Walang katao tao sa buong lugar at napakatahimik. Magdidilim na. Malapit na..

"Iiwan mo 'ko dito?" Kunot noong tanong nya.

"Hindi ba't ayaw mo din naman akong kasama?"

"O-oo nga, pero..." lumingon sya sa likod at sa gilid bago muling tumingin sa akin. "..baka may multo d-dito eh.."

"Meron nga.." Inangat ko ang kamay kong unti unti nang bumabalik sa pagiging kaluluwa.

"Kim.."

Hindi ko na napigilan ang sarili kong yumakap sa kanya. Humigpit ang kapit ko sa bewang nya na mas lalong nagpaluha sa akin.

Sa dalawang taon naming magkasama sa classroom kahit hindi naman nya 'ko nakikita, hindi ko inakalang mapapalapit akong muli sa kanya gaya noong mga bata pa kami.

Alam kong hindi nya 'ko naaalala. Alam kong hindi nya ko nararamdaman dahil manhid sya. Hindi ko rin naman kayang sabihin dahil natatakot ako. Hindi ko kayang sabihin yung mga nararamdaman ko.

"Mamimiss kita.." Humihikbing bulong ko.

Hinayaan nya 'kong yumakap nang ilan pang segundo at maya maya lang din ay bumitaw na 'ko. At nang tignan ko syang muli ay nakatulala lang sya sa akin. Agad kong pinunasan ang mga tumulong luha ko.

"Aalis ka?"

Napayuko ako at mahinang tumawa dahil sa naiimagine kong pipigilan nya 'ko.. Imposible yon.

"Kim, aalis ka?" Muling tanong nya.

"Kailangan na naming umalis." Tumingala ako para harapin ulit sya at ngumiti.

"Bakit? Ayaw mo na ba dito? Saan ka pupunta?"

"Patay na kami, Greg." Masakit na sa akin mismo nanggaling ang salitang yon. "Hindi na kami pwede dito."

"Pero bakit sila? Bakit yung iba? Bakit yung mga nasa BU? Ilang taon na sila dito ah? Tapos kayo dalawang taon pa lang, hindi na agad pwede dito?"

"H-hindi ko alam.." Umiiling na tugon ko.

"Hindi ba pwedeng i-extend?"

"Greg---"

"Hindi ba pwedeng dito na lang kayo?"

Natigilan ako sa naging tanong nyang 'yon at hindi agad nakasagot. Masyado syang seryoso ngayon, bagay na hindi ko nakasanayan sa kanya.

"I have to go.." pamamaalam ko na bago pa magbago ang isip ko.

Agad akong tumalikod sa kanya. Pero bago pa man ako tuluyang makapasok nang van ay naramdaman ko ang kamay nyang pumigil sa akin. Hinatak nya ang kamay ko pabalik at sya naman ngayon ang yumakap.

Hindi ko iyon inaasahan. At dahil nabigla ako sa kanyang ginawa ay hindi agad ako nakakilos manlang.

"Babalik ka, diba?" Narinig kong nabasag ang boses nya. "Hihintayin kita.."

At mas lalong hindi ko inaasahang iyon ang sasabihin nya. "G-greg.."

"Kapag hindi ka bumalik, sasama ako sayo."

Agad akong kumalas sa pagkakayakap nya at sinamaan sya ng tingin kahit pa lumuluha na ang mga mata ko. "Greg, naman!"

"Kapag hindi ka bumalik, maghahanap ako ng ibang babae.." Nakasimangot pang patuloy niya.

Ayoko non.. Pero kung yun ang ikakasaya nya, bakit naman ako tututol?

"Ayos lang." Labag sa loob na sagot ko.

"Hindi," umiling sya. "Dapat babalik ka."

Lalo akong napasimangot sa sinabi nya. Lalo lang nya 'kong pinapahirapan. Parang hindi ko na gustong umalis pero alam kong kailangan.

One More Time (Ghost Series #2) Where stories live. Discover now