Pinaupo muna ako ng Vice Principal sa katabing upuan kung nasaan naka-upo ang mga magulang ni Jean, habang ang Principal naman ay binigyan ako ng tingin na parang inuusisa ako. May katandaan na si Dr. Arseño, ang Principal ng eskwela. Hindi nito kinukulayan ang halos puro puti na n'yang mga buhok na may habang hanggang leeg n'ya lamang. Isang tingin pa lamang dito ay masasabi nang istrikta ito. 

Inayos ni Dr. Arseño ang kan'yang salamin bago magsalita. "Good afternoon, Mr. Senon. Pinatawag ka lang namin dito upang magtanong patungkol sa kaklase mo na si Ms. Jean De Guzman," bungad nito sa'kin.

"Bakit po? Ano pong mayroon kay Jean?" nauutal na tanong ko. Napalunok ako sa natutuyo kong lalamunan.

Napabuntong hininga si Dr. Arseño. "Hindi pa umuuwi si Ms. De Guzman tatlong araw na ang nakakalipas. Kaya nandito ngayon ang mga magulang n'ya para magtanong kung may kinalaman ka ba sa hindi pag-uwi ng anak nila. Ikaw lang naman daw ang natatandaan nilang kasama paminsan nito. Isa pa, e mukhang naglayas daw kasi ang unica hija nila," anunsyo nito.

Biglang tumigil ang lahat para sa'kin. Wala na akong iba pang nakikita, naririnig, nararamdaman. Biglang nawala lahat ng nasa paligid nang sabihin sa’kin na mukhang naglayas daw si Jean.

Tuluyan na ba s'yang umalis nang hindi nagpapaalam? Katulad ng sinabi n'ya sa'kin ilang araw ang makalipas noon sa bukid. Tinupad niya ang mga sinabi n'ya.

Pero dapat ba akong maging malungkot, o masaya? Malungkot dahil nakaalis na si Jean, o masaya dahil nakaalis na rin s'ya sa wakas? Saan ko ba ilulugar ang emosyon ko ngayon? Iiyak ba ako kung saan makikita ako ng ibang tao? 

Sa plantasyon ng mga rosas, hindi ko man lang nasabi ang mga gusto kong sabihin sa kan'ya, o kahit man lang ako na lang ang magpaalam. 

Ang hiling ko na lang ay kung saan man naroon si Jean ay ligtas s'ya, panatag ang loob n'ya, kahit pa hindi na n'ya tuluyang isipin at maalala ang Dumangan, basta ay maayos s'ya.

May ingay na nagpagising sa'kin mula sa mga iniisip ko; ang paglapat iyon ng kamay ni Dr. Arseño sa kan'yang table. "Mr. Senon!" tawag nito sa'kin sa masungit na boses. 

Inayos ko ang tindig ko. "Wala ho akong alam kung nasaan si Jean," tapat na sagot ko. Ramdam ko pa rin ang kabog sa dibdib ko na bahagya na rin humuhupa. Kailangan kong maging kalmado, kundi ay pag-iisipan nilang may tinatago ako kahit na wala. 

"Paanong hindi mo alam? Hindi ba ikaw lagi ang kasama ng anak namin? Itinakas mo pa nga noong isang linggo at dis oras mo na inuwi!" bulyaw ni Pablo. 

Bahagyang napa-awang ang bibig ko sa narinig ko, sarkastiko akong ngumisi. Namangha ako sa kapal ng mukha nitong tawagin si Jean na anak n'ya. Walang magulang ang mangbabastos sa anak n'ya, isa iyon tao na walang tamang pag-iisip. 

At sa aming dalawa, ako ang may karapatang magalit. Walang karapatan magalit ang mga magulang ni Jean, kahit pa si Tita Luisa. Kahit pa nanay n'ya ito sa dugo't laman. Sa ginawa n'ya kay Jean ay para na n'ya rin itong itinakwil. Anong klaseng ina s'ya?

Kinuyom ko ang kamao ko para mapigilan ang galit na namumuo sa loob ko. Sa punto ngayon ay kaya kong manakit, kaya kailangan kong pigilan ang sarili ko.

"Kahit ano pa hong sabihin n'yo, wala akong alam," matigas kong sabi. "Eh kayo bang mga magulang n'ya, naisip n'yo ba kung anong dahilan kung bakit naglayas ang anak n'yo?" 

"Mr. Senon!" suway ni Dr. Arseño, pero hindi ko 'to pinansin. Hindi naman n'ya maiintindihan ang sitwasyon, baka hindi n'ya pa matanggap kung malaman n'yang demonyo ang dalawang magulang na katapat n'ya ngayon. 

Tumayo si Pablo, at mukhang susunggabin ako, agad itong pinigilan ni Tita Luisa. Tumayo ako at hinarap ito, hindi ako masisindak ng nananalinsik n'yang mga mata. Lalo na't mas matangkad ako rito, wala akong takot na nadarama, dahil una sa lahat, hindi ako dapat na matakot sa kan’ya. 

"Bastos ka!" insulto nito sa'kin. Dinuro duro ako nito na parang ang baba ng tingin n'ya sa'kin. Pero wala ng mas bababa pa sa uri ng taong katulad n'ya. 

Lalo lang akong nagalit, hindi na ako makapagtimpi. Alam kong hindi ko istorya ang sasabihin ko, ngunit hindi ko maatim na wala na lamang akong gagawin. Dahil sinubukan nang magsalita ni Jean, at ako lang ang tanging naniniwala sa kan'ya. Kung hindi sapat ang boses n'ya para ikwento ang karanasan n'ya, ako na ang magtutuloy para sa kan'ya.

Lumapit ako rito kaya naman napaatras ito. Naaninag ko na napatayo na si Dr. Arseño, mas mabuti nga 'yon, para mas malinaw n'yang marinig ang mga sasabihin ko.

"Sino ba ang mas bastos sa'tin? Ako na sinasagot ka, o ikaw na ginagawan ng kalaswaan ang anak n'ya?" 

Nanlaki ang mga mata ni Pablo, sinubukan nitong bumuo ng sasabihin n'ya pero hindi ito makagawa. Kaya tanging katahimikan ang sumalo sa kan'ya. 

Napasinghap ang nanay ni Jean, gusto kong matawa nang mapait. Tama ba na ganito ang reaksyon n'ya?

"Mas mabuti ngang umalis na sa inyo si Jean, tutal impyerno naman ang inuuwian n'ya araw-araw. Kaya huwag n'yo na s'yang hanapin, hayaan n'yo na s'yang makalaya sa inyo," atas ko. 

Hinarap ako ni Dr. Arseño pagkatapos kong magsalita. "Please leave, Mr. Senon. You caused enough commotion," aniya.

Hindi ko mapigilang matawa ng mapait, iba talaga siguro mag-isip ang matatanda. Sa lahat ng sinabi ko, gulo lang ang nasa isip n'yang idinulot ko. Tila sarado kasi ang isip nila sa mga bagay na ganito, na tunay naman nangyayari, pero sa iba ay nakakahiyang isipin. Kahit pa biktima na ang nagkwento, ipadarama pa rin na may mali sa kanila kaya sila nagawan ng kamalian. Kung anong lohika ang ginamit ay hindi ko na alam.

Umatras ako para sundin ito, wala na rin naman dahilan para harapin ko pa sila, kaya tumalikod na ako upang umalis.

Napatigil na lamang ako nang pipihitin ko na ang seradura upang makalabas ng opisina. May nakalimutan kasi ako.

Mabilis akong tumalikod at lumakad patungo sa amain ni Jean. Hinatak ko ang kwelyo nito, bago ko kinuyom ang kamao ko. Tumambad ang nanlalaki nitong mga mata sa'kin na lalong nag-udyok para marahas kong ipadaan ang kamao ko sa magkabilang pisngi nito.

•••

Art Like ScarsOnde as histórias ganham vida. Descobre agora