08

18 13 0
                                    

“Nakagawa na ng panibagong libro kaya naalis na ang mahikang nakabalot sa dalawa pang libro. At alam mo na ang ibig sabihin nito,” muling sabi ni Lola.

“Hindi na ako makakabalik pa sa pamilya ko...” mahinang usal ko. Nanatiling nakahawak ako sa dibdib ko.

“Mananatili ka na sa mundong ʼto at hihintayin na magawa ni Solemn ang dapat niyang gawin para tuluyan ka nang maging tao,” muling sabi pa ni Lola.

Wala na akong narinig pang muli nang matapos niyang sabihin iyon. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko bago ako pumasok sa loob kung saan naghihintay na si Sol sa akin.

“Gumawa ka ng kwento tungkol saan?” tanong ko na sa kaniya.

Sinabi niya sa akin ang tungkol sa sinusulat niya. Ibig palang sabihin ay talagang nakagawa na ng panibagong libro kung saan nakasulat kung paano ako nabuhay sa loob ng libro maging sa paglabas ko.

Pinaliwanag ko kay Sol kung bakit hindi na ako makakabalik pa sa libro. Sinabi ko sa kaniya ang mga alam ko at ang ibang sinabi na rin ni Lola sa akin tungkol sa libro. Akala ni Sol ay ganap na tao na ako matapos mawala ang mahika ng libro pero hindi pa. Kailangan niya pang banggitin ang mga katagang dapat sabihin.

“Paano kung hindi ko magawa iyon? Anong mangyayari sa ʼyo?” mahinang tanong niya sa akin.

“Mamamatay ako kaagad,” sagot ko. “Ngayong natanggal na ang mahika sa mga libro, limitadong panahon na lang ang natitira sa akin. Hangga’t hindi mo nasasabi ang dapat sabihin sa takdang oras, unti-unting hihina ang katawan ko at kapag dumating ang oras na babawian na ako ng buhay, unti-unting maglalaho ang katawan ko,” dagdag ko pa.

“Hanggang kailan ba dapat alamin kung anong dapat kong gawin bago ka umabot sa ganiyan?”

“Bago sumapit ang 28th birthday mo. Sa oras na umabot tayo sa birthday mo at hindi mo pa rin nasasabi ang nasa libro, mawawala ako sa mundong ’to.”

“Matagal pa pala...” mahinang sabi niya pa.

Napabaling ako sa kaniya. Hindi siya nakatingin sa akin pero kita ko ang mga mata niyang punung-puno ng mga emosyon na nararamdaman niya ngayon.

“Pero sa loob ng isang taon na ’yan posible pa rin akong manghina, Sol. May mga panahong makakaramdam ako ng kakaiba sa katawan ko, kaya sana hangga’t maaga malaman mo na ang dapat dahil ayaw ko ring mawala agad sa tabi mo,” mahinang sabi ko rin.

Ang tagal kong naghintay sa kaniya. Ang tagal kong nagtiis sa loob ng libro at ako lang mag-isa. Ayaw kong mawala na lang lahat ng paghihirap ko nang ganoʼn-ganoʼn na lang.

“Magkakasama tayo ng matagal at hindi ka mawawala sa akin, Ryo. Gagawin natin lahat para maging maayos ka.”

Ang mga katagang iyon ang panghahawakan ko. Makakasama ko siya ng matagal at magiging maayos lahat.

Naging maayos ang bawat araw na lumilipas sa amin ni Sol. Masaya kaming dalawa at parang normal na magkarelasyon lang kami. Naging close ko na rin ang bestfriend niya na mukhang naniniwala na ring lumabas nga ako sa libro.

“Sana maging totoong tao ka na...” rinig kong sabi ni Sol.

Nagulat ako sa narinig ko at nakaramdam ako ng kaunting sakit na naman sa dibdib ko. Nakita ko ang pag-ilaw ng parteng iyon.

“2:22pm na, Sol! Sumakto ang sinabi mo!” sabi ni Nihannah.

Nakatingin lang sila sa akin na para bang inaalam kung anong mangyayari. Hindi pa ako ganap na tao. Ang sabi ni Lola ay iilaw ang buong katawan ko sa oras na tumama ang sinabi ni Sol sa oras na inuulit.

“So you know how to do it...” sabi ko kay Sol. Nalaman niya na kung paano gawin ang bagay na konektado sa oras na inuulit. Oras at numerong inuulit gaya ng sabi ni Lola.

“Pero hindi umilaw ang buong katawan ko kaya hindi pa iyon ang nakatakdang oras para sa pagbigkas ng mga salita,” dagdag ko.

Kinabukasan ay hinatid ko na ulit si Sol sa trabaho niya. Nang matapos noʼn ay may biglaan namang nangyari. Nasa bahay lang ako at namimilipit sa sakit sa hindi malamang dahilan.

“Lola! Napakasakit!” daing ko sa kawalan.

Wala akong naririnig ka tugon mula sa kaniya. Ilang beses ko na siyang tinatawag pero wala talaga. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko.

“Ahhh!” malakas na daing ko matapos na magsuka na naman.

Ilang beses na akong nagsusuka mula kaninang makauwi ako. Hinang-hina na rin ako dahil pabalik-balik talaga ako sa cr para sumuka. Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami kong sinusuka gayong wala naman akong masyadong kinain.

“Bakit ganito?” tanong ko sa kawalan.

Kung isa rin ʼto sa dahilan nang hindi agad pagbabanggit ni Sol ng mga katagang dapat niyang banggitin, mas gugustuhin ko na lang yatang mamatay na agad. Napakahirap!

Inabot na ako ng gabi sa cr. Hindi ko na magawang tumayo dahil sa panghihina ko. Nakasandal ako ngayon at hinihintay na maging maayos ang katawan ko.

“Pakiramdam ko ay ilang oras na lang ang itatagal ko,” muling sabi ko sa sarili ko.

Ang dami kong nailabas mula kaninang umaga. Ngayon ay malalim na ang gabi at hindi pa rin ako maayos. Hindi ko magawang tawagan si Sol o i-text man lang dahil hindi ko na kayang kumilos pa.

Ipinikit ko ang mga mata ko. Ilang minuto lang ang nakalipas ay may naramdaman na naman akong kakaiba sa katawan ko. Nang idilat ko ang mga mata ko ay nakita kong umiilaw ang mga braso ko.

“Anong nangyayari? Mamamatay na ba ako?” kinakabahang tanong ko.

Umilaw ang buong katawan ko pero wala akong ibang naramdaman na sakit. Saglit na pag-ilaw lang iyon at muli na akong umayos. Nawala ang hirap na nararamdaman ko mula kaninang umaga.

“Isa ka nang ganap na tao,” rinig kong sabi ni Lola.

Napatitig ako sa mga kamay ko. Iba na nga ang nararamdaman ko sa dibdib ko. Normal na tibok na ng puso ang nandoon at maging ang katawan ko ay normal na rin, mainit na rin na parang kila Sol. Tao na nga ako.

Nagawa ni Sol. Nagawa niyang banggitin sa tamang oras!

To be continued. . .

MAHIKA (BOOK 3)Where stories live. Discover now