Chapter 1

50 19 8
                                    

Matapos malinis ni Nicholas ang unang kweba na siyang iniatang sa kanya ay agad siyang nagtungo sa isa pang kweba kung saan nandoon ang ilang mga alipin. Naglilinis ang mga ito at halos lahat sa kanila ay tahimik lamang na nagtatrabaho sa kadahilanang tatlong bantay ang nakapaligid sa kanila.

Walang isang salita siyang pumasok sa loob ng kwebang iyon at mabilis na dumiretso sa kanyang pwesto. At dahil nasa tagong lugar siya kung saan malayo siya sa mga bantay ay saglit niyang itinigil ang kanyang mga ginagawa at pagkuwan ay napatitig sa kanyang mga kasamahan. Doon ay tanaw niya sila na tila ba kanina pa nahihirapan lalo na at kitang-kita niya na tanging mga kamay lamang ng mga ito ang siyang gumagalaw.

Kaya naman isang ngiti ang agad na lumitaw sa kanyang mga labi nang isang ideya ang mabilis na pumasok sa kanyang isip. Saglit siyang napatingin sa labas ng kweba kung saan ay nandoon ang ilang mga kababaihang nakikipagkwentuhan sa mga isda.

Sa pagkakataong iyon ay mabilis siyang napapikit kasabay ng paghugot niya ng isang malalim na hininga. Agad niyang ibinuka ang kanyang bibig at mula roon ay inilabas niya ang kanyang mala-engkantong tinig na siyang bumihag sa atensyon ng tatlong bantay.

Kaya naman di naglaon ay dali-daling lumabas ang mga ito at dumiretso sa ilang mga kababaihang kanilang natanaw di kalayuan sa kweba. Matapos niyon ay agad siyang lumabas mula sa kanyang pwesto at mabilis na napahagalpak nang matanaw niya ang tatlong bantay na hinahabol ng mga babaeng sirena. Kita niya sa mukha ng mga ito ang galit dahil sa walang pakundangang paghalik sa kanila ng tatlong kalalakihan.

At kasabay ng tuluyang paglisan ng mga bantay ay ang pagkawala rin ng atensyon ng mga ito sa mga alipin na kanilang binabantayan. Kaya naman agad na hinarap ni Nicholas ang kanyang mga kasamahan na sa mga sandaling iyon ay mabilis na binitawan ang kanilang mga hawak.

"Habang wala pa ang mga bantay, mas mabuti pa siguro kung kumain muna kayo at magpahinga para mamaya ay hindi na kayo magmukhang lantang gulay," Nakangiti niyang sambit na agad nilang ikinatango. "Wag niyo ring kakalimutan na bumalik kaagad dahil kung hindi ay lagot tayong lahat," Pagpapaalala niya sa kanila.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makalabas sa loob ng kweba ay agad siyang nahinto nang marinig niya ang mga sumunod na sinabi ng isang sirena.

"Wag kang mag-alala dahil sisiguraduhin namin na hindi kami malalagot," anito at umakbay sa kanya. "Sisiguraduhin namin na ikaw lang ang parurusahan ng mahal na Reyna dahil sa ginawa mong pagpapalaya sa amin," Natatawa nitong sambit na siyang ikinatawa na rin ng karamihan.

Sa sinabing iyon ng sirena ay nakiayon nalang din si Nicholas sa naging tawanan ng kanyang mga kasamahan. Ngunit matapos lisanin ng mga ito ang kweba ay mas mabilis pa sa alas-kuatrong napawi ang ngiti sa kanyang mga labi. Kasabay niyon ay ang buntung-hiningang pinawalan niya nang lingunin niya ang loob ng kweba kung saan ay wala ni isa man lang sa kanila ang natira upang samahan siya. Kaya naman sa inastang iyon ng kanyang mga kasamahan ay napakibit-balikat nalang siya. Dali-dali niyang inayos ang kanilang mga gamit at nagpasyang ipagpatuloy ang kanilang mga trabaho.

"Salamat, Nicholas," Maya-maya'y aniya sa kanyang sarili. "Salamat at palagi kang gumagawa ng paraan para makatakas kami sa mga bantay. Kailan mo ba gustong sumama sa amin? Saan mo ba gustong pumunta? Tara, sama ka sa amin at hindi pwedeng hindi ka sumama dahil kung hindi ay kukutusan ka namin," Nakangisi niyang sambit at pagkuwan ay napailing.

Matapos niyang kausapin ang kanyang sarili ay muli siyang napabaling sa kanyang mga kasamahan na tila ba tuwang-tuwa sa kanilang paglaya. Habang siya naman ay nasa loob ng kwebang iyon na malabo pa sa sikat ng araw na muli nilang maalala.

Napabuntung-hininga siya at pagkuwan ay napaupo sa isang bato. Doon ay tinanaw niya ang buong lugar kung saan ay malayang nakakalangoy ang mga sirena at may layang sumama at makipag-usap sa kahit na sino. Ngunit sa kalagitnaan ng pagmumuni-muni niyang iyon ay nagitla siya nang isang boses ang marinig niya mula sa kaloob-looban ng kweba.

Agad siyang napabaling sa pinagmulan ng boses na iyon ngunit nang akmang lalangoy na siya papunta roon ay nahinto siya nang maalala niyang nakagapos pa rin pala siya. Nakalimutan ng mga bantay na tanggalin ang kanyang kadena kaya naman nanatili lang siya sa kanyang kinalulugaran at mataman lamang na hinintay ang paglabas ng kung sino mang sirenang nagtatago roon.

"Sino iyan?" Di niya nakatiis na tanong. "May maipaglilingkod ba ako sa iyo?"

Natawa ito. "Sigurado ka ba na ikaw ang maglilingkod sa akin o ako ang gagawa sa iyo niyon?" anito sa nakakalokong tono. "Bakit hindi mo subukang lumapit sa akin para mas makilala natin ang isa't-isa?"

Napailing siya. "Gustuhin ko man ngunit hindi maaari dahil nakagapos ako. Kung gusto mo ay ikaw nalang ang lumapit sa akin at wag kang mag-alala dahil wala akong masamang gagawin sa iyo," Nakangiti niyang sambit.

Ngunit sa kabila ng ngiting namutawi sa mga labi ni Nicholas ay agad din namang naglaho iyon lalo na nang mapagtanto niyang hindi pala sirena ang kanyang kausap. Gustuhin man niyang lumangoy palayo sa nilalang na iyon pero hindi niya magawa sa kadahilanang wala siyang laban sa kadenang nakadikit sa kanyang katawan.

"Anong sinabi mo? Nakagapos ka? Bakit?" Sunod-sunod nitong tanong kasabay ng kunot-noong pagtitig nito sa kanya. "Anong ginagawa mo? Bakit parang ayaw mong huminga? Masyado bang mahigpit ang kadena dyan sa katawan mo?" Dagdag pa nito.

Napailing si Nicholas. "Hindi mahigpit ang kadena. Sakto lang dahil nakakagalaw pa naman ako," Tila ba nininerbyos niyang sambit at muli ay umiwas sa kausap. "Sino ka? At anong ginagawa mo rito?" Maya-maya'y tanong din niya.

Napangiti ito. "Ako nga pala si Huhu. Isang tsokoy na nagmula sa-"

"Alam ko kung saan ka nagmula at alam ko rin na tsokoy ka pero ang tanong ko bakit nandito ka?" Putol niya sabay tulak kay Huhu papasok sa looban ng kweba. "Hindi mo ba alam na maaari ka nilang makita rito? At kapag nakita ka nila paniguradong iyon na ang katapusan ng buhay mo," Paliwanag niya na biglang ikinalaki ng mga mata ni Huhu.

"Pero-"

"Mas mabuti pa siguro kung umalis ka na para-"

Naputol ang kanyang sasabihin nang mapagtanto niya na tila ba lumuwag ang kanyang pakiramdam. At sa pagkakataong iyon ay tila ba muli siyang nakaramdam ng kalayaan na sa sampung taon ay hindi niya nagawang maranasan. Kaya naman walang isang salita siyang napatingin sa kanyang kadena at mula roon ay nagulat siya nang makita niyang nakalapag na iyon sa mga batuhan.

Kunot-noo siyang napatitig kay Huhu.

Ngunit nang akmang magsasasalita na siya upang tanungin ang huli ay saka naman siya muling nahinto nang marinig niya ang pag-uusap ng ilang mga bantay na paparating na sa kanilang kinalulugaran. Sa pagkakataong iyon ay dali-dali niyang hinila si Huhu papasok sa looban at naghanap ng madadaanan palabas ng kwebang iyon. 

Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED) Where stories live. Discover now