7. Pagtanggap

15 3 0
                                    

Noong bata pa tayo, kapag naglalaro tayo ng habulan, hindi natin naiiwasang madapa. Pero kahit ilang beses mang nadadadapa, nakikita pa rin natin ang ating sarili na tumatayo at patuloy na tumatakbo. Hinahabol ang kung anong bagay na nais nating abutin.

Sa pagkakadapa ko ngayon, wala na siya para tulungan akong tumayo. Pero kahit ganunpaman, hindi ko naman pwedeng hayaan na habambuhay na lang akong nakadapa. Batid ko nang dapat alalayan ko rin ang aking sarili na tumayo. Tatayo ako at magpapatuloy sa pagtakbo tungo sa direksyon na ikakapayapa ng aking puso.

Ilang buwan na ang nakalipas simula nang naghiwalay kami. Ngunit ilang araw man ang lumipas para maghilom ang sugat sa puso ko, ramdam ko pa rin na nandito ito. Kumikirot sa ilang pagtibok ng aking puso.

Ngunit ang kirot sa puso ko ay hindi na kasing kirot tulad ng dati. Dinadahan-dahan ko na kasi ang pagtanggap.

Ito ang unang pagkakadapa ko. Akala ko pagkakadapa na kung maituturing ang mga cool off namin dati, pero tapilok lang pala iyon. Mga kaunting pagkatumba na nauuwi sa mga kaunting galos. Nagagawa ko rin agad na tumayo dahil alam kong may aagapay sa'kin.

Ngunit ngayon, sa totoong pagkakadapa ko, wala na siya para agapayan ako. Ang kapiling ko lang ay ang sarili ko. Nasa sa akin na kung tatayo ba ako agad o iiwan ang aking sarili na nakatumba.

Sa tulong naman ng pamilya at mga kaibigan ko, unti-unti na rin akong nakakatayo.

Sa labis na kagustuhanng malayo ang isip ko sa kanya, kung anu-anong mga gawain ang nasubukan ko. Katulad na lamang ng drawing, kahit hindi naman ako marunong. Paglilinis sa kung saan-saan na nadadamay pa ang maruming kwarto ng kapatid ko. Pagtatanim na kinagiliwan ni mama at 'di kalauna'y pinagpatuloy niya. Travel na minsanan ko lang nagagawa dala ng kapos din sa pera. Online selling na tinigil ko rin kasi 'di ko magawang mapanindigan dahil subok-subok lang naman ang dahilan ko. Hanggang sa pagbabasa ng mga self-help books na mula sa mga novels at moving on books ay napunta na sa individual growth. Yung huli lang yung nakasanayan kong gawin.

"Ayla, masaya ako."

Nagulat na lang ako nang biglaan na lang 'yang sinabi ni mama sa akin isang araw habang nagtatanim kami ng mga bulaklak.

"Po? Sa ano po?"

"Ito, yung sinusubukan mong maka-move. Tumayo muli. Ramdam kong mahirap ang sitwasyon mo, kaya nga masaya ako sa dedikasyon mong paggamot sa sugat sa puso mo."

Napangiti naman ako at napayakap kay mama.

"Tinutulungan niyo rin kasi ako, ma. Kaya salamat din po."

Hinimas ni mama ang buhok, "ay naku, itigil na nga natin ito. Baka umiyak ka na naman."

Napatawa na lang kaming dalawa at nagpatuloy sa pag-alaga sa mga tanim.

"Anak..."

"Po?" Napatingin ako kay mama na taimtim lang na nakatingin sa akin.

"Nalaman ko lang 'to dahil sinabi ng kapatid mo sa akin. Handa ka na ba para bukas?"

Napaisip ako kung ano ang tinutukoy ni mama. Wala kasi akong ibang event na naiisip na magaganap bukas bukod sa isa.

"9th anniversary niyo kasi dapat bukas. Ipagpaumanhin mo anak kung itatanong ko ito sa'yo, pero handa ka na ba para bukas?"

Naguluhan ako kung bakit pinapahanda ako ni mama. Napagtanto ko naman kung bakit.

Pinapahanda niya ako sa bukas na dapat sana'y mahalagang araw para sa akin. Pinapahanda niya ako sa sakit na pwede kong maramdaman. Pinapahanda niya ako sa bukas na dapat sana'y pinagdiriwang.

Pilit akong napangiti, "huwag kang mag-alala ma. Mana kaya sa'yo to. Matatag!"

Sa sumunod na araw, inakala kong ang una kong gagawin ay iiyak. Pero pagkamulat ng mata ko, nakatulala lang ako habang nakatingin sa bubong.

Kwentong Nauwi Lang Sa WalaWhere stories live. Discover now