"Baka mapahamak ka. Walang may alam kung sino ang mga nandiyan. Baka nga, walang katao-tao riyan." Medyo natakot ako sa pinagsasabi ni Manong Driver pero wala nang atrasan 'to. Tumigil na kami sa harapan ng walang katao-taong terminal. Ang mas nakakakilabot nga lang dito ay parang gigiba na ang mga pader dito.

Nagbayad na ako at hindi na nagreklamo si Manong. Agad naman siyang umalis habang nakatitig ako sa harapan ko ngayon. Medyo nagsisisi tuloy ako na tumuloy ako. Nang iniwan ako ng sinakyan kong taxi ay para akong nanlamig. Wala na talagang atrasan 'to. Ang dami kong iniisip pero pumapangibabaw sa akin na dapat sinama ko si Heroic. Atsaka sana legit itong binigay sa akin ni Jon.

Kung nasa isang horror film lang ako, nakakarinig na ako ng suspense background music habang nagtatagpo ang mga mahihinahon kong apak sa daanan. Sumasabay na rin ang kabog ng puso ko habang dumadaan sa likuran ng terminal. Nang makakita ako ng naglalakihang puno, mas lalo akong kinabahan.

Kung hindi ko na talaga kaya mag-isa, tatawagin ko si Heroic.

Sinundan ko ang map. Bahala na pero nag-iingat ako sa bawat hakbang ko. Malay ko bang may mga booby trap dito at maputol ang paa ko!

Masyadong malayo na si Boss kaya kung gaano ako nagmamadaling maglakad, ganoon din ako kaingat sa matatapakan ko. Dumidilim na rin ang dinadaanan ko dahil sa kapal ng mga dahon ng mga puno.

Sumigaw kaya ako para marinig ni Boss? Bakit kasi dito pa siya pumunta? May tinatago ba siyang bangkay dito? Huwag naman sana.

Tumigil si Boss sa paglalakad, ayon sa Macrofinder. Ilang kilometro pa raw siya sa akin kaya maingat akong gumagalaw.

Kaso nakarinig ako ng yapak sa paligid ko.

Napatigil ako sa paglalakad at tahimik na tiningnan ang paligid. Sinubukan kong huwag magpanic. Baka ako lang 'yun. Baka may naapakan lang akong mga maliliit na kahoy.

Pinatuloy ko ang paglalakad ko. Ano kayang ginagawa ni Boss kung saan siya ngayon? He's 532m far from where I am right now. Ang layo-layo pa pero tuwing tiningnan ko ang Macrofinder, parang ang lapit na.

Hindi ko na namamalayan na masyado na akong malayo sa main road.

Palayo ako nang palayo.

At doon ko na nararamdam ang takot.

Muli akong nakarinig ng yapak sa likuran ko kaya napatigil na naman ako sa paglalakad. Gusto ko na talagang maiyak dahil imposibleng si Boss 'yun. Sabi sa finder, nananatili si Boss mahigit 300m ang layo mula sa akin!

Nanatili akong nakatayo at binaba ang phone ko. Humihinga ako nang malalim. Saka tumitingin sa paligid ko. Magtatago ba ako? Baka nagkamaling dinig na naman ako?

Ni hindi ko man lang alam manuntok. O hindi kaya stunts para ipagtanggol ang sarili ko. Ni wala akong magagamit na pamalo kung hindi ang mga mapupulot ko sa dinadaanan ko.

Tumakas ang kaluluwa ko nang may nakarinig ako ng may naputol na kahoy kaya tumakbo ako. Tumakbo ako na parang isinasalba ko ang buhay ko. Pakiramdam ko ay mamamatay ako nito. Hindi ako ligtas dito kaya kailangan kong humingi ng tulong.

Hindi ko alam kung gaano ako kalayong tumatakbo dahil dumeretso lang ako. Gustuhin ko mang lumiko para iligaw ang sumusunod sa akin pero nasa diretso ko lang si Boss kaya sana naman ay maabutan ko siya.

Naiiyak na ako pero tinatagan ko ang loob ko. Pakiramdam ko ay may sumusunod pa rin sa akin hanggang sa tuluyan akong nawala saglit sa kamalayan. Tumigil ako sa pagtakbo para tingnan ang phone ko dahil tumutunog ito. Naglilikha ito ng maliliit na tunog.

20m.

Malapit na. Kumpara kanina ay malapit na malapit na ito.

GumdropTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon