6. Pananamlay

10 3 0
                                    

Buti na lang may dumaan agad na bus. Buti na lang nakalayo ako agad sa kanya. Buti na lang may lakas pa ako ng loob na pigilan ang sarili ko na tumakbo pabalik sa kanya.

Sawa man sa pag-iyak, ginawa ko pa rin ito. Hindi ko na inalintana kung magmumukha akong baliw sa mata ng ibang tao. Sa sobrang bigat ng puso ko, hindi ko na kayang ikubli ang nararamdaman ko.

Tinignan ko ang phone ko, at natigilan nang makita ang larawan naming magkasama at masaya.

Hanggang dito na lang pala talaga kami. Akala ko kasi siya na. Akala ko panghabambuhay na. Ang dami kong mga maling akala.

Napatingin ako sa call icon at napansing may ilan na itong missed calls. Si mama, siguro nag-aalala na sila kasi kahit gabi na, wala pa rin ako sa amin.

Bahagya akong nagulat nang mag-vibrate ang phone ko dahil tumatawag na naman si mama.

"Ayla, nakung bata ka, nasaan ka na ba?! Gabi na! Bakit ngayon mo pa sinagot mga tawag ko?!" Wika ni mama na bakas ang galit at pag-aalala.

"Ma... Sorry. Galing lang ako kay Sebastian."

"Ha?! Anong pumasok sa utak mo at bumiyahe ka ng napakalayo?! Hoy... Teka, umiiyak ka ba?"

"Ma... Sipon lang po--"

"Ayla, ina mo 'ko. Sa tingin mo ba magagawa mong itago ang mga luha mo sa akin? Sa mga nakaraang araw pa kita napansin na ganyan, ano ba talagang problema?"

"Ma..." Muli akong napahikbi habang naiisip ko ang sasabihin sa kanya, "hiwalay na po kami. Nakipaghiwalay po si Sebastian ma."

"Ha?" Ramdam ko naman ang gulat sa boses ni mama. Dahan-dahan din, kumalma na ang boses niya, "ano bang... ay teka. Kakausapin na lang kita pagdating mo rito sa bahay, okay? Mag-text ka lang kung malapit ka na sa terminal ng bus. Susunduin ka ng kapatid mo."

"Sige po..."

"Ayla, anak, tumahan ka na, okay? Kilala ko si Sebastian, may dahilan siya kung bakit ginawa niya ito. Huwag ka ng masyadong umiyak. Tahan na."

"Tatawag na lang po ako kapag malapit na ako sa terminal..." Na wika ko na lang.

"O sya, sige. Mag-ingat ka ha? Ibababa ko na."

Natapos na ang tawag at naiwan na lang akong nakasandal sa gilid ng bintana at pinagmamasdan ang anumang nadadaanan ng bus. Pero wala talaga roon ang atensyon ko.

Dalawang oras pa at nakarating na rin ako sa terminal ng bus. Nagkita naman kami ng kapatid ko at sinundo niya ako gamit ang motor niya.

Gawa ng pagod ng katawan ko, napasandal na lang ako sa likod ng kapatid ko. Sinita niya naman agad ako dahil baka makatulog ako.

Pinigilan ko na lang ang sarili kong makatulog. Pinakiramdaman ko na lang ang lamig ng hangin. Kung paano nito pinapasayaw ang buhok ko. Hinayaan ko rin ito sa pagpapatuyo sa aking luha.

Pagkarating ko sa amin, pagkapasok ko sa bahay, agad kong niyakap si mama at muling napaiyak. Ibinalik niya naman ang aking yakap at hinimas ang buhok ko.

Dinala niya ako sa aking kwarto at pinahiga.

"Magbihis ka nga muna." Wika niya.

"Ma... Bakit kailangan 'tong mangyari?" Tanong ko sa halip na gawin ang sinabi niya.

Napabuntunghininga si mama at inalis ang mga hibla ng buhok sa mukha ko.

"May plano ang Panginoon, anak. Bawat kaganapan sa buhay natin ay nangyayari ng may dahilan. Isa lang ang pangyayaring ito sa mga plano niya. Siguro para patatagin ka, o siguro may iba siyang plano para sa inyong dalawa."

"Kaya ganun na lang yun, ma? Mauuwi na lang sa wala ang kwento naming dalawa? Ang walong taong halaga ng pagsasama namin?"

"Anak, hindi naman nauwi sa wala ang lahat eh. Balang araw, may aral ka ring mapupulot mula sa pangyayaring ito. Isang aral na magpapatatag sa iyo. Siguro hindi mo pa mababatid ito ngayon, pero balang araw, magpagtatanto mo rin ito."

Hindi ako nakaimik at pinikit na lang ang mga mata ko. Naramdaman ko na lang na tumayo na si mama at umalis sa kwarto ko.

Ang simpleng pagpikit naman ng mata ang nagdala sa akin sa pagtulog.

Hindi ko alam kung pinagkakatuwaan ako ng tadhana, dahil sa gabing iyon, nanaginip ako tungkol sa buhay ko noong highschool pa lang kami.

Kitang kita ko ang mga masasayang ngiti ng mga kaklase ko habang nasa loob lang kami ng silid-aralan. Tila ito yung mga pagkakataon na wala ang teacher namin kaya malaya kaming nagkikwentuhan.

Inikot ko ang aking paningin at nabigla nang makita kung sino ang nasa tabi ko. Si Sebastian. Nakangiti siya habang nakatingin sa mga kaklase namin, ang kamay niya ay nakalagay sa sandalan ng upuan ko.

"Uy, kilig na kilig naman 'tong si Ayla." Rinig kong wika ng kaklase namin.

Napangiti ako at muling napatingin kay Sebastian. Tila nag-slow motion naman ang lahat nang mapatingin din siya sa akin. Nakangiti pa rin siya habang ang mga maaamo niyang mga mata ay nakatingin diretso sa mga mata ko.

"Maria Clara ko..." Nakangiti niyang wika.

Naramdaman kong may tubig na pumatak sa pisngi ko. Napapikit na lang ako at hinayaan  itong kumawala sa aking mata.

"Maria Clara ko, hanggang sa muli..."

Muli akong napatingin sa kanya pero wala na siya sa tabi ko. Maging ang mga kaklase ko. Naiwan akong mag-isa sa silid-aralan. Pero sa halip na matakot, unti-unting naging mapayapa ang puso ko.

Kinabukasan, nagising na lang ako na basa ang pisngi ko. Ramdam ko na rin ang pamamaga ng aking mata.

Dahan-dahan akong napaupo sa aking kama at napatingin sa mga bagay na nagpapaalala sa akin sa kanya. Mula sa litrato naming dalawa, sa teddy bear na bigay niya, maging isa sa couple shirt na nakita ko sa nakabukas na kabinet.

Sa mga sumunod na araw, halos wala na akong ganang gawin ang ilang mga bagay na nakasanayan kong gawin.

Pagod na pagod ang pakiramdam ko. Naisip ko na baka ganitong pagod din ang naramdaman ni Sebastian noong pinipilit ko pang sagipin ang meron kami.

Nakita ko naman ang sarili ko na binabalikan ang mga dating conversation naming dalawa sa text at chat. Maging ang mga litrato naming dalawa noong masaya pa kami.

Gusto ko namang batukan ang sarili ko dahil sa mga ginagawa ko. Batid kong pinapahirapan ko lang ang sarili ko. At oo, alam ko yun.

Napatingin ako bigla sa kawalan habang pinipilit na itatak sa aking isipan ang mapait na katotohanan na wala na pala talaga kami.

©KimGajelomo

Kwentong Nauwi Lang Sa WalaWhere stories live. Discover now