Chapter 23

172 17 7
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

May mga bagay na sadyang hindi mo kayang hayaan. Akala ko, kapag lumipas ang ilang araw, o ilang linggo ay huhupa rin ang pag-iisip at pag-aalala ko kay Jean. Ngunit hindi sa paraan na kakalimutan ko na lang s'ya dahil hindi ko kailan iyon balak gawin, lalo na't sa halos lahat ng makikita ko sa Dumangan ay nagpapa-alala sa'kin sa kan'ya.

Lumipas na ang isang buwan at kalahati simula ng mawala siya, mukhang tumigil na rin ang paghahanap sa kan'ya na kahit ang mga magulang n'ya ay sumuko na rin dito. Wala kasing bakas na mahanap kung saan siya naparoon. Kahit ako na madalas ay naglalakad-lakad sa lugar na sa tingin ko ay may mahahanap akong bakas n’ya, e wala rin mahanap. 

Kinabukasan na ang graduation, at practice na lamang ang ipinapasok naming nasa ika-apat na taon ng high school. Pinag-isipan ko rin nang husto kung dito ba ako tutuloy ng kolehiyo, pero dahil wala naman akong in-apply-an na kolehiyo sa Maynila ay wala na rin akong pagpipilian pa. Noong bumalik kami sa Dumangan ay nagtiwala sa'kin ang mga magulang ko sa desisyon na dito na kami mananatili, madidismaya lamang sila kung biglaang magbago ang ihip ng desisyon sa utak ko.

Nanatili lang kami sa classroom para sa huling beses, ipinapamigay na kasi ang yearbook sa mga estudyante, at makikita pa ang iba na nagpapapirma sa mga kaklase at kaibigan nila. Nakatuon lamang ang mga mata ko sa lamesa ng upuan ko, hinihintay ko na lang na maiabot sa'kin ang yearbook ko para naman makauwi na 'ko. Wala akong balak na magpapirma, at wala rin namang balak magpapirma ang iba sa’kin.

Itinaas ko ang noo ko nang maramdaman kong may tao na nasa harapan ko—si Earl, nakaiwas ang tingin nito sa'kin nang ilapag ang yearbook sa mesa ko. Simula noong araw na gumawa ako ng eksena sa pasilyo ay hindi na kami nag-usap o nagpansinan nito. Mailap na rin ang karamihan sa'kin pati pa ang mga ka-miyembro ko sa student council.

Kinuha ko ang yearbook para itago na 'yon sa bag kahit hindi ko pa nakikita ang litrato ko. Nang pagkahablot ko roon, ay may isang bagay na nahulog sa mesa ko. Napakunot ang noo ko habang nakatinginnsa isang maliit na sobreng kulay putik. 

Inipit ba ni Earl ito sa yearbook ko? Bago ko pa ito madampot ay may tumawag sa pangalan ko.

"Vale, ito pala," si Harvey. Nagtaka ako kung bakit dumayo pa ito sa section namin para lang kitain ako.

Ipinakita nito sa'kin ang mga hawak n'yang litrato na mukhang 5R ang sukat. "Ngayon ko lang naalala na ibigay ang mga 'to sa'yo, panigurado naman na ikaw lang ang kumuha ng mga litrato na 'to noong tree planting, kaya heto," aniya at inabot sa'kin ang mga piraso ng litrato. 

Bago pa 'ko makapagsalita ay tinapik na ako nito sa balikat at dali-daling nagpaalam upang kaagad na rin umalis.

Nang tignan ko ang mga litrato ay bumungad sa'kin ang mga kuha sa plantasyon ng mga rosas; ang mga kuha ko kay Jean. Bumilis ang tibok ng puso ko at sumikip ang dibdib ko nang makita ko ang mga kuha ni Jean kung saan kasama n'ya ang mga namumukadkad na puting mga rosas. May ngiti sa kan'yang labi; ang mga ngiti n'ya pa rito ay umaabot sa kan'yang mata na nagsasabing totoo ang mga iyon at hindi lamang para sa pagkuha ng mga litrato. 

Ang huling litrato ay ang magkasama kaming dalawa, hindi ito napakalinaw, pero sapat na iyon para malinaw kong maalala lahat noong araw na iyon; huling araw na nakita ko s'ya.

Pinagsisihan ko na hindi ko man lang nasabi ang mga gusto kong sabihin sa kan'ya—kung gaano s'ya kaganda, na hindi ako naaalibadbaran sa paraan ng pananamit n'ya, na tanggap ko s'ya; tanggap ko ang kabuuan n'ya kasama na roon ang mga sugat at peklat na itinatago n'ya. Lahat ng iyon—lahat ng parte n'ya tanggap ko. 

Hindi ko namalayan na may tumulong luha sa pisngi ko na agad ko rin pinunasan, huminga ako ng malalim para ayusin ang sarili ko. Maingat kong inipit ang mga litrato sa yearbook para hindi iyon malukot. 

Tumayo na 'ko at isinakbit sa isang balikat ang bag ko, bago ako umalis ay naalala ko ang maliit na sobre na muntikan ko nang makaligtaan. Nang damputin ko iyon mula sa lamesa ay gumawa ito ng tunog na parang maliliit na bato ang laman nito. Inilahad ko ang isang palad ko upang saluhin ang laman ng maliit na sobre. 

Nanlaki ang mga mata ko nang tumambad sa'kin ang maliliit na batong kalimbahin ang kulay at may iba't ibang 'di mawaring hugis—Rose Quartz, ang paboritong gemstone ni Jean, ang sinasabi n'yang parte n'ya. Hindi ako magkakamali na ang mga piraso ng bato na ito ay galing sa pulseras na napigtas sa may bukid, kung saan doon rin ako nagkaroon ng lakas na loob na kausapin s'ya. 

Kung inipit 'to ni Earl sa yearbook ko, paano napunta sa kan'ya ang mga 'to? Imposible, tila imposible ang naiisip ko. 

Sa mga piraso ng Rose Quartz ay may isang maliit na papel na nakatupi, ibinalik ko ang mga piraso ng bato sa maliit na sobre bago dali-daling buklatin ang papel. 

Bukas, naroon ako.

- Jean

Sa tila tatlong salita, at iisang pangalan ay parang nabuo ulit ako. Halo-halo ang mga emosyon na nararamdaman ko. Nakasisigurado akong hindi ito gimik ni Earl, dahil alam ko ang sulat kamay ni Jean. 

Rumehistro sa akin na hindi n'ya ako basta-basta na lang na kinalimutan, gaya ng sinabi n'ya. 

Ibig sabihin ba nito ay tutungo siya rito kinabukasan? Naisipan n'yang bumalik dito?

Kailangan kong hanapin si Earl, kailangan ko s'yang makausap tungkol dito. Dahil sa kan'ya ito galing ay paniguradong may alam s'ya kung nasaan si Jean, kung saan ko s'ya mahahanap para mapanatag ako sa kalagayan nito. 

Dali-dali akong umalis sa classroom upang hanapin si Earl, pero hindi ko ito makita. Naglakas loob akong magtanong sa ibang estudyante kung nakauwi na ba ito, ang sagot ng karamihan ay mukhang nakaalis na nga ang hinahanap ko. 

Dumiretso ako sa bahay nila Earl pero ang sabi ng nanay nito ay hindi pa raw ito nakakauwi. Napagtanto ko na mukhang iniiwasan ako ni Earl kaya hinayaan ko na lamang. Hindi na 'ko naghintay pa sa bahay nila hanggang sa makauwi 'to. 

Mas mabuti na lang siguro na hintayin ko na lang ang bukas kahit pa hindi na 'ko makapaghintay na sa muli ay makita ulit si Jean. At doon, bukas, hindi na 'ko matatakot na sabihin ang lahat sa kan'ya, sa pagkakataon na iyon ay hindi ko na sasayangin ang pagkakataon na mayroon ako.

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon