100 [Last Entry]

645 22 14
                                    

PANAY ang linga ko kaliwa't kanan. Nanginginig ang mga daliring nagtipa ako sa keyboard ng hawak kong cellphone. Matapos iyon ay inilagay ko ang cellphone sa tainga, umaasang may sasagot sa ilang ulit ko nang tawag.

Pumatak ang luha sa aking kaliwang pisngi nang wala akong marinig kahit pag-ring man lang sa kabilang linya. Agad kong pinunas ang luha ko at saka ako nagpatuloy sa paglalakad. Bawat madaanan kong tao ay nilalapitan ko at pinapakitaan ng picture, nagbabakasakaling nakita na nila ang lalaking nasa litrato at ituturo sa akin kung nasaan ito.

Bumuntonghininga ako at saka nagpatuloy sa paglapit sa mga tao. Wala akong pinalampas, lahat ng masalubong, lahat ng mapansin ng mga mata. Desperada na kung desperada pero wala akong pakialam.

"Magpakita ka na, please. Huwag ka nang makipaglaro pa ng taguan," bulong ko habang palinga-linga.

Hindi kaya nakaalis na siya't sakay ng kalilipad na eroplano ngayon lang?

Pumatak na naman ang luha ko na agad ko ring pinunasan. Hindi ko balak mag-eskandalo lalo pa't halos karamihan ng mga taong narito ay nasa akin ang atensyon. Marahil ay nawiwirduhan sila sa biglaan kong paglapit sa kanila.

Nang ipagpatuloy ko ang paglalakad ay napangiwi ako nang manakit ang mga paa. Napaihip ako para kahit papano'y maibsan ang sakit. Halos isang oras na akong paikot-ikot dito. May pag-asa pa kayang makita ko siya? Sana naman hindi pa nakakaalis ang sasakyan niyang eroplano. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari iyon. Malaki ang chance na hindi ko na siya makita pa ulit kapag hinayaan ko siyang umalis.

Nagkamali ako, alam ko. Nagkamali ako sa maraming bagay at ngayon ko itatama ang mga iyon.

Umupo ako sa gilid saka hinilot-hilot ang mga paa. Sinubukan kong tumawag pa kay Ford habang patuloy lang sa paghagod sa mga paa. Wala pa ring sumasagot. Ikinagulat ko naman maya-maya nang may mag-ring sa tabi ko. Agad akong napalingon at napaawang ang bibig nang makitang cellphone iyon.

Pinasadahan ko ng tingin ang buong paligid. Isa siguro sa mga taong narito ang may-ari ng cellphone sa tabi ko. Tinanong ko agad sa kanila pero panay iling lamang ang natanggap ko. Wala akong nagawa kundi kunin ang cellphone at buksan ito. Baka naman may pagkakakilanlan akong makikita sa lockscreen nito. May password kaya hindi ko rin totally mabuksan.

Napabuntonghininga na lamang ako. Ibibigay ko na lang siguro sa guard dito para if ever balikan ng may-ari makukuha niya agad. O kaya naman sa lost and found, kung meron niyon dito.

Nang mag-ring ulit ang cellphone ay tulala kong tinitigan ito. Sasagutin ko ba? Hindi na ako nag-isip pa ng ilang ulit, pikit-mata kong sinagot ang tumatawag. Baka ito na ang may-ari kaya tama lamang siguro na sagutin ko.

"You stole my phone..." imik ng nasa kabilang linya.

Natigilan ako. Ang boses na iyon...

Nagsipatakan ang luha ko sa kanang mata at agad na tumayo sa kinauupuan. Nagpalinga-linga ako. Kahit pa masakit ang mga paa ay iika-ika akong naglakad para hanapin kung nasaan siya. Panay ang patak pa rin ng mga luha ko na hindi ko na magawang punasin.

Garalgal ang boses ay sinubukan kong magsalita. "F-Ford..."

Hindi umimik ang nasa kabilang linya. Nagmamadali akong tumakbo nang tumakbo habang inililinga ang ulo. Sobrang desperado mang tingnan ay hindi na iyon mahalaga sa akin. Mukha mang timang sa paningin ng iba ay ipinagsawalang-bahala ko iyon.

Napangiwi ako sa pananakit ng mga paa. Agad kong hinubad ang takong na suot at iniwan iyon sa kinatatayuan. Pinagpatuloy ko ang paghahanap kay Ford sa napakaraming tao sa airport na iyon.

May guard nang lumapit sa akin. Balak na ako nitong palabasin dahil nanggugulo raw ako sa mga naroon. Hindi ko ito pinakinggan. Maluha-luha kong pinagpipindot ang cellphone na hawak. Nabasa na ito ng luha ko na walang habas na nagsisipagtuluan.

HE STOLE MY PHONE [EPISTOLARY | COMPLETED]Where stories live. Discover now