Itinapis ko ito sa katawan at lumabas ng banyo sa kabila ng gano’n ayos ko. Hinanap kaagad ng mga mata ko si auntie pero tahimik pa rin ang kabahayan at halatang wala pa akong kasama.

Sinubukan ko rin lumabas at silipin kung naroon na siya sa tindahan, hindi alintana na twalya lang ang suot.

Bumagsak ang balikat ko nang makitang sarado pa rin ang tindahan. Nagkamot ako ng basang ulo na puno ng bula at bumuntonghininga.

“Isha, ano’ng nangyari sa iyo at ganiyan ang ayos mo?”

Mabilis akong napalingon sa bandang gilid nang marinig ang boses na ‘yon. Naroon si Nanay Martha at salubong ang kilay na nakatitig sa akin. May hawak siyang walis tingting at tila nagwawalis sa bakuran nila.

“Nawalan po kasi ng tubig ‘yung gripo namin, Nanay Martha. Hindi ko po natapos ang pagligo.”

“Naku! Gano’n ba? Halika at dito ka na sa amin maligo. Baka abutin ka ng pulmonya kapag hinayaan mong basa iyang katawan mo. Iyong banyo ni Choleng ang gamitin mo.”

“Po? Huwag na po, Nanay Martha-”

“Ay anong huwag na? Mas gusto mong ganiyan ang sitwasyon mo? Halika na at wala namang tao sa amin kung hindi ako lang.”

Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang sabihin niyang siya lang ang tao sa bahay nila. Kung nagkataon na alukin niya akong doon maligo at naroon rin si Nero, imposibleng pumayag ako.

“Halina, Isha! Lalamigin iyang likod at dibdib mo! Itong bata na ito, oo.”

Wala na akong nagawa nang muling magsalita si Nanay Martha at lumapit pa sa gate. Bumuntonghininga ako at sumama na sa kaniya sa bahay nila.

Mabuti na lang rin at wala namang tao sa kalsada kaya hindi na rin masamang lumabas ako na tuwalya lang ang suot. Bibilisan ko na lang ang pagligo para makauwi rin kaagad ako habang wala pang tao sa labas.

Tahimik ang bahay nina Nanay Martha nang pumasok kami, mukha talagang walang tao.

“Si Choleng ay namalengke habang si Re... Nero ay nasa palayan at maagang naroon para magtanim ng binhi.” sabi ni Nanay Martha na para bang may ibang sasabihin ngunit hindi na itinuloy.

Paakyat na kami sa kahoy na hagdanan. Maganda iyon at halatang yari sa mamahaling uri ng kahoy. Halatang hindi basta-basta ang presyo.

Mukhang may kaya sila Nero. Malaki ba ang kinikita ng isang magsasaka?

Huminto si Nanay Martha sa tapat ng isang pintuan at hinawakan ang seradura no’n. Sinubukan niya ‘yon buksan ngunit hindi nagtagumpay.

“Ay naku po! Mukhang dinala ni Choleng ang susi ng kwarto niya. Iyong batang iyon talaga!”

Napapabuntonghininga si Nanay Martha nang harapin niya ako.

“Sarado pala ang kwarto niya, hija. Halika at dito ka na lang maligo.”

Wala na akong nagawa nang hawakan niya ang kamay ko at hilahin pasunod sa kaniya. Muli kaming huminto sa harapan ng isang pintuan. Nang subukan buksan ni Nanay Martha ang seradura ay kaagad itong lumangitngit.

Bumungad sa akin ang malawak na kwarto. Puti at abo ang mga kagamitan at ang preskong amoy mula sa mamahaling pabango ang yumakap sa ilong ko.

“Dito ka na lang sa banyo ni Nero maligo, hija. Nga lang ay walang shampoo at sabon na pangbabae diyan.”

Namilog ang mga mata ko saka mabilis na umiling.

“Naku, huwag na po! Ayos na po ako sa bahay namin, Nanay Martha. Nakakahiya po kay Nero at-”

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon