"Baka naman namasyal-masyal lang or naglakad-lakad lang iyon diyan sa campus," sabi ng Daddy niya. Hindi na siya kumibo.

"Sige po Daddy, babalik na ako sa classroom. Baka naroon na rin siya," sabi na lang niya dito.

"Okay anak," sagot naman ng kaniyang ama. Tumalikod na siya dito at lumabas sa opisina nito.

Habang naglalakad siya ay patingin-tingin ang mga mata niya sa lahat ng nadadaaanan niya. Baka tama kasi ang Daddy niya, baka naglibot-libot lang si Rocky sa buong school. Malikot naman kasi talaga ang katawan ng isang iyon.

Habang naglalakad siya ay napatingin siya sa tree house malapit sa gym ng school nila. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang matanaw na may bulto ng tao roon ang nakaupo habang nagpapakawala ng usok.
Agad niyang nakilala kung sino ito.

"Rocky?" nanlalaki ang mga matang sambit niya.

Ano naman ang ginagawa nito sa tree house? Doon pa talaga ito nagyoyosi habang ang mga mata ay seryosong nakatingin sa kawalan. Hindi pa siya nito napapansin dahil iba ang direksyon na tinitingnan nito.

Napatingin siya sa paligid. Mukhang hindi man lang ito napapansin ng ibang mga dumadaan. Kunsabagay ay hindi talaga ito mapapansin dahil nasa itaas ito.

Tinawag niya ito sa pamamagitan ng pagpa-swit.

"Psst!"

Kunot noo itong lumingon sa kaniya sa ibaba. Nagulat pa ito pagkakita sa kaniya.

Sinenyasan niya ito na bumaba. Hindi naman ito nagdalawang isip na sumunod sa kaniya. Walang imik na bumaba ito mula sa tree house.

"May iuutos ka?" tanong nito sa kaniya nang makababa na ito doon. Pati ang tinig nito ay seryoso.

"Bakit nandoon ka sa itaas? Doon ka pa talaga nagyoyosi? Kapre ka ba?" tanong niya dito.

"Tahimik dun eh," tipid lang na sagot nito sa kaniya.

"Kanina pa kita hinahanap," sabi niya dito. Umangat naman ang isang kilay nito.

"Hinahanap mo ako?" tila hindi makapaniwalang tanong nito sa kaniya.

"Oo kasi kanina ka pa nawawala. Ang akala ko ay hinatid mo lang ang gamit ni Daddy kanina pero hindi ka naman na bumalik sa classroom," aniya dito.

"Gusto ko lang dun sa taas kasi tahimik dun," sagot nito sa kaniya.

"Eh bakit hindi ka man lang nagsabi sakin para alam ko kung nasaan ka at hindi ako naninibago," sabi niya dito.

"Bakit ka naman naninibago?" tanong nito sa kaniya.

"W-wala lang. Ang tahimik mo kasi eh, saka parang ayaw mo akong kausapin. May problema ba?" diretsang tanong niya dito. Bigla itong umiwas ng tingin at pumamulsa.

"Ahm wala naman," tipid nitong sagot.

"Wala akong kasabay na mag-miryenda. Tara libre kita," sabi niya dito.

"Bakit yung crush mo hindi ka ba niya niyaya?" tanong nito sa kaniya. May pait sa tono ng tinig nito pero binalewala lang niya at hindi binigyan ng anomang ibang ibig sabihin.

"Si Zyron ba ang tinutukoy mo? Hindi pa kami nagkikita," sabi niya dito.

Tumango lang ito sa kaniya at kapagkuwan ay ngumiti, pero may kakaiba sa ngiting iyon na hindi naman niya maipaliwanag kung ano.

"Di ba gusto mo yun? Mukhang parehas naman kayo ng nararamdaman na dalawa. Sa tingin ko ay malapit ka ng magkaroon ng boyfriend," sabi nito sa kaniya. Nagulat siya sa sinabi nito.

Boyfriend? Parang malabo naman na mangyari iyon. Ayaw niyang bigyan ng ibang kahulugan kung ano man ang mayroon sa kanilang dalawa ni Zyron ngayon.

"Sana lang wag ka niyang saktan," dagdag pa nito. Bakit ba parang ang lungkot lungkot pati ng tinig nito?

"Ang drama mo naman ngayon Rocky. Hindi yata ako sanay na ganiyan ka. Isa pa ay ayokong bigyan ng kahulugan yung mga nangyayari samin ni Zyron. Mukhang wala lang naman iyon," sabi niya dito. Hindi kumibo si Rocky. Hinawakan niya ang kamay nito at hinila ito.

"Tara na sa canteen kasi gutom na ako," sabi niya dito. Hindi naman ito tumutol sa kaniya. Nakarating sila sa canteen at kahit papaano ay umaliwas na ulit ang mukha ni Rocky hindi katulad na parang may namumuong sama ng panahon doon.

"Lilibre mo talaga ako?" tanong nito sa kaniya. Tumango siya dito.

"Oo nga kaya pumili ka na ng gusto mong kainin," sabi niya dito.

Ngumiti ito sa kaniya kaya napangiti na din siya. Mukhang okay na silang dalawa ngayon. Mamaya ay may gym pa sila at ngayon lang iyon matutuloy. Umorder muna sila ng pagkain saka sila nag-usap tungkol doon sa pag-gi-gym nila mamaya.

"Rocky tuloy tayo mamaya sa gym ah?" sabi niya dito.

"Oo naman. Ikaw lang naman ang hinihintay ko. May lakad ka nga kasi kahapon diba kaya hindi tayo natuloy?" sabi nito sa kaniya.

"Sorry ha? Pero mamaya ay talagang sure na iyon. Excited ako na kinakabahan," sabi niya dito. Ngayon lang kasi siya makakaranas na mag-gym. .

"Bakit ka naman kakabahan? Kasama mo ako kaya wag kang kabahan," sagot naman nito sa kaniya. Pakiramdam niya tuloy ay secure na secure siya kapag si Rocky ang kasama niya.

"Basta wag mo akong pabayaan dun ha? Alam mo naman na first time ko," sabi niya dito.

"Oo ako ang bahala sayo. Pwede ba naman kitang pabayaan eh di lagot ako sa Daddy mo. Nangako ako sa kaniya na poprotektahan ka sa kahit na anong bagay," sabi nito sa kaniya. May kakaibang hatid sa kaniya ang sinabi nito. Parang kinilig siya doon pero iniwasan niyang bigyan iyon ng ibang kahulugan. Alam naman niya na trabaho talaga nito ang protektahan siya at iyon lang ang ibig nitong sabihin. Napatitig siya sa mukha nito. Nakatingin din ito sa kaniya kaya siya ang unang nagbaba ng tingin dahil hindi niya kayang labanan ang titig nito sa kaniya. Para siyang malulusaw. Mabuti na lang at dumating na ang pagkain nilang dalawa kaya nawala na sa mukha niya ang atensyon nito.

———

Ready na si Penny nang katukin siya nito sa kabilang bahay na tinutuluyan niya. Kauuwi lang nila galing sa eskwelahan at nagpalit lang silang dalawa ng susuotin dahil nga mag-gi-gym sila ngayon.

"I'm ready!" nakangiting sabi nito sa kaniya. Nakasuot ito ng cycling at rubbershoes saka sando. Sinipat niya ito ng tingin.

"Hindi ako komportable sa suot ko Rocky. Wag ka naman ganiyan tumingin. Magpalit na lang kaya ako?" naiilang na tanong nito sa kaniya.

"No, okay naman yang suot mo eh. Be confident, wala ka naman dapat na ikahiya. Kukuhanin ko lang ang gamit ko then aalis na tayo," sabi niya dito at tumalikod muna saglit upang kuhanin ang gamit niya. Pagkabalik niya ay niyaya na niya si Penny na magpunta sa 21 fitness gym. Doon din siya sa gym na iyon nagpupunta. Kilala na siya ng ilang mga suki doon.

Pagkarating nila doon ay halos lahat nakatingin sa kanila. Lalo na kay Penny. Hiyang-hiya naman si Penny sa gilid niya pero hinawakan niya ang kamay nito.

"Rocky, wag na kaya tayong tumuloy? Nakakahiya, lahat sila nakatingin sakin," naiilang na bulong nito sa kaniya. Nanlalamig din ang kamay nito na hawak niya. Halatang kinakabahan ito.

"No Penny. Wag mo silang isipin, ano ka ba? Hayaan mo lang sila," sabi niya dito. Bumuntong-hininga ito saka tumango.

"Okay," sagot nito sa kaniya.

Nag-umpisa na sila at tinulungan niya si Penny sa mga unang dapat nitong gawin. Maalam siya sa ganito kaya siya na lang din ang nag-guide kay Penny. Alam niyang sa unang araw ay mapapagod ito at medyo mahihirapan pero ganoon naman talaga. Makakasanayan din nito iyon sa tagal. Habang lumalakad ang oras sa ginagawa nila ay hindi na rin alintana ni Penny ang mga ibang tao sa gym. Mabuti naman at nawala na ang hiya nito, nakatuon na lang ito sa ginagawa nito ngayon. Napangiti siya. Mas mapapadali itong makapag-concentrate kapag ganoon. Bawat galaw nito ay inaalalayan niya. Oo mataba si Penny pero hindi ito pangit. Nakikita niya ang kagandahan nito, paano na lang kaya kapag pumayat na ito? Baka magulat ang lahat ng mga nanunukso dito kapag nangyari iyon. Tutulungan niya ito na maibalik ang confidence nito sa sarili.

I'm Inlove With My Bodyguard (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon