Kinuha ko na ang tupperware dahil nakakahiya naman kung tatanggihan ko pa. At isa pa, nakakatakot rin siyang tanggihan.

“Bakit umuwi kayo kaagad?” tanong niya.

Sandali akong nag isip ng dahilan. “Wala kasing bantay sa tindahan. Saka may bisita kayo kaya hindi na kami nakapagpaalam.”

“Bisita ko rin kayo.”

Tipid akong ngumiti at tumungo. Hindi ko alam bakit para akong nahihiya sa tuwing tinititigan niya ako. Ganito ba talaga siya? Mukhang galit kahit hindi naman?

Kahit kapag ngumingiti siya ay parang hindi pa rin siya mukhang masaya. Para pa nga siyang nang aakit. Sa paraan ng pagtaas ng sulok ng labi niya, tila ba wala siyang kinatatakutan.

“Uh, sorry. Hindi na kami nakapagpaalam. Nahiya rin kasi kami sa mga bagong dating. Mukhang mayayaman. Kaano-ano mo?”

Pinasadahan niya ng dila ang ibabang parte ng kaniyang labi dahilan para lalo itong mamula.

“They’re my parents.”

Sa paraan niya ng pagsasalita ay iisipin ng kahit na sino na hindi lang siya isang magsasaka.

Pero matalinong tao lang talaga siya. At hindi naman porque magsasaka ay wala nang karapatan magsalita ng Ingles. Hindi lang talaga siguro common ang gano’n.

“Mukhang may mga s-sinasabi sila sa buhay.”

Nagkibit balikat siya. “Mauna na ako.”

Bago pa ako makasagot ay tumalikod na siya at naglakad pabalik sa bahay nila. Pakiramdam ko tuloy ay hindi niya gusto ang sinabi ko.

Sinabi ko lang naman na mukhang mayaman ang pamilya niya. May masama ba doon?

Muli ko siyang tinanaw. Nakita ko na sinalubong siya ni Minerva sa gate at tila may sinabi. Nilagpasan lang siya ni Nero na ikinasimangot niya.

Bumuntonghininga ako.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Nagising ako sa malakas na ingay ay sigawan sa labas. Bumangon ako at sumilip sa may bintana. Maraming tao na tila nagkakasayahan habang sumusunod sa isang sasakyan na may malaking speaker kung saan nanggagaling ang musika.

“Ano’ng mayroon?” wala sa sariling bulong ko habang nakamasid pa rin sa labas.

Ipinuyog ko ang buhok ko at lumabas ng kwarto. Hindi na ako nag abalang maghilamos at ayusin ang sarili dahil hahanapin ko lang naman si auntie. Wala siya sa tindahan kaya naman lumabas pa ako ng bahay.

Naabutan ko siya na nasa labas ng gate, malawak na nakangiti habang pinapanood rin ang kaganapan sa labas.

“Auntie,” tawag ko.

Hindi niya ako nilingon. Siguro ay hindi rin niya ako narinig dahil sa ingay sa paligid. Nilapitan ko siya at kinalabit sa balikat. Doon niya lang ako nilingon.

“Isha, gising ka na pala! Naingayan ka ba?”

“Ano pong nangyayari?” tanong ko at iginala ang tingin sa kalsada.

“Fiesta raw ng baryong ito! Mamaya lang daw ay may karakol kaya inaabangan ko.”

Karakol? Ano ‘yon?

Magtatanong pa sana ako nang mas lalong lumakas ang tunog mula sa malaking speaker. Imbes na magsalita pa ay nanahimik na lang ako.

Tumingin ako sa bahay nina Nero. Mukhang walang tao doon dahil kahit na si Nanay Martha ay hindi ko nakikita. Madalas kasi ay nasa terrace lang siya at nananahi.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon