5. Poot

18 3 0
                                    

Wala pa rin akong natanggap na mensahe mula sa kanya. Hindi rin ako sigurado kung napakinggan ba niya ang voice message ko.

Dalawang araw na ang nagdaan, pero niisang text, wala pa rin.

Unti-unti, nagsasawa na ako sa paghihintay ng paliwanag mula sa kanya. Nagsasawa na rin ako sa pagbalik sa naging convo namin. Kahit na kanong gawin kong pag-unawa sa dahilan niya, iisa lang talaga ang nakukuha ko--pagod lang siya.

Bakit ba? Sa tingin ba niya, siya lang ang napagod sa naging relasyon namin? Napagod din naman ako ha. Pero hindi ako sumuko. Hindi ko siya sinukuan. Kaya anong pagkakaiba ng naging pagod niya sa pagod ko?

Maraming bagay na ang tumatakbo sa isipan ko. At hindi kagaya nang unang beses niyang sinabing pagod na siya, hindi ko na nababalewala ang mga ideyang pumapasok sa utak ko. Nabibigyan ko na ito ng pansin, maging ang hindi magagandang mga paano.

Paano kung matagal na palang hindi niya ako mahal? Paano kung napipilitan lang siyang manatili? Paano kung wala naman talaga sa kanya kung ano ang meron kami? Paano kung may nagugustuhan na pala siyang iba at tinatago niya lang sa akin? Paano kung may nobya na pala siyang iba at ako na lang ang nagiging hadlang sa kanila?

Ang dami ko ng paano, at halos lahat ng mga paano sa isipan ko ay hindi makabuluhan. Lahat ay nabuo gawa ng pangungulila ko sa kanya, lalong lalo na sa paliwanag niya.

Pagod lang siya. Pagod lang siya kaya makikipaghiwalay siya. Katanggap-tanggap ba yun?

Napupuno na ang isipan ko sa dami ng aking iniisip. Kay dumating ako sa punto na humingi na ng payo sa mga piling kaibigan at maging sa mga katrabaho ko.

Masakit man, pero muli kong binalikan ang naging usapan namin. Nakuwento ko rin ang aming simula, hanggang sa gabing sinabi niyang pagod na siya.

Kahit naman papaano, kumalma ako dahil sa mga payo nila. Pero nanumbalik agad ang gulo sa isip ko nang marinig ko ang isang side comment ng katrabaho ko na nakikinig pala sa usapan namin.

Ang nasabi niya ay hindi payo, sa halip ay isa na namang paano. Paano na kahit papaano ay katulad sa isa sa mga paanong naisip ko. Mas malala nga lang.

"Ayla, what if lang? What if may nabuntis pala siya? Naku, girl, kailangan mo talaga siyang harapin. Ikaw dehado 'pag nagkataon girl. Kaya ka siguro iniwan sa ere."

"Huy, gaga ka ba, huwag mo ngang idamay si Ayla sa madumi mong pag-iisip." Paninita ng isa ko pang workmate, "ang kailangan ni Ayla ngayon ay tamang closure hindi mga ideyang magpapalala sa sitwasyon niya."

Hindi naman agad ako nakaimik. Minsan na rin kasi 'yang dumaan sa isip ko. Pero mabilis ko lang binalewala, kilala ko kasi si Sebastian. Hindi siya ganung klase ng lalaki. Batid niya lagi na may consequence bawat maling desisyon namin. Kaya imposible. Imposibleng may mabubuntis siya.

Buong araw akong nabagabag sa sinabi ng workmate ko. Sa sobrang pagkabagabag ko, hindi na ako masyadong nakapag-isip ng matuwid at gumawa ng isang desisyon.

Pagkatapos ng duty ko, hindi ako diretsong umuwi sa amin. Sa halip na magtungo sa terminal ng jeep, dinala ako ng mga paa ko sa terminal ng bus.

Pagkaraan ng ilang minuto, nakita ko na lang ang sarili ko na bumabiyahe na patungo sa lugar kung saan nagtatrabaho si Sebastian.

Ngunit hindi ko na siya naabutan dahil umuwi na raw siya sa boardinghouse niya. Tinanong ko na lang kung nasaan ang boardinghouse niya at tinungo iyon.

Habang papunta ako roon, unti-unti nang nawawala ang adrenaline rush na nagtulak sa aking bumiyahe ng malayo. Unti-unti nang pumapasok sa isipan ko na hibang ang ginawa ko at baka mas lalo lang lalayo si Sebastian 'pag nalaman niya ito. Ngunit sa halip na umuwi o umatras, nagpatuloy pa rin ako.

Kwentong Nauwi Lang Sa WalaWhere stories live. Discover now