Eight - Keep You Safe

1.8K 94 16
                                    

"Nathan, ano'ng kalokohan na naman iyan?" Pabulong na tanong ni Ice. Hindi sumagot si Nathan, mahinang pinisil lang niya ang balikat ni Ice pero na kay Castor pa rin ang tingin nito.

Imbes na maasar sa tila naghahamong tono ng boses ni Nathan, ngumiti ng malapad ang kapatid ni Ice na si Castor. "Ganyan dapat ang mga sagot. Ok na 'tol, hatid mo na si ate sa loob."

"We'll talk about it later," mahinang bulong ni Nathan kay Ice nang tumalikod na si Castor para pumasok sa loob ng bahay. Inaalalayan siya ni Nathan habang nilalakad ang direksyon patungo sa kuwarto niya. Nakasunod sa likod nila ang nanay ni Ice samantalang nagpaiwan sa sala ang dalawa niyang kapatid at ang ama nila. Nang makaupo siya sa kama niya ay lumuhod si Nathan at ito ang nag-alis ng sapin niya sa paa. Walang imik na pinagmasdan lang ni Ice ang binata sa ginagawa. Nasa may pinto rin ang nanay niya, nagmamasid sa kanilang dalawa.

"Maghahanda lang ako ng meryenda iho. Ikaw na muna ang bahala kay Ice," paalam ng nanay niya.

"Huwag na po, nag-agahan naman po kami. Doon nga po nadisgrasya itong anak ninyo. Lalampa lampa kasi." Kunwari ay paninisi nito kay Ice.

"Mukha lang matigas 'yang anak ko pero ang totoo malambot iyan. Babae pa rin iyan kahit na kung kumilos minsan ay daig pa ang maton diyan sa kanto."

"Nay!"

"Sabi ko nga maghahanda na ako ng meryenda. Maiwan ko na kayo," tumalikod na ang nanay niya.

Naihilamos ni Ice ang magkabilang palad sa mukha dahil sa frustration. Una, pinagtulungan ng mga kapatid at tatay niya si Nathan. Tapos, ang nanay naman niya may kung anong banat na hindi niya maintindihan kung saan nito pinagpupulot. Siya itong hiyang-hiya sa pinanggagawa ng pamilya niya. Kaya nga ayaw niya sana na magawi si Nathan sa kanila kung puwede lang, naubusan lang talaga siya ng options sa araw na ito dahil sa nangyaring pagkakatapilok niya.

"Sorry." Hingi niya ng paumanhin kay Nathan.

"Para saan?"

"Sa pinanggagawa ng pamilya ko. Kaya nga ayaw kong magpunta ka dito, isa lang iyon sa maraming dahilan." Ani Ice.

Umiling si Nathan at nakiupo na rin sa kama niya. Pinagsalikop nito ang dalawang kamay bago bumaling sa kanya. "I like your family. Magulo na masaya."

"Nasasabi mo lang iyan dahil hindi ikaw ang nasa lugar ko." Pabagsak na nahiga si Ice.

"So hindi ka masaya with the kind of family that you have?"

Napaisip si Ice. Hindi nga ba? May mga kapatid siyang maiingay, tatay na parang naiwan sa late twenty's ang mentalidad kung mag-isip at nanay na bagamat hindi palakibo ay ni minsan hindi niya naringgang nagtaas ng boses kanino man sa kanila kahit gaano sila kakukulit habang lumalaki. Higit sa lahat, nakikita niyang nagmamahalan ang mga magulang nila kahit umabot na sila sa ganoong edad.

"Masaya. Minsan nga lang nakakairita. Nakilala mo na rin naman ang mga kapatid ko." She admitted.

"Be thankful for having a family na kumpleto. You have something most of us don't have."

"Hindi ba kayo kumpleto?" Tanong ni Ice. Umiling si Nathan bilang sagot.

"I'm sorry. Tama ka, wala akong karapatang magreklamo gayung marami ang hindi buo ang pamilya."

"Kalimutan mo na iyon. Let's just focus on the present. Speaking of which, kamusta na ang paa mo? Sigurado kang hindi na natin kailangan ipatingin sa doktor iyan?" tanong ni Nathan.

"Ang kulit mo, sinabi nang hindi." Inirapan niya ang binata na nakatunghay sa kanya.

"Alright, if you say so."

The Girl in Ripped Jeans (To Be Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon