Prologue

199 6 0
                                    

When eyes are closed, you are the only one I see

When you are near, I want to push you away

When you are afar, I want you to be with me

---

Hinahagkan ng malamig na hangin ng Disyembre habang naglalakad sa malawak na bukirin. Tanging ang tunog ng mga makinang ginagamit sa pag-aani ang siyang naririnig. Tumigil ako sa isang maliit na kubo at inilapag ang mga kagamitan. Inilabas ko mula sa aking bag ang isang sketchpad at lapis. Papalubog na ang araw at nagsimula na akong gumuhit. Kinailangan ko lamang bilisan sapagkat kung hindi ay bukas ko pa muling masisilayan ito. Hindi ko naman gugustuhing maghintay pa ng kinabukasan upang matapos ko ito.

Makalipas ang ilang sandali ay dumilim na ang paligid at mas lalong lumamig ang hangin. Pinagmasdan ko ang aking sketch pad at natuwa naman sa kinalabasan. Hindi man masyadong detalyado ang mga guhit ay nasisiguro kong magagawan ko na ng paraan ito kapag nagsimula akong magkulay. Ibinalik ko na ang sketchpad at lapis sa aking bag atsaka umalis sa maliit na kubo. Tumigil na ang mga makina at wala ng tao sa kabukiran. Wala akong nagawa kung hindi tahakin ang daan pauwi sa aming bahay. Tatlumpung minuto ang layo ng bukid sa amin. Hindi naman ako madalas rito ngunit kapag may oras ay sinisikap kong puntahan ang lugar na ito.

Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa tuwing nag-iisa ako sa lugar na iyon habang pinapanood ang paglubog ng araw. Simula ng tahakin ang kanya-kanyang landas ay tila ba parang nasa umpisa pa rin ako at hindi makausad. Nasa nakaraan ang isipan, napapabayaan ang kasalukuyan.

Hindi ko namalayan na nasa tapat na pala ako ng bahay namin. Kung hindi pa nagsisigawan ang aking mga magulang ay baka lumagpas na ako sa amin. Hindi ko gugustuhing marinig ang kanilang pinag-aawayan kaya hinayaan ko muna silang magtalo bago ako nakapasok sa loob.

Habang naghihintay ay inabala ko na lamang ang sarili. Tumabi ako sa isang sulok at pinagpatuloy ang pagguhit. Kung magpupuyat ako ngayon ay maaaring matapos ko rin ang pagpipinta ngayong gabi. Ngunit hindi ko naman mapupwersa ang sarili na tapusin ito. Kaya kailangan kong unti-untiin para na rin hindi masira ang gawa ko. Ang sabi nila, lahat ng magandang bagay ay dumadaan sa masusing proseso. Hindi basta-basta natatapos ang isang bagay ng madalian. Ang lahat ay pinaghihirapan.

Nang huminto na ang sigawan ay nag-desisyon na akong pumasok sa bahay. Nadatnan ko si Papa na nakaupo sa sofa at abalang nanonood ng tv. Si Mama naman ay abala sa paglilinis ng pinagkainan.

"May nasakyan ka pa ba pauwi?" tanong ni Papa sa akin.

"Naglakad lang po ako Pa. Wala na pong dumaan na sasakyan..." sabi ko sa kanya.

"Sana'y tinawagan mo ako para nasundo kita" medyo iritado siya nang malaman na naglakad ako pauwi. Hindi naman kalayuan ang bahay naming pero ganito siya palagi. Nagagalit.

"Ayos lang po Pa. Alam ko pong pagod kayo sa pagta-trabaho at ayaw ko na pong makaabala pa sa inyong pahinga" mas lalo siyang nairita sa sinabi ko. Totoo naman kasi na ayaw ko silang inaabala ni Mama. Gusto ko din na maging independent kahit papaano.

"Hindi ka kailanman naging abala para sa akin. Gusto ko lang na masigurong ligtas ka. Paano kung may nangyari sayo habang papauwi ka? Wala pa namang masyadong bahay doon!" tumaas ang kanyang boses. Tumahimik na lamang ako at hindi na nagsalita pa. Ganito siya ka-strikto pagdating sa akin. "Bakit ba kasi tuwing alas-singko ka nagtutungo roon at hindi umaga? Ano ba kasing mayroon sa bukirin na iyon at gusting-gusto mong nagpupunta doon! May boyfriend ka na ba!?" nanginig ako sa sinabi ni Papa. Hindi ako sanay na nagagalit siya ng ganito. Gustong-gusto ko nalang tumakbo patungo sa kwarto ko pero kapag ginawa ko iyon ay baka akalain niyang totoo ang paratang niya sa akin. Sasagot na sana ako ng biglang dumating si Mama galing sa kusina.

After The SunsetWhere stories live. Discover now