“Manahimik ka nga, Ruben!” sigaw ni Minerva at masama ang tingin dito.

“Naku! Baka mamaya ay kayo naman ang magkatuluyan!” tukso ng isang matandang lalaki na naroon.

Naging tampulan ng tuksuhan doon. Maging ako ay natawa nang makitang tila nahihiya si Minerva. Lukot na lukot ang mukha nito habang kumikibot kibot ang labi.

Naramdaman ko ang hawak sa balikat ko. Bahagya akong lumingon at nakita si Nero na nakatingin sa akin mula sa likod ko. Ilang agwat na lang ang layo ng mga mukha namin sa isa’t isa dahilan para maramdaman ko ang pagwawala ng puso ko.

“Gusto mo nang kumain?” malalim ang boses na tanong niya.

Bumaba ang mga mata niya sa labi ko. Mas lalo ‘yong dumilim na ikinasikip ng dibdib ko.

“I-Ikaw? Kakain ka na ba?”

“Kapag kumain ka na. Sasabayan kita.”

Gumapang ang init sa aking pisngi. Tumango ako. “Sige. K-Kumain na tayo.”

Tumaas ang gilid ng labi niya na mas lalo niyang ikinagwapo.

“Bakit nauutal ka?”

Kumurap kurap ako. “H-Hindi!” Tumikhim ako para ayusin ang pagsasalita ko. “Medyo maginaw kasi.”

“Nakasuot ka na ng jacket,” aniya.

Gano’n na lang ang pagkalabog ng puso ko nang maramdaman ko ang paghawak niya sa aking kamay.

“Nilalamig ka nga.”

“Uh, medyo malakas kasi ang hangin.”

Hindi naman talaga ako nilalamig pero dahil sa distansya naming dalawa at sa paraan ng pagtitig niya sa akin ngayon, tila sa direksyon ko lang umiihip ang panggabing hangin.

“There will be a bonfire later. It will help you to feel warm.” sabi niya nang hindi pa rin binibitawan ang kamay ko.

Tumango ako. “Sige.”

Ilang segundo pa siyang nakatitig sa akin bago siya huminga nang malalim at pinakawalan ang kamay ko. Nakarinig ako ng tikhim sa paligid. Lumingon ako at nakita si Mang Kulas na ngingiti ngiti habang nakamasid sa amin.

Alanganin akong ngumiti sa kaniya dahil pakiramdam ko ay inaasar niya ako. Kami ni Nero.

Kung nakamamatay lang ang mga tingin ni Minerva ay siguradong kanina pa ako pinaglalamayan. Nagkataon pa na sa espasyo malapit sa kaniya ang natitirang bakanteng upuan kaya doon na lang ako naupo. Kasya pa si Nero kung sakali.

Tahimik ako lalo na at napapaligiran ako ng mga alipores ni Minerva. Pakiramdam ko tuloy ay may gagawin siyang hindi maganda. Baka mamaya ay bigla niyang hilahin ang buhok ko ay o hindi kaya ay buhusan ng kinakain niya.

Pinanood ko si Nero na kumuha ng mga pagkain. Sinabi niyang siya na ang bahala maglagay ng pagkain sa plato ko. Umalma ako nung una pero wala na akong nagawa nang sagutin niya lang ako ng madidilim na titig.

“Isha!”

Bumuntonghininga ako nang marinig ang mahina ngunit may diin na tawag sa akin ni Minerva. Bahagya ko siyang nilingon, nasa tabi ko na siya ngayon.

Matinding pagpipigil ang kinailangan ko huwag lang matawa nang makita nang mas malapitan ang kolorete sa mukha niya.

“Bakit?” tanong ko.

“Ano’ng shampoo mo? Saka anong make up ang nilalagay mo sa mukha mo?”

Kumunot ang noo ko sa mga tanong niya. Hindi naman siya tunog galit pero rinig pa rin ang pagkasiga sa boses niya.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon