2. Pagkakaila

23 3 0
                                    

Nang magising ako, ang una kong ginawa ay tignan ang aking phone kung may text ba mula sa kanya. Pero wala.

Maghihintay ba ako na siya ang unang magti-text o iti-text ko na siya ngayon pa lang?

Sa ilang minutong pag-iisip, napagdesisyunan kong i-text na lang siya ng good morning. Hahayaan kong siya ang unang magti-text tungkol sa naging usapan namin kagabi.

Ngunit ang "good morning" ko ay naging "good noon, kain ka na." Hanggang sa naging "good afternoon. Kamusta araw mo?" Ngunit kahit isang smiley o emoji, hindi niya ini-reply.

Buong araw akong nabagabag sa text niya. Buong araw akong hindi makapag-concentrate sa trabaho, sa mga gawain ko. Buong araw akong tulala sa kawalan.

Habang nakasakay ng jeepney pauwi galing sa trabaho, hindi ko naiwasang balikan kung saan kami nagsimula.

Highschool kami noong una kaming magkakilala. Magkaklase kami at tila kapatid ang turingan. Ganoon kasi kami ka-close sa seksyon namin.

Nang isang araw, wala ang teacher namin, naisipan naming halos lahat na tumambay sa school grounds. Nagkulitan, biruan, kwentuhan, hanggang sa humantong sa aminan kung sino ang may gusto kay sino.

Nang siya na ang tinanong, hindi siya nakaimik agad. Taliwas sa bibo niyang pagkatao na may maiisipang nakakatawa sa kahit na anong usapan. Sa pagkakataong iyon, siya na ang pinagtawanan ng barkada niya na tinusok tusok pa siya sa tagiliran.

"Nandito 'no?" Tanong ng mga kaklase namin na sinang-ayunan ng mga barkada niya.

Mas lalo naman kaming natawa nang namula siya.

"Kalalaking tao, namumula! Wahahaha!" Biro ng isa sa barkada niya. Natahimik naman ito agad nang sinabihan siya ng kaklase namin na namula rin ito noong niligawan nito ang girlfriend sa lower years.

"Sabihin mo na kung sino!" Pilit na naman ng kaklase namin.

Sa sobrang pangungulit ng mga kaklase namin, napatango rin siya. Nang muli siyang tinanong kung sino yung taong nagugustuhan niya, hindi ko inasahang mapapatingin siya sa direksyon ko at ngingiti.

"Si Ayla."

Napuno ng hiyawan yung malaking bilog na binuo namin habang nakaupo sa school grounds. Dala ng ingay namin, naabala na yung ibang klase kaya sinita na kami ng mga teachers at pinapasok kami sa room tapos binigyan ng sit work.

May sitwork man, hindi pa rin siya tinantanan ng mga kaklase namin at pati na rin ako. Tumagal pa yun ng ilang linggo, na sa aking pasasalamat ay dahan-dahan ding nawala. Pero kung may usaping tungkol sa pag-ibig na natatalakay ang teacher namin, muli na naman kami nilang tutuksuhin. Kesyo kabilang na raw sa ilang mga love team sa section.

Bawat pagkakataon din na napapalapit siya sa akin, pinagkakatuwaan siya ng mga kaibigan niya at ganun na rin ng mga kaibigan ko. Iyon na rin ang dahilan kung bakit naiilang na kami sa isa't isa.

Ngunit makalipas ang ilang linggo, may natanggap na lang akong text. Isang simpleng "Hi! Pwede ba kitang maging textmate?"

Ang simpleng hi o hello na iyon ay nauwi sa, "good morning, kumain ka na ba?" Hanggang sa umabot sa "matulog ka na. Ingat ka lagi. I love you."

Nagkaroon pa nga kami ng kung anu-anong tawagan na usong uso sa mga kabataan lalong lalo na sa panahon namin. Bhebhiequ, Babe, Lab, Langga at kung anu-ano pa. Pero hindi tumatagal yung mga tawagang yun dahil either ako yung natatawa o siya sa mga tipikal na tawagang iyon.

Hanggang sa isang araw, habang nagdi-discuss yung teacher namin sa Filipino tungkol kay Ibarra at Clara na mga tauhan sa Noli Me Tangere, bigla-bigla ay nagkatinginan kaming dalawa. Tila ba sa simpleng tinginan ay nagkaintindihan kami at nagkasundo.

Palihim naming napagkasunduang siya ang Crisostomo Ibarra ko at ako naman ang Maria Clara niya.

Nakakatawa lang isipin. Nakaka-cringe pero nakaka-miss.

Dumating din siya sa punto na gusto na niya akong ligawan. Sa simula ay wala pa siyang lakas na loob na ligawan ako sa personal. Pero sa tulong ng kaibigan niya at ng kaibigan ko, nakahanap na rin siya ng pagkakataon.

Sa ilalim ng punong mangga, doon niya ako tinanong kung pwede bang maging kami. Pulang pula pa yung mataba niyang pisngi na pinipigilan kong pisilin. Dala na rin ng labis na kilig, napakagat ako sa labi ko habang nakangiti at tumango sa kanya. Sa pag-oo ko, bahagya siyang napatalon at nagkaroon ng abot tengang ngiti.

Akala ko hindi kami magtatagal kasi baka puppy love lang iyon. Pareho kasi naming unang kasintahan ang isa't isa. Hindi ko naman inaakala na aabot pa kami ng walong taon.

Kagaya ng mga tipikal na relasyon, may ilan kaming mga nakakakilig na mga moments at may ilang mga away na minsan nauuwi sa pikunan hanggang sa tila hiwalayan. Pero hindi kami humahantong sa ganoong sitwasyon. Palagi naming napag-uusapan ang gulo namin kaya nga ang pinakagrabe lang na naging resulta ng aming away ay ilang buwang cool off.

Kahit isang beses, hindi pa namin nasubukang maghiwalay. Parati naming nadadala sa masinsinang usapan ang lahat. Kaya buo ang paniniwala ko na malalampasan din namin ito.

Nang bumaba na ako sa jeep, napatigil agad ako sa gilid ng kalsada nang mag-vibrate ang phone ko. Agad ko itong kinuha mula sa aking bulsa at halos tumalon ang puso ko nang makita ang "Ibarra Ko" sa pangalan ng nag-text.

| Ayla, pwede ba tayong mag-usap? |

Text niya.

Mula sa kasiyahan na nakuha ko sa pag-alala sa nakaraan namin, muli akong nabalot ng kaba at takot.

| Sige. |

Reply ko.

Ilang mga pangyayari na agad ang dumaan sa isip ko. Pero pinigilan ko ang sarili na mag-isip ng masasamang kahihinatnan ng pag-uusap namin.

"Baka hihingi lang siya ng tawad sa sinabi niya sa akin kagabi. O baka babawiin niya ang sinabi niya."

Sana yun nga.

©KimGajelomo

Kwentong Nauwi Lang Sa WalaWhere stories live. Discover now