Chapter 4

269 27 6
                                    

Art Like Scars

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Art Like Scars

•••

Sumapit ang araw ng Linggo kung saan magsisimba kami ngayong umaga. Hindi kalayuan sa eskwelahang pinapasukan ko ang simbahan ng Dumangan. 

Habang nagmimisa, pinagmamasdan ko ang pinaka unang hilera ng upuan, malapit kung saan naroon ang lector ngayon sa misa. Naroon kasi nakaupo si Jean. Namukhaan ko rin ang nakapusod na babaeng katabi n'ya, may magagara itong damit at kumikinang rin ang suot n'yang mga hikaw kapag natatapatan ito ng kahit kaunting sinag ng araw. Si kaparehong kulot na buhok nito kay Jean ay alam ko na agad na si Tita Luisa iyon, ang nanay ni Jean.

Ang mukha lang ni Jean ang natatanaw ko dahil na rin natatakpan ito ng lalaking naka-upo sa likuran n'ya. Mamayang communion ay naisipan kong susunod ako sa kan'ya.

Habang nagmimisa ay nakatuon madalas ang mga mata ko sa kan'ya habang nakikinig sa misa. Kaya naman nang tumayo ito para sa communion ay doon ko lamang napansin ang kasuotan n'ya—oo, hindi ito karaniwan katulad ng sinasabi ni Earl. Nakapalda s'yang itim na umaabot sa kan'yang mga paa, ang blusa n'ya ay walang printa at tumerno ito sa itim n'yang palda. Ginawa n'ya rin pang-ipit ng buhok ang dilaw na bandana, at hindi na nakakagulat na puno pa rin s'ya ng makukulay na mga aksesorya n'ya.

Biglang sumagi sa isip ko kung hanggang dito ba sa simbahan hinuhusgahan s'ya ng mga tao. Sana ay hindi, dahil nakakatawa man kung oo. 

Sa huli, ay hindi ko rin s'ya nakalabit man lang para batiin dahil dagsa na rin ang pumila. Siguro, pagkatapos na lamang ng misa. 

Nakilahok na lamang ako sa pagdarasal, at pagkanta hangga't sa matapos na rin ang misa ngayong umaga. Nagpalakpakan ang mga tao nang matapos ito at sabay-sabay na rin nag alisan. 

Sinundan ko ng tingin si Jean, nakasunod s'ya kay Tita Luisa. Doon ko napansin ang lalaking nakaakbay sa nanay ni Jean. May katangkaran ito, malaki rin ang pangangatawan, at may kaputian. Mapapansin na may karangyaan sa buhay ang lalaki dahil sa pananamit nito at kung paano ito taas noong lumakad. Mukhang ito ang sinasabi ni Earl na pinakasalan ng Nanay ni Jean—si Pablo Sta. Maria.

Tila masasabi ko lang na naka-angat silang dalawa ni Tita Luisa sa buhay; wala na sila sa dating maliit na bahay na tanging gawa sa kahoy nakatira, kung ‘di sa apat na palapag na bahay malapit sa bayan—modernong bahay na masasabing may kaya lang sa buhay ang titira. Minsan ko'ng nadaanan ang bahay nilang iyon at hindi ko maitago ang pagkamangha ko, karamihan din naman kasi ng mga tao sa Dumangan ay hindi ganoon karangya ang buhay, pero basta't may bukid ka na tataniman, sapat na 'yon kahit papaano para mabuhay sa araw-araw.

Naalala ko pa noong mga bata pa kami na palaging nagagawi si Jean tuwing umaga hanggang alas-sais ng gabi sa amin. Nasa bukid kasi ang tatay n'ya, at ang nanay naman n'ya ay namamasukan bilang factory worker sa pagawaan ng tsinelas kaya madalas ay wala s'yang kasama. Noong mga panahon na 'yon ay madalas nakikinood sa'min si Jean ng telebisyon, paborito pa nga namin ulit-ulitin ang CD ng teletubbies hanggang sa magasgas na 'to at hindi na muling gumana pa.

Lumapit ang pamilya ni Jean sa pari, nagmano silang tatlo. Masayang nakipag-usap ang mga magulang ni Jean sa pari habang ito ay tahimik na naghihintay lang sa gilid. 

Nahinuha ko na hindi totoo ang sinasabi ni Earl na pati ang pamilya ni Jean ay ayaw sa kan'ya. Mukhang okay naman sila, mukhang normal na pamilya. Isa pa, kung totoo nga ang sinasabi n'ya na kasapi si Jean sa isang kulto ay hindi s'ya ngayon nandirito para magdasal sa ibang Diyos. Lalo lang akong nagduda kay Earl at sa mga sabi-sabi nito.

Napaharap ako kay Inay nang kalabitin n'ya ako at sinabing aalis na kami. Sumunod ako rito, at nang makarating na kami sa dulo ng simbahan ay napatingin ako pabalik kay Jean; nakatingin din s'ya sa'kin. Sumenyas ako kay Inay na sasaglit lang ako at may kakausapin ako.

Lumakad si Jean patungo sa gawi ko, hindi ko man inaasahan ay natuwa ako. Tumalikod ako nang saglit para patagong ayusin ang kwelyo ng polo ko. 

Napalunok ako at hindi alam kung paano s'ya sisimulan kausapin nang makalapit na s'ya sa'kin, kaya dali-dali na lang ako nagsalita ng kung ano man lumabas sa bibig ko. 

"Kumusta?" masiglang tanong ko sa kan'ya.

Tumingin s'ya sa'kin nang nakataas ang isang kilay, nakapinta ang pagtatanong sa mukha n'ya.

"Nagkita lang tayo kahapon tapos kukumustahin mo 'ko?" Humalukipkip s'ya.

Napakamot ako sa batok ko. "Sabi ko nga…" 

May katahimikan na bumalot sa'min dalawa, ngunit patuloy pa rin akong naghahanap ng dapat sabihin sa kan'ya. 

"Naniniwala ka rin sa Diyos?" tanong n'ya habang hindi nakatingin sa'kin. Ang mga mata n'ya ay nakapukaw kung nasaan ang mga magulang n'yang masaya habang nakikipag-usap sa pari. 

Hindi ko inaasahan ang tanong n'ya kaya hindi ako agad nakasagot, para kasing may laman iyon na sadya n'yang tinatago. 

"Oo… ikaw ba?" diretsong sagot ko. Siguro naman ako sa paniniwala ko, at kung tinanong n'ya ako tungkol doon ay gusto ko lang rin malaman kung ano ang isasagot n'ya kung ibabato ko pabalik sa kan'ya ang tanong.

Pinasadahan n'ya lamang ako ng tingin dahil bumalik rin ang tingin n'ya kung nasaan ang mga magulang n'ya. Bumilang rin ang ilang segundo bago s'ya sumagot.

"Oo," sagot n'ya na may halong pagtango. 

Masaya pa rin nakikipag-usap ang mga magulang ni Jean sa pari. Alam ng halos lahat ng tao sa Dumangan na malaki-laki ang donasyon na binibigay ng pamilya ni Jean sa simbahan. Marami raw itong ipinagbago kumpara sa dati, pero dahil hindi ko na maalala kung ano ang itsura ng simbahang ito dati ay 'di ko masasabi kung ano ang pinagbago nito. Siguro ay magpapasalamat na lang ako sa iilang ceiling fan na nagsalba rito para hindi maging kulob. 

Nakamasid lang ako sa kan'ya, habang s'ya naman ay nakamasid lang din sa direksyon kung nasaan ang mga magulang n’ya, parang pinag-aaralan ang mga ito. Natanong ko tuloy sa sarili ko, ano kaya ang tawag n’ya sa bagong asawa ni Tita Luisa? Tatay rin kaya katulad ng tawag n’ya kay Tiyo Rene noon? 

"Hindi ba nakakaawa ang mundo natin, halos lahat ng tao may maskarang suot," wika ni Jean na tila hindi ko naintindihan. Masyadong malabo ang mga salitang 'yon kung kanino n'ya ba ito ipinaparating—kung sa akin ba o sa iba? 

Sandali, patungkol ba iyon kung kanino nakatuon ngayon ang mga mata n'ya?

"Na kahit sa harapan ng Diyos, suot-suot nila 'yon," naglabas s'ya ng buntong hininga. "Siguro sa tingin nila kung magiging mabait sila sa Diyos, at tanging sa Diyos lamang—masasabi na nga rin ng iba na mabait sila. Mga hipokrito," dagdag n'ya. Ang huling dalawang salita ay binigkas n'ya sa paraang mariin. 

"Ikaw ba Vale?" Humarap sa'kin si Jean at tinignan ako nang mataimtim. Para n'ya akong inuusisa katulad ng pagtingin n'ya sa mga magulang n'ya kani-kanina lang.

"Suot-suot mo rin ba ngayon ang maskara mo?"

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon