubili siyang tumingin sa matandang inarkila niya upang ihatid sila sa bahay ni Madam Donita.

Sumasagwan siya nang walang imik patungo sa kubo na ngayon ay malapit na.

Muling napailing ang dalaga. Siya ay isang edukado, kaya't hindi siya naniniwala sa mga himala at paranormal na bagay. Mas pipiliin pa niyang paniwalaan ang siyensiya dahil ito'y mas makabuluhan. Ngunit sa pagkakataong ito ay siya mismo ang kusang lumapit kay Madam Donita na kilala sa pangkukulam.

Isa lamang ang kaniyang dahilan upang magtungo rito.

At ito ay upang iligtas ang kaniyang amang si Frances.

Tinignan isa-isa ni Antonette ang mga kasama niya sa bangka- mula sa kaniyang Tiya Pelina at ang kasambahay nitong si Regina, sa kaniyang amang nakataklob ng balabal at hindi maawat ang panginginig, at sa kaniyang kapatid na lalaking nakatingin sa sahig ng lumang bangka.

Isa sa mga pasahero ng bangkang ito ang sumuway sa 'Utos ni Pablo' na siyang dahilan ng mga nangyayari kay Frances.

At ito ay si Camillo.

Tinitigan nang matalas ni Antonette ang kaniyang kapatid, sabay kagat sa kaniyang labi.

Hinding-hindi niya mapapatawad si Camillo sa kaniyang ginawa, ngunit masasabi rin niyang hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili.

Lingid sa kaalaman ng kaniyang pamilya, siya ay may sekreto.

"Hanggang dito nalang ho ako. Hindi nais ni Madam na pumasok sa kaniyang kubo ang isang taong hindi naman parokyano."

Bumalik sa reyalidad si Antonette nang magsalita ang matandang naghatid sa kanila. Kahit pa hindi siya naniniwala sa mga mangkukulam ay bigla siyang nakaramdam ng kaba nang mawaring nakarating na sila sa kanilang destinasyon.

Nais sana niyang magpasama sa bangkero patungo sa loob ng kubo ngunit hindi naman niya gustong galitin ang may-ari ng bahay.

"Anette, sigurado ka ba dito?", nag-aalalang tanong ng kaniyang Tiya Pelina sa dalaga. Maging siya ay hindi naniniwala sa mga bagay-bagay na may kababalaghan. Isa siyang masugid na Kristyano.

"We have to try, Tita", sagot nalang ni Antonette sa ginang. Wala na rin silang ibang matatakbuhan. Maging ang mga doktor sa bayan ng Montelban ay hindi batid kung anong kalagayan ni Frances, kaya't sumunod sila sa rekomendasyon ng kasambahay na si Regina na hingiin ang tulong ni Madam Donita.

Unang bumaba si Antonette sa bangka. Isa-isa niyang inalalayan si Tiya Pelina at Regina pababa. Pagkaraa'y maingat niyang inalalayang bumaba si Frances na nasa loob pa ng bangka. Nakasuot ito ng itim na belo upang matakpan ang kaniyang mukha. Siya rin ay nababalutan ng isang malawak na alampay sa kaniyang balikat at kapansin-pansing sinuotan siya sa paraang hindi mo maaaninag ang balat nito.

Paika-ika kung siya'y lumakad kaya't inalalayan siya si Tiya Pelina at Regina sa pagtayo.

Pagkatapos makababa ni Frances ay tumingin muli si Antonette sa bangka upang kunin ang maletang dala-dala nila. Sa ginawa'y hindi niya sinasadyang magtama ang mga mata nila ni Camillo.

Hindi siya umiwas sa tingin ng kapatid. Bagkus ay tinignan niya ito nang pagkasama. Si Camillo ang may kasalanan ng lahat ng ito.

Tumalikod na lamang si Camillo at inabot ang maletang nakalagay sa likuran ng bangka. Nababasa niya ang mga tingin ng kapatid.

Pagkaraa'y humakbang na siya palabas sa bangka at tinulungan siya ng bangkero upang ibaba ang maleta. Nauna nang umakyat ang kaniyang mga kasama sa hagdanan patungo sa pintuan ng kubo.

Nabigatan ang matanda sa pagbuhat nito. Nagtaka siya kung ano ang laman ng maleta na siguro'y higit pa sa limang kilo ang bigat. Hindi niya namalayan na tinititigan na pala niya ang maleta na ngayon ay hawak na ng kanyang kliyente.

Napangiti na lamang nang marahan si Camillo sabay tapik sa makapal na maleta. Sa ilang taon na niya sa eskuwelahan kung saan nakakasalamuha siya ng iba't ibang tao ay natutunan na niyang basahin ang mga ito base sa kanilang reaksyon. Dahil diyan ay batid niyang nagtataka ang matanda sa kung anong laman ng maleta.

"Ah, ito po ba? Ang laman nito'y sumpa."

Napatango na lamang ang bangkero sa tinuring ng lalaki. Alam niyang hindi na siya dapat pang mag-usyoso.

"Hihintayin ko ho kayo rito, Ginoo."

Binuhat na ni Camillo ang maleta at naglakad patungo sa kubo. Tahimik lang na tinitigan ng bangkero ang kaniyang likod na ngayon ay lumalayo na.

Kinuha niya ang supot ng nganga sa kaniyang bulsa at nagsimulang timplahin ito.

Siya'y tahimik na maghihintay. Ngunit sa kanyang kaloob-looban ay siya'y napaisip.

Anong sumpa kaya ang nagdala sa kanila kay Madam Donita?

La Casa de RomeroWhere stories live. Discover now