Finding Treasure... Finding Love - Part 8

Magsimula sa umpisa
                                    

"Bernadette po."

"Walang masyadong tao ngayon dito sa resort?"

"Magpa-Pasko po kasi. Bihira po ang turista na inaabot ng Pasko rito."

"Baka magsolo pa pala ako rito, 'pag nagkataon," aniya.

"May mga staff naman po. Eh, Ma'am, kung desidido nga po pala kayo na pumunta sa San Luis, isa-suggest ko na lang ho na pagdating ninyo sa Magno, subukan ninyong umarkila ng tricycle. Kahit ho medyo mapapamahal kayo ng bayad, at least, sigurado naman ho kayo na may masasakyan kayo pauwi."

"Akala ko ba, mayroong biyahe sa tanghali?"

"'Sabi ho kasi ng kasamahan ko rito, depende rin daw ho iyon. Kapag daw ho umaga pa lang ay madalang na ang pasahero, tinatamad na ang driver na magtungo roon."

Sa kabila ng sinabi nito ay hindi nabawasan ang kagustuhan niyang makapunta roon. "Ganoon ba? Sige, salamat."

Ngumiti ito. "Enjoy your meal, Ma'am."


*****


"MARAMING mga Samaniego sa San Luis. Halos magkakamag-anak ang mga tao roon," sabi ng babaeng kasabay ni Elisa sa jeep. Papunta sa San Luis ang jeep na sinasakyan niya. Nagpasya siyang huwag nang umarkila ng tricycle dahil madalas naman daw ang biyahe sa lugar na iyon. Isa pa, makakatipid siya nang malaki kung jeep ang sasakyan niya. "Sino ba ang pakay mo roon?"

"Dati ko hong kaklase noong college," pagsisinungaling niya. "Nagbabakasyon ho kasi ako sa Claveria. Naisip kong malapit lang naman itong lugar niya kaya magbabaka-sakali na akong puntahan siya para kumustahin."

"Hindi malapit ang San Luis. Mahigit kalahating oras ang biyahe," sabi nito. "Sana ay huwag masayang ang pagod mo."

Ngumiti siya. "Sana nga ho."

Ibinaling ni Elisa sa labas ang tingin. Rough road ang malapad na kalsadang dinaraanan nila. Umaalon ang alikabok sa bawat bahagi ng lupa na daanan ng gulong. Wala pa silang sampung minutong nagbibiyahe. Parang sigurado na siya na pagbaba niya ng jeep ay para nang walis-tingting sa tigas ang kanyang buhok.

Madalang ang mga bahay na nadaraanan nila. Minsan ay halos isang kilometro ang sabana, minsan ay tatlong tumpok lang ng payak na bahay ang nakikita niya at ilang na uli. Nang pumara ang babaeng kausap kanina, napansin ni Elisa na parang sentro ng pamayanan ang hinintuan nila. Maraming mga bahay sa paligid, mayroong tindahang parang grocery sa laki, at talipapa. Halos maubos din ang sakay ng jeepney sa dami ng bumaba. Nang umandar uli ang jeepney, siya na lang ang pasahero sa likuran.

Ilang sandali lang at ang pasaherong nasa tabi ng driver ay bumaba na rin.

"Saan ka, Miss?" tanong ng driver sa kanya.

"Sa San Luis ho. Malayo pa ho ba iyon dito?"

"Tatlong baryo pa," parang masama ang loob na sagot ng driver. "Lugi na ako sa krudo," pabulong pang dagdag nito pero palagay niya ay nais ding iparinig iyon sa kanya.

"Magdadagdag na lang ho ako ng bayad," maagap na sabi niya para lang makarating sa pupuntahan.

"Saan ka ba pupunta roon?" tanong uli ng driver na nagliwanag ang mukha nang abutan niya ng singkuwenta pesos.

"Ano ho, sa mga Samaniego."

"Pulos mga Samaniego ang nakatira doon."

"Hindi naman ho siguro ako mahihirapang maghanap kung ganoon," positibong sagot niya.

"Kunsabagay, mga magkakamag-anak naman ang mga iyon. May tutuluyan ka ba roon? Bubuwelta na agad ako pagbaba mo. Ilang oras ka pang maghihintay bago ka makapara ng masasakyan pabalik sa Magno."

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon