Chapter 6

38 18 2
                                    

 Agad na napamaang si Nicholas sa kanyang nakita nang mga oras na iyon. Wala siyang ideya na imbes na mga bangkay ang kanyang maabutan doon ay puro mga nilalang na tila ba ginawa ng isang magaling na iskultor. Mula roon ay tanaw niya ang ibang mga nilalang na tila ba ginawang bato sa kalagitnaan ng giyera dahil sa itsura ng mga ito. Ang iba naman ay nagmamakaawa at ang karamihan sa kanila ay tila ba mga inosente na nadamay lamang sa nangyari.

Akmang tutungo pa sana si Nicholas upang libutin at tingnan ang ibang mga nilalang ay agad siyang nahinto. Kasabay niyon ay ang pagbaling niya sa nagmamay-ari ng kamay na siyang pumigil sa kanya sa mga sandaling iyon.

Walang isang salita siyang napatitig kay Apo Hokaido kasabay ng tinging ipinukol niya sa itinuturo nito.

"Sino sila?" Mabilis niyang tanong.

Napabuntung-hininga si Apo Hokaido. "Sila ang iyong mga magulang. Isa sa aking mga hukbo na ibinuwis ang buhay upang maisalba ang ating lahi at ang ating tahanan. At kung hindi dahil sa kanila ay baka hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin tayo ng pamumuno ni Zelpro,"

"Zelpro? Sino siya?" Takang tanong ni Nicholas.

"Katulad ko ay isa ring sirena si Zelpro na nagmula sa pamilya na may dugong bughaw," Mabilis nitong sagot. "Malaki ang papel na ginampanan ng kanyang mga magulang sa lahat ng lahi ng mga sirena at mga tsokoy. Pero hindi tulad mo ay tanggap siya ng buong angkan. Naging malaya siya sa lahat ng bagay na gustuhin niya at wala siyang nais na hindi natutupad,"

Bahagyang natawa si Nicholas. "Halos lahat naman, hindi ba? Ni hindi nga maitatanggi na pati ang mga kapatid ni reyna Hulta ay sunod din sa layaw,"

Napailing si Apo Hokaido. "Tama ka. At dahil sa pagbibigay sa kanya ng lahat ng bagay na gustuhin niya ay doon nagsimula ang giyera sa pagitan ng mga sirena at tsokoy. Siya ang dahilan kung bakit ang mapayapang mundo ng magkabilang lahi ay bigla na lamang gumuho," Mahaba nitong paliwanag.

Sa sinabing iyon ni Apo Hokaido ay muling napabaling si Nicholas sa kabuuan ng lugar na iyon lalong-lalo na sa kanyang mga magulang. Napatitig siya sa mga ito at pagkuwan ay bahagyang nabaling ang kanyang tingin sa suot na kwintas ng isang babaeng sirena na nasa harapan niya. Hugis bilog iyon na may diamond sa itaas.

Kung tutuusin ay ngayon lamang niya nakita iyon. At nasisiguro niya na sa tanang buhay niya na nakatira siya sa loob ng kweba ay wala pa siyang nakikitang ganoong bagay. Hanggang sa maputol ang pagtitig niyang iyon nang muli niyang marinig na magsalita si Apo Hokaido.

"Bagamat tutol ang mga kapatid ni Zelpro ay walang nagawa ang mga ito upang putulin ang kanyang kahibangan," anito habang nakatitig din sa babaeng sirena na may suot na kwintas.

"Isa ba ang sirenang ito sa nadamay dahil kay Zelpro?" Kunot-noong tanong ni Nicholas.

Napatango si Apo Hokaido. "Oo. Ngunit hindi sirena ang babaeng iyan,"

"Anong ibig mong sabihin?" ani Nicholas at muli ay napatitig sa sirena.

Bahagya itong natawa. "Gustuhin ko mang magsinungaling sa iyo ngunit wala na akong dahilan pa para itanggi ang nangyari noon. Nakaukit na ang nakaraan sa bato ng silangan at kahit sino ay hindi na iyon maibabalik pa. Hinding-hindi na magbabago pa kung ano man ang idinulot ni Zelpro na malaking kahihiyan sa ating lahi," anito at pagkuwan ay umakbay kay Nicholas.

Napatango nalang ang sirena sa sinabing iyon ni Apo Hokaido. Pero akmang magsasalita pa ang huli ay saka naman ito natigil nang marinig niya ang mga sumunod na tanong ni Nicholas.

"Ano ba ang kahihiyang ginawa ni Zelpro? May kinalaman ba iyon sa awayang nagaganap sa pagitan ng mga sirena at tsokoy? May kinalaman ba iyon sa naging itsura natin ngayon?" aniya na hindi man lang tumitingin sa kausap. "Siya rin ba ang dahilan kung bakit naging bato ang lahat ng mga nilalang na ito?"

Sa tanong na iyon ni Nicholas ay hindi kaagad nakaimik si Apo Hokaido. Bagkus ay dali-dali itong napabitaw sa kanya kasabay ng hindi niya namamalayang paglangoy nito palayo sa lugar na iyon. Habang siya naman ay nanatiling nakatitig sa babaeng sirena na hindi niya alam kung anong klaseng nilalang.

Akmang magtatanong pa sana siya ay agad siyang natigil nang maramdaman niya na wala na pala siyang kasama. Kaya naman dali-dali siyang sinundan si Apo Hokaido at kasabay niyon ay ang pagkawala ng liwanag sa buong lugar na iyon. At sa kanilang pag-alis ay ang tanong na hindi niya magawang alisin sa kanyang isipan kahit pa alam niya sa kanyang sarili na labag iyon sa kanyang loob.

***

"Saan tayo pupunta?" Maya-maya'y basag ng katahimikan ni Nicholas. "Ibabalik mo na ba ako kay reyna Hulta? Maaari bang patayin mo nalang ako kung gagawin mo iyon?" Dagdag pa nito na agad na ikinatawa ni Apo Hokaido.

Natigil ito sa paglangoy at pagkuwan ay napatitig sa sirena.

"Tama nga si Fulo. Walang katapusan ang mga tanong mo at ngayon palang ay nagsisimula na akong magsawa," Natatawa pa rin nitong sambit.

Napakunot-noo si Nicholas. "Sinong Fulo?"

"Nagkakilala na kayo noong nakaraang araw at tulad ng sinabi niya ay hindi naging maganda ang pagkikita niyo," sagot nito. "Bigla ka raw kasing sumulpot sa teritoryo ng mga tsokoy ng walang pasintabi. Hindi mo ba alam na hindi pwedeng magkita ang dalawang lahi magmula nang may nangyaring giyera?"

Humugot siya ng malalim na hininga. "Wala akong alam sa giyerang nangyari noon at kung alam ko ay paniguradong hindi ko ibubuwis ang buhay ko para lang sa mga kalahi ko o sa kahit na sino pa man," Malamig niyang anas.

Napatango si Apo Hokaido. "At hindi nga nagkamali si Fulo na masyado kang iwas sa nangyari noon. Maaari bang malaman kung bakit?"

Imbes na sagutin iyon ay napailing lang si Nicholas at agad na nag-iwas ng tingin. Hindi naman sa ayaw niyang sagutin ang tanong na iyon kaya lang ay ayaw niya nang balikan pa ang delubyong pinagdaanan niya noon. At kung maaari lang na kalimutan niya ang pinagmulan niya ay gagawin niya upang hindi na siya makaramdam pa ng hinaing sa kanyang puso.

"Nasaan tayo? Hindi pa ba tayo babalik sa teritoryo ng mga tsokoy?" Pag-iiba niya ng usapan.

Napailing si Apo Hokaido at pagkuwan ay mabilis na inilahad ang kanyang kamay sa isang kastilyo na nasa kanilang harapan.

"Bago ka bumalik sa teritoryo ng mga tsokoy ay nais ko munang ipakilala sa iyo ang mundo ng mga sirenang may dugong bughaw," Nakangiti nitong anas. "Pero wag kang mag-alala dahil ako lang ang nandito ngayon. Bukas pa darating ang ibang mga sirena na magmumula sa kabilang dako," Paliwanag nito na agad na ikinagaan ng loob ni Nicholas.

Di nagtagal ay agad na sinundan ni Nicholas si Apo Hokaido papasok sa loob ng kastilyong iyon. Napangiti pa siya nang mapansin niya ang ilang mga isda na malayang nakakalangoy doon. At sa mga sandaling iyon ay tuwang-tuwa ang kanyang puso sa kanyang nakikita. Para sa kanya ay ito ang tamang lugar na maaari niyang pagsimulan ng bagong buhay, bagong pag-asa at bagong Nicholas.

Pero ang ngiting iyon ay unti-unting naglaho nang mabaling ang kanyang tingin sa isang batong kristal na nakapatong sa isang lamesa malapit sa trono. Agad na napako ang kanyang tingin sa imahe ng babaeng lumitaw mula sa loob ng kristal na iyon.

At di naglaon ay agad siyang nakaramdam ng kakaibang emosyon na tila ba kasinglalim ng karagatan na siyang kinalulugaran niya ngayon.

Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon