Finding Treasure... Finding Love - Part 3

Start from the beginning
                                    

"Partner-partner kayo!" sigaw ni Bebeth.

"Teka muna. Hindi naman mag-asawa sina Elsie at Miguel, ah?" sabi ni Bianca.

"Baka magselos ang misis ni Miguel!" sigaw ni Rusty.

"Nagseselos ba si Mrs. Ybañez?" tanong ni Alejo kay Precy na agad namang umiling.

"Game naman pala, eh," sabi ni Alejo. "Well, high school love team ang nandito, guys. Obvious naman kina Joanna Marie at Lemuel, 'di ba? Sina Joel at Amor, forever na aso't pusa kaya dapat lang silang nandito. At kami ni Ting, well..." Buong pagmamahal na tinitigan nito ang asawa. "Sabihin na nating gusto lang naming makisali."

"What about Elsie and Miguel?" tanong ni Kiko.

"Ako ang sasagot!" pagbo-volunteer ni Bianca. Lumapit ito kay Alejo at hiningi ang mikropono. "Hindi n'yo ba alam, na si Elsie ang first dance ni Miguel? Noong prom night natin noong fourth year tayo, ako pa mismo ang nagyaya kay Miguel na isayaw ako pero tinanggihan ba naman ako?" Kunwari ay na-offend ang ekspresyon nito. "Iyon pala, si Elisa ang hinihintay niyang mabakante. At kung napansin n'yo lang noon, daig pa ni Miguel ang hitsura ng estudyanteng pumasa sa Physics nang pumayag si Elsie na makipagsayaw sa kanya."

Umugong ang tuksuhan sa paligid.

"I wonder why..." sabi pa ni Bianca. "They look so perfect together. Ang sweet pa nga nila. Akala ko, ligawan na ang kasunod." Nagkibit-balikat ito kapagkuwan. "Kunsabagay, marami talagang nangyayari sa buhay ng tao. Anyway, Miguel is married now. Congrats, Miguel. And also to you, Precy." Bumaling ito sa kanya. "And to you, Elsie, mag-asawa ka na. Huwag ka nang gumaya sa akin na single pa rin."

Nagpalakpakan ang audience, kahit ang karamihan ay nanunukso pa rin.

Nailang si Elisa. Kahit nakangiti siya ay hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Tiningnan niya ang asawa ni Miguel. Nakangiti rin ito pero nang magtama ang mga tingin nila, pakiramdam niya ay parang nanlisik ang mga mata nito sa kanya.

"Okay, ito ang game mechanics," sabi uli ni Alejo.

Simple lang ang laro. Isang oversized na sako ang isusuot ng bawat partners at tatalon papunta sa lugar kung saan mayroong kahon ng mga damit. Kukuha ng damit mula roon at bibihisan ang kapareha nang hindi umaalis sa loob ng sako, pagkatapos ay saka babalik sa starting line.

"May premyo ito kaya galingan ng bawat pareha, okay?" sabi ni Alejo.

"Five thousand pesos worth of items sa Avenilla supermarket," anunsiyo ni Amor. "Hati ang partners sa premyo."

Nang simulan ang laro, dalawang pareha lang ang nagtatakbo patungo sa naghihintay na kahon. Hindi sina Ting at Alejo at ganoon din sina Amor at Joel.

Mabilis nilang isinuot ni Miguel ang sako at tinungo ang kahon. Hinalungkat nila ang laman niyon at hinanap ang damit na puwedeng magkasya sa bawat isa. Panay naman ang cheer ng mga nanonood.

Nadala si Elisa sa laro. Nakalimutan niya ang mga pag-aalinlangan at nangibabaw ang likas na katuwaan sa larong iyon. Game din naman si Miguel. Nakangisi pa ito habang sinusuotan siya ng blouse. Natural na magkabungguan sila ng parte ng katawan, lalo at parang eksakto lang sa kanila ang sako.

Nang makapagbihis, patalong bumalik sila sa kanilang linya.

"Winner by default, Elsie and Miguel!" deklara ni Alejo.

"Winner by default?" nakakunot-noong tanong niya kay Miguel.

Saka lang nila nalaman na nag-back out din pala sina Joanna Marie at Lemuel sa last minute ng laro. Tulad nina Amor at Fatima Mae, buntis na rin pala si Joanna Marie.

In-award sa kanila ni Miguel ang premyo. Binigyan sila ni Joel ng tig-two thousand five hundred na gift certificate sa supermarket na pag-aari ng pamilya nito. Tuwang-tuwa naman siyang bumalik sa mesa nila ni Bebeth.

"Two-five din iyan," sabi nito sa kanya.

"Oo naman."

"Pasalamat ka, wala kang kalaban," ani Kiko. "Suwerte mo, pulos buntis ang kalaban mo."

"Teka, Elsie, totoo ba iyong sinabi ni Bianca? Iyong prom night chuva?" tanong ni Bebeth.

Natawa siya. "Yes."

Namilog ang mga mata nito. "After that, wala na? Hindi ka niligawan ni Miguel?"

"No."

Pumalatak si Kiko. "Huwag n'yo nang pag-usapan iyan. Mamaya, magselos pa ang asawa ni Miguel."

"Mukha namang okay lang sa kanya, eh," katwiran ni Bebeth.

"Kahit na. Kung mapikon? Si Elsie ang kawawa. Siya ang magmumukhang tanga."

Sa sinabing iyon ni Kiko ay bumalik ang pagkaasiwang nararamdaman ni Elisa.

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveWhere stories live. Discover now