WAKAS

27 13 3
                                    

“Papa, naniniwala ka po ba sa magic?” tanong ng anak kong pitong taong gulang na.

Kandong kandong ko siya habang ang Mama niya naman ay nagluluto para sa hapunan namin. Kauuwi ko lang galing trabaho at sinalubong agad ako ng anak kong si Isaiah saka nagpakarga sa akin.

“Anong klaseng magic ba? Lahat ng mga magic na nakikita mo ay may mga daya,” sagot ko sa kaniya.

“Nabasa ko po kasi ʼyung books ni Mama na Ochinaide and Kekka. Totoo po ba ang mahika?” tanong niya pa.

Napatingin ako kay Sol nang banggitin ng anak namin ang tungkol sa mga libro. Tipid na ngumiti lang sa akin ang asawa ko.

“Pwedeng totoo ang mahika, pwede ring hindi. Depende sa ʼyo kung paniniwalaan mo ito,” sagot ko naman.

“Ang galing nga po kasi kamukha mo ang nasa libro, Papa!” Natutuwang sabi niya pa.

Pinisil ko lang ang pisngi niya at hindi na sumagot pa. Ayaw kong sabihin sa anak ko kung anong totoo. Gusto kong mabuhay lang siya ng normal at walang ibang iniisip na kung ano.

“Hayaan mo munang magpahinga ang Papa mo. Pagod pa siya galing sa trabaho, Isaiah. Halika muna rito at tulungan mo na lang ako,” pagtawag naman ni Sol sa anak namin.

Mabilis na bumaba si Isaiah sa akin at tumakbo papunta sa Mama niya. Nakatingin lang ako sa kanila at ramdam ko ang ngiti sa labi ko. Nakakawala ng pagod ang mag-ina ko.

Sa tuwing uuwi ako ay halik at yakap nilang dalawa ang bubungad sa akin. Lahat ng pagod na nararamdaman ko kapag nasa trabaho ay nawawala sa tuwing uuwi ako. Sila talaga ang pahinga ko.

“Ilang taon na ang lumipas. Ilang taon pa ang lilipas at maglalaho na rin ako sa mundong ʼto,” mahinang sabi ko.

Twenty seven years lang ang itatagal ko sa mundong ʼto. Magsisiyam na taon na ang nakakalipas. Maraming taon pa bago ako mawala at gusto kong ibuhos lahat ng panahon na ʼyon para sa pamilya ko lang.

“Magpahinga ka muna, Ryo. Tatawagin na lang kita kapag kakain na tayo,” sabi ni Sol na nakapagpabalik sa huwisyo ko.

“Sige. Salamat, mahal!” Nakangiting tumayo ako at lumapit sa kanilang mag-ina. “I love you...” bulong ko at hinalikan sila sa pisngi.

“I love you!” sabay pa nilang sabi.

Natawa naman kami dahil doon. Muli ko silang hinalikan sa ulo at nagpasya na akong magpahinga muna sa kwarto. Hinahanap ng katawan ko ang malambot na kama.

“Kung nasa loob kaya ako ng libro. Anong mangyayari sa akin?” Napatanong na lang ako sa sarili ko.

Hindi naman nawawala sa isip ko ang pamilyang naiwan ko sa loob ng libro. Anong inisip nila sa pagkawala ko? Hinahanap kaya nila ako? Ilang taon na rin akong wala. Ano na kaya ang buhay nila roʼn?

Nakarinig ako ng malakas na kalabog kaya Napabangon ako. Nakita ko ang dalawang libro na nasa sahig na ngayon. Paanong nalaglag ang mga ito gayong nasa cabinet ito at nakatago?

“Lola?” pagtawag ko. Hindi kaya si lola ang dahilan nito? Akala ko ba ay tapos na ang mahika.

“Buksan mo ang libro,” rinig ko ang boses niya.

Mabilis kong sinunod ang sinabi niya at binuksan ko ang unang libro. Sa unang pahina ay may nakasulat kaya binasa ko agad iyon.

“Ang naiwan ay muling makakasama. Ang ilang taong nawala ay muling makikita?” takang pagbasa ko. “Anong ibig sabihin noʼn?” tanong ko sa kawalan.

Binuksan ko ang pangalawang libro. “Nasa paligid mo lang sila at hinihintay na bumalik ka. Hagkan ang bawat isa at ipadama ang pangungulila sa kanila...”

Hindi ko maintindihan kung anong ibig sabihin ng mga nasa libro. Kagagawan na naman ni Lola ito. Ang hilig niya sa mga ganito, gustung-gusto niyang pinahihirapan ang mga nakakabasa nito.

“Ang pamilya mo ay muli mong makakasama. Nasa paligid mo lang sila at naghihintay na iyong maalala,” rinig ko pang sabi ni Lola.

Nangunot ang noo ko. Pilit kong iniisip ang sinasabi niya. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko ang gusto niyang iparating.

Mabilis akong lumabas ng kwarto at napatigil din nang makita ko ang mag-ina ko na masayang kausap sila Nanay, Jillian at Jollie. Nanggilid ang mga luha ko habang nakatingin sa kanila.

“Kuya...” pagtawag sa akin ni Jollie.

Mabilis akong lumapit sa kanila para yakapin sila. Kaya pala iba ang pakiramdam ko noong makita ko sila. Iba ang pakiramdam ko noong madalas ko na silang makasama. Kaya pala magaan ang loob ko sa kanila. Sila pala ang pamilyang naiwan ko sa loob ng libro.

“Ang tagal ka naming hinanap, anak...” mahinang sabi ni Nanay sa akin.

Tuluyan nang tumulo ang luha ko. “Ang tagal ko ring nangulila.” Mahigpit na yakap ang binigay ko sa kaniya.

“Yehey! Papa is so happy now. Nakita niya na ang totoong family niya!” tuwang-tuwang sabi ni Isaiah.

Kumalas ako kay Nanay at lumapit sa anak ko para buhatin siya. Nakangiti naman sa akin si Sol at bakas din ang luha sa mga mata.

“Buo na ulit kayo, Ryo. Binigay ni Lola ang huling lakas niya para magawa ito,” mahinang sabi ni Sol.

Umawang ang bibig ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin doon. Kausap ko lang si Lola kanina.

“Mahina na rin siya at kailangan niya nang magpahinga. Sa huling pagkakataon ay gusto niya raw na maging masaya ka kaya ibinigay niya ang pamilya mo sa ʼyo,” paliwanag niya.

Niyakap niya ako pagkatapos. Hindi ako nakaimik. Nanlalabo ang mga mata ko habang nakatingin sa book shelf namin na nandito sa sala. Nandoon si Lola at nakangiting nakatayo at nakatingin sa amin.

“Maraming salamat, Lola. Sa pagbuhay sa akin, sa pagkakaroon ng pagkakataong makilala si Sol at sa pagbabalik ng pamilya ko.”

Unti-unting nawala si Lola kasabay ang librong Ochinaide at Kekka. Parang mga abong tinangay ang mga ito. Ito na nga ang sign na tapos na ang mahika.

“Kung bibigyan pa ako ng panibagong buhay kapag dumating na ang nakatakdang oras ko. Ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko, Solemn. Ikaw lang at walang iba. Mahal na mahal kita.”

Isang mahigpit na yakap ang binigay niya sa amin ni Isaiah. Ang pinakamagandang regalo na natanggap ko na galing kay Solemn. Ang anak namin.

                                -WAKAS-

MAHIKA (BOOK 3)Where stories live. Discover now