Chapter 17

51 6 0
                                    


Mabilis na nagdaan ang mga oras, araw, buwan, hanggang sa naging taon.

Mag-a-alas dose nang tanghali. Tirik na tirik ang araw, ramdam ko ang pagtulo ng pawis mula sa 'king noo kaya pinahid ko ito gamit ang likod ng palad ko. First day of class ko bilang isang grade 11 GAS student. Wala pa 'kong uniporme kaya naka-white shirt lang ako, itim na pantalon at rubber shoes, sukbit-sukbit ko ang asul na sling bag.

"Putek ang init..." daing ko. Tinaas ko pa ang isang palad para lang hindi ako masilaw ng sikat ng araw.

Mag-isang naglalakad ako rito sa wide open area, marami rin naman akong kasabay na studyante papuntang Senior High School building. Ni-text ako kanina ni Asher na nauna na raw siya sa room namin, napapakagat labi na lang ako sa inis kasi hindi man lang ako nito hinintay sa waiting shed sa labas ng MNHS para sana sabay na kami. Hindi ko pa kaya alam kung nasaan ang room namin!

Tama. Ganap na kaming Senior High School students. Kaso nga lang, hindi na ako gano'n kasaya tuwing papasok sa eskuwela 'di tulad nang dati. Hindi na namin kaklase si Herza kasi STEM ang kinuha niyang strand, si Asher naman hindi ko alam kung ano'ng nahithit at sinundan ba naman ako sa GAS.

Nang marating ko ang destinasyon, bumagal ang paghakbang ko pagpasok ko ng hallway sa first building, luminga-linga ako sa bawat pintong nadaraanan, umaasang mababasa ko ang strand and section kung saan ako nabibilang.

GAS 11 - APOLLO.

Nang mabasa ko ang hinahanap sa isang pintong kulay dark green na nasa kabilang dulo nitong building. Napangiti ako at tahimik na tinahak ang daan papunta roon. Ramdam ko ang ilang mga matang nakatingin sa 'kin, ngunit wala akong pakialam.

Nang marating ko ang tapat ng magiging classroom ko buong school year, agad kong nasilip sa bintana ang isang kulot at morenong lalaki na abot tainga ang ngiti sa 'kin. Nakaupo siya malapit sa bintana sa hulihan kaya agad kong nakita ang kaibigan.

"Heart, dito ka," sabi niya pagkapasok ko at tinuro sa 'kin ang bakanteng upuan sa tabi niya.

Inismiran ko lang ang kaibigan at nilagay ang bag ko sa upuang tinuro niya. "Putek ka. Ba't 'di mo 'ko hinintay? Pasalamat ka madali lang mahanap 'tong room natin," inis na sabi ko bago umupo.

Mapang-asar na tinawanan niya lang ako. "Gogu. Eh, 'di salamat," kantyaw pa niya. "Akala ko pa naman matatagalan kang hanapin 'tong room. Nabilad ka sana nang matagal. Sayang."

Gusto ko sana siyang batukan sa inis ko pero nagsimula akong magbilang para kalmahin ang sarili.

Isa... dalawa... tatlo...

Salubong pa rin ang mga kilay ko at lukot ang mukhang nakatingin sa kaniya.

apat... lima... anim... pito...

"Gogu. Ba't nakatitig ka sa 'kin? May ano ba sa mukha ko? Ang guwapo, ano?"

"Mukhang unggoy kamo," sagot ko.

Inabot niya sa 'kin ang dilaw niyang panyo. "Ikaw nga dugyot. Magpunas ka nga."

Nang mawala ang inis ko ay napangiti ako pabalik sa kaniya at natatawang inabot ang panyo bago magpunas ng pawisang mukha.

Umaliwalas ang mukha niya. "Naks. Nawala agad inis mo? 'Di ka naasar sa sinabi ko?" Umasta siyang namamangha. "Gogu. Nagbago ka na talaga, hindi na ikaw ang Heart na nakilala ko."

Ngumisi ako, proud na proud sa sarili. "Tsk. Para 'yon lang."

Nang dumating na ang teacher namin sa General Mathematics na adviser din pala namin, naputol ang pag-uusap namin.




Heart Reaching YouWhere stories live. Discover now