“Sige. Hindi kita pipilitin kung ayaw mo.”

Nilampasan ko na sila at naglakad. Kawawa naman ‘yung kapatid niya. Nagugutom na nga at lahat ayaw niya pa umutang sa akin. Hindi ko naman sila sisingilin kaagad.

“Isha!”

Nakakailang hakbang pa lang ako nang marinig ang malakas na tawag ni Minerva. Nang lingunin ko siya ay halos nasa likod ko na siya at ikinawit pa ang kamay sa braso ko.

“Biro lang. Ito naman hindi mabiro!” aniya. “Dagdagan mo na rin ng corned beef at sardinas, ha.”

***

Ako muna ang pinagbantay ni auntie ng tindahan buong umaga. Kaarawan niya kaya naman abala siya sa pagluluto. Pansit at dalawang putahe lang ng ulam ang iluluto niya.

“Mag-iimbita ka po ba, auntie?” tanong ko sa kaniya habang hinahalo ang pansit sa malaking bowl.

“Hindi na. Mamimigay na lang tayo sa bawat bahay. Ikaw ang magdadala doon.”

Kaagad kong naisip si Nero. Nasa bahay kaya siya nang ganitong oras? Ang alam ko ay nasa palayan siya kapag bandang pahapon. Pero kahit nasaan pa siya, dadalhan ko siya ng meryenda.

Ako na rin ang magsusubo sa kaniya kung gusto niya.

“Ito ay ibigay mo kina Nanay Martha,” sabi ni auntie nang iabot sa akin ang isang malaking plato. “Pagbalik mo ay kay Manang Conchita naman ang ibibigay mo.”

Kinuha ko kaagad ang plato l, nasasabik pa.

“Sige, auntie. Mamaya na po ‘yan kila Aling Conchita.” sabi ko at tumalikod na.

“Aba teka nga at bakit parang nasasabik ka pa na dalhin iyan doon kina Aling Martha? Mukhang totoo ang balita.”

Hinarap ko si auntie nang sabihin niya ‘yon.

“Ano pong balita, auntie?”

“Na nagkakamabutihan na daw kayo ni Nero. Mukhang nahuhulog na ang al—pamangkin ko, ah.”

Tinitigan ko si auntie nang mariin bago ngumiti.

“Hindi, auntie. Alis na po ako at medyo mabigat ang plato.”

Tumango siya. Tumalikod na ako at tinunton ang daan papunta kina Nero. Sa gate pa lang ay nakita ko na si Ate Choleng habang bitbit ang isang bayong. Papasok na siya sa loob nang tawagin ko siya.

“Ate!”

Lumingon siya at ngumiti nang makita ako. “Oh, Isha. Ikaw pala?”

Naglakad siya palapit sa gate. Binuksan niya ito nang makitang nakalapit na ako.

“Birthday po ni auntie. Pinabibigay niya po.”

Iniabot ko sa kaniya ang plato. Tila kuminang ang mga mata niya habang nakatitig sa mga pagkain.

“Uy, happy birthday kay Auntie Shirley!” aniya nang tingnan ako.

“Makakarating po,” sagot ko. “Uh, ate nariyan po si Nero?”

“Naku, wala! Nasa bukid. Bakit?” gumuhit ang ngisi sa labi niya at tila nang aasar. ”Mukhang may something kayo, ha?”

“Wala po!” Nag init ang aking pisngi.

“Asus! Pero naroon nga siya sa bukid kasama ang ilang magsasaka.”

Tumango ako. “Salamat po, ate.”

“Walang anuman, Isha!”

Mabilis akong tumakbo pauwi. Naabutan ko pa si auntie na kumukuha ng bagong bowl sa kusina.

“Auntie, magdadala po ako sa bukid para sa mga magsasaka. Para po may meryenda sila doon.”

Napatingin sa akin si auntie. Natigilan siya ng ilang sandali bago tumango.

“Sige. Marami naman akong iniluto. Pero kumain ka muna kaya? Hindi ka pa nagmemeryenda.”

“Mamaya na po...” Sasabay na lang ako kay Nero.

Ewan ko sa’yo, Isha.

Inilagay ni auntie ang mga pagkain sa bayong. May kabigatan ito pero ayos lang. Sasakay naman ako ng tricycle dahil hindi kakayanin kung lalakarin ko.

Wala pang ilang limang minuto ay nakarating na ako sa bukid. Hindi na masakit ang tama ng panghapong init sa aking balat kaya naman kahit nasa kalagitnaan pa ang kubo ay ayos lang na lakarin.

Pagkarating ay sumilip ako sa kubo. Inaasahan ko nang marami akong makikitang magsasaka kabilang si Nero pero wala sila doon. Tanging si Jeff lang ang naroon. Nakatayo ito, nakatalikod habang nagpupunas ng pawis.

Nasaan si Nero?

“Uh, magandang hapon.” basag ko sa katahimikan.

Mabilis na lumingon si Jeff sa gawi ko at napaayos ng tayo.

“Isha? Ikaw pala!” ngumiti siya.

Pilot kong iniwasan ang mapatingin sa hubad niyang dibdib.

“Pasensya na sa abala. Nagdala ako ng meryenda dahil birthday ni auntie.”

“Gano’n ba? Salamat. Tulungan na kita.”

Lumapit siya sa akin at inabot ang ilang tupperware. Sumunod ako sa kaniya hanggang sa loob.

“Narito raw ang ilang magsasaka?” hindi na napigilan na tanong ko.

“Oo, nandoon sila at tinitingnan ang mga palay.”

Nabuhayan ako ng loob. Gusto ko sana itanong sa kaniya kung naroon ba si Nero pero hihintayin ko na lang siguro.

“Mukhang masarap itong caldereta, ah? Kumain ka na ba, Isha?” Nilingon ako ni Jeff.

Ngumiti ako. “Sige. Kumain ka na.”

“Mukhang hindi ka pa nakain. Tara, saluhan mo ako.”

Hindi ako sumagot. Nagsandok siya ng mga pagkain. Ngumuso ako. Hindi niya ba hihintayin muna ang mga kasamahan niya?

“Heto o...”

Humarap sa akin si Jeff at ibinigay ang isang plato. Ayaw ko sana tanggapin pero nakakahiya naman.

“Mabuti na lang at naagapan ang mga peste — O, Isha?”

Hawak ang plato, mabilis akong napalingon sa pintuan nang marinig ang boses na ‘yon. Papasok na sina Mang Kulas at ang ilang magsasaka sa kubo. Huling pumasok si Nero. Napalunok ako nang makitang sa akin kaagad nakatuon ang matatalim at madilim niyang mga mata.

Mula sa akin, gumapang ang mga mata niya sa likod ko. Mas lalo iyong nagdilim bago muling tumingin sa akin.

“Aba’t maraming pagkain. Dala mo ba ang mga ito, Isha?” Si Mang Kulas.

“O-Opo, Mang Kulas. Birthday po ni auntie. Meryenda n’yo po.” sagot ko nang hindi inaalis ang mga mata kay Nero.

“Aba, salamat naman kamo. Nakalibre ng meryenda.”

Naglakad palapit sa gawi ko si Nero. Ramdam na ramdam ko ang malakas na pintig ng puso ko na tila ba nagwawala dahil sa malamig na titig na ipinupukol niya sa akin.

Huminto siya sa harapan ko, salubong ang makakapal na kilay at tila ba nagtataka kung ba’t ako naroon. Bahagya ko na siyang tinitingala dahil sa tangkad niya.

Ngumiti ako sabay iniangat ang hawak kong plato.

“Kain tayo?”

“Tss.” aniya at inirapan ako na tila ba iritado bago ako nilampasan.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon